GORGY RULA
Ngayong Marso 27, Biyernes ng gabi, nakumpirma ng PEP Troika na naging positibo sa COVID-19 ang isang staff ni Senator Bong Revilla sa Senado.
Nakiusap si Senator Bong na huwag nang banggitin ang pangalan nito.
Pero ang tingin nila, nakuha ng staff ng senador ang virus sa labas, at hindi sa Senate building.
Natitiyak naman ni Senator Bong na hindi siya mahahawa dahil noong Marso 7 pa niya huling nakasama ang naturang staff.
Huling nakita ang staff sa kanilang tanggapan noong Marso 16. Naka-self quarantine na ang senador noong panahong iyon.
Nakuha na rin ni Senator Bong ang resulta ng COVID-19 test niya. Negative daw ito.
Nasa hospital daw ang staff niya at medyo nakaka-recover na raw ito ngayon.
Dalangin ng senador na sana ay tuluy-tuloy ang recovery ng kanyang staff at wala itong nahawa sa iba pa niyang staff.
Naka-self quarantine na rin daw ngayon ang iba pang staff ni Senator Bong na nakasalamuha ng COVID-19-positive na staff.
NOEL FERRER
Naku, bakit nag-e-escalate ang coronavirus scare sa mga nagtatrabaho sa gobyerno?
Sa katunayan, ila-lockdown na ang Malacañang pansamantala para mailayo ang mga kawani nito sa mga kaso ng COVID-19.
Ang nakakaloka ay yung “clerical oversight” na hindi pala positive si Congressman Eric Go Yap ng ACT-CIS Partylist.
Paano yun?
Mapapalampas ko pa yung positive na nag-negative, pero paano kung negative ay positive pala at pagala-gala ang mga ito ngayon?
Paano na kaya?
JERRY OLEA
Ayon sa DOH, as of March 27, Friday, ay umabot na sa 11,466 ang Covid-19 tests sa bansa.
“Positive patients get many repeat tests until they turn negative. Capacity now at more than 1000 test/day and will increase. DOH will update,” tweet ni Dr. Edsel Salvana.
Sinabihan ng Malacañang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na tiyakin ang accuracy ng COVID-19 test results bago i-release sa concerned parties.
Si Senator Pia Cayetano ay may isa namang staff at isang consultant na positibo sa COVID-19.
Kaya kailangang pag-ibayuhin natin ang pag