Year of the Rat, Year of the Wrath nga ba?

by PEP Troika
Mar 10, 2020
PHOTO/S: GMA News

JERRY OLEA

Niyakap ng marami ang pagsapit ng taong 2020 dahil nagbabadya raw ito ng linaw, o 20/20 vision.

Nagkasunud-sunod ang Pinoy celebrities na nagpakasal sa unang quarter ng taon.

Enero 12, nag-alburoto ang Bulkang Taal sa Batangas.

Sa pagdating ng Year of the Metal Rat noong Enero 25, payanig ang franchiserye (renewal ng franchise ng ABS-CBN) at Divineserye (secret wedding nina Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli).

Pero natabunan ang mga ito ng coronaserye, ang banta ng COVID-19 sa bansa.

Marso 10, Martes ng bandang 1:47 a.m., nasilayan sa Pilipinas ang super-moon.

Ilang tulog na lang, naghahasik ng agam-agam ang Friday the 13th.

Year of the Wrath nga ba ang Year of the Rat?

Ang insights ng psychic at spirit questor na si Atty. Nick Nañgit, via Messenger, nitong Marso 10, Martes ng hapon, “Sa totoo lang, natatawa ako kung paano mag-isip ang ilang mga Pinoy kapag pinag-usapan ang paksang paranormal.

Continue reading below ↓

"Naghahalo ang kanilang mga haka-haka, imahinasyon, ang pagpipinta sa Lumikha ng katangiang tao, at ang turo ng relihiyon.

“Una, dahil 2020 ang taong ito, hindi ibig sabihin na 20/20 vision na agad.

"Ikinabit ang paningin ng tao sa taon na wala namang saysay. Kumbaga, nonsense.

“Sa numerolohiya, ang numero ng taon ay 4 na ang ibig sabihin ay katatagan, seguridad, at responsibilidad.

"Nabanggit ko na iyan sa YouTube channel ko na Nickstradamus, na dala ng taong ito ang pagsubok para patunayan ng bawat isa ang kakayanang tumayo nang walang inaasahan kundi ang sarili.

"Walang kinalaman ito sa linaw o labo ng mata.

“Pangalawa, wala ring kinalaman sa ‘play of words’ o ‘pun’ ang Year of the Rat sa inimbentong katunog na Year of the Wrath.

“Dala ng Taon ng Daga ang panimula ng 12-year cycle, ang pagkakanya-kanya ng bawat isa, at ang pagiging maabilidad, manloloko, o oportunista.

"Ang elementong metal ay may kinalaman sa perang iikot o dadagsa na maaaring gamitin sa tama o hindi tama.

Continue reading below ↓

“Kababawan lang ng isipan kung sasabihing may galit o poot na nagaganap sa kapaligiran, at lalong kalokohan na sasabihing parusa ng Lumikha ang mga nangyayari.

"Huwag nating ipalaganap ang ‘anthropomorphism’ o pagbabaling ng ugali ng tao sa Kanya.

"Isang malaking kabuktutan ng relihiyon ang gawing mapaghiganti ang nagtataglay ng Tunay na Pagmamahal.

“Nakakatawa nga na marinig ang ‘God is Love,’ pero paparusahan naman Niya tayo na parang isang magulang na sumasaway lang sa anak.

"Marami kasing binalewala ang kanilang pag-aaral ng kasaysayan sa eskwelahan at hindi namalayan o nakalimutan na ginawang instrumento ang kaisipang iyan para makontrol ang ekonomiya ng mga naunang simbahan.

“Ang pagsabog ng bulkang Taal, halimbawa, ay simpleng pagbabago at pagbabalanse lang ng kalikasan.

“Pangatlo, liwanagin natin, kahit maiksi lamang, ang mga kasalan, serye, Full Moon, at Friday the 13th, dahil magiging paksa ko rin ito na may mas malalim pang talakayan sa YouTube Nickstradamus channel o sa mga personal na Oracle Reading gamit ang tarot cards.

Continue reading below ↓

“Maganda itong 2020 sa kasalan, huwag lang sa loob ng Mercury/Venus Retrogrades o Ghost Month.

"Ingat, dahil marami ring pang-aakit at pagtataksil na mangyayari, maski sa mga hindi kasal.

“Ang franchiserye ng ABS-CBN ay wala ring saysay pag-usapan pa, bukod sa sandamukal na kasinungaling kakalat sa taong ito.

"Tandaang mapanlinlang ang Daga.

"Bukod pa riyan, nabuo ang estasyon sa Taon ng Kabayo na kalaban ng Daga, kaya't talagang mabigat at may kawalang magaganap.

“Mas malaki ang magiging dagok ng karma, kung marami na ang naagrabyado sa kasaysayan nito.

“May bigat din o pagsubok ng taon para kay Matteo [Guidicelli] na ipinanganak sa Taon ng Kabayo.

"Nakita na natin ang naganap na suliranin sa simula pa lamang ng kasalan nila ni Sarah [Geronimo].

“Hindi nakapagtataka na ang banta ng COViD-19 ay epekto ng ‘conjunction’ ng mga planeta at constelasyong may kaugnayan sa pamamahala at kalusugan. Bagamat nakakapraning, masosolusyunan din ito.

“Mas katakutan natin ang sakit na may kinalaman sa elementong tubig at makakaapekto sa balat, at paghandaan natin ang muling pagbabago ng kalikasang may kinalaman sa lupa at tubig.

Continue reading below ↓

“Ang unang Super Moon ng taon sa constelasyong Virgo, na tinatawag ding Worm Moon, Sugar Moon, at Eagle Moon sa ibang kultura, ay pupukaw sa ating atensyon na maraming kakulangan at hindi perpekto ang reyalidad pisikal.

“Kailangan nating ayusin ang mga detalye at mas tutukan ang kaayusan sa kalikasan.

"Dahil ang planetang Venus ay halos kalinya ng planetang Uranus, marami pang pagbabago ang mangyayari, lalo na sa kaperahan at mga gastusin.

“Walang dapat ikatakot sa Trese Biyernes.

"Taliwas sa ipinalaganap ng simbahan na kumokontra sa mga tradisyonal na paniniwalang espirituwal kagaya ng Wicca, hindi masama ang araw na ito, at hindi rin dala nito ang panganib.

“Iyon nga lang, may nakikita akong negatibong enerhiya na papalapit lalo na sa ating bansa, dulot ng mga ‘conjunctions’ at kailangan natin ng mataimtim na dasal, para malayo sa kapahamakang may kinalaman sa lupa at tubig.”

NOEL FERRER

Tama naman na dapat mag-ingat tayo.

Continue reading below ↓

Pero sa presscon ng Presidential Spokesperson nitong Marso 10, Martes, iniatang nila sa barangay yung mga mag-aaral na lumalabas pa rin ng kanilang bahay at gumagala kung saan-saan.

Sabi’y isumbong ang mga ito sa kanilang mga magulang para manatili na lang sila sa bahay.

Pagkatapos, sinabi pa na nananawagan silang maghigpit ang mga sinehan at malls para hindi papasukin ang mga mag-aaral na manonood ng sine.

Pero may sanction ba sa mga lalabag?

Ang sagot ng Spokesperson, wala, pakiusap lang daw iyon.

Ito ang komunikasyon na medyo malabo.

Sana, merong sapat na guidelines at katapat na responsibilidad kung sinuman ang mag-uutos ng mga bagay-bagay.

Ngayong may 35 reported cases na ng COVID 19 patients sa bansa, paano na?

Sana rin, may isang unifying voice na kakalma sa mga Pinoy, iyong puwede ring mamuno ng dasal.

Dahil sa mga panahong ganito, ang ganda iyong sinabi ni Ogie Alcasid na, “Let us not live in fear but in faith through prayer.”

Continue reading below ↓

GORGY RULA

Ang pinakamahalaga ay mag-ingat, panatilihing malinis ang paligid, malusog ang katawan, at patuloy tayo sa pagdarasal.

Sa mga taping at shooting ngayon ay pinag-iingat nang lubos ang mga artista, staff, at crew.

Sa lahat na calltime na itini-text sa mga artista, may kalakip na memo na preventive measures na dapat gawin.

Kumpleto ng sanitizers sa set.

Bago pumasok sa set ay kailangang ma-check muna ang temperature ng bawat isa.

Kapag lumagpas ng 37.5 degrees Celsius, hindi na sila ia-allow na tumuloy sa set.

Itsi-check na rin kung sino ang nagbiyahe sa ilang bansa gaya ng China, Japan, Korea, at Italy, kailangan daw muna ng self-quarantine o mas mabuting sa kanilang tahanan na lang muna magtrabaho.

Pati ang ilang taga-TV network ay ini-encourage na sa kanilang tahanan na lang magtrabaho.

Pinapakansela na rin ang ground events gaya ng mall shows, fans day, etc.

Pinapaiwasan na rin ang mga malalaking meetings, na kung hindi maiwasan, sa labas na lang daw gawin.

Continue reading below ↓

Pati ang location ng tapings ay iniiwasan na rin sa mga mataong lugar, gaya ng mga palengke, malls, at hospitals.

Kaya kung maaari lang, nasa iisang lugar na lang at dayain na lang ang ibang eksena.

Tinitiyak namang hindi magsa-suffer ang mga mapapanood natin.

Lalo na sa panahon ngayon na sa bahay na lang tayo mamamalagi, at manonood ng mga palabas sa TV.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
PHOTO/S: GMA News
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results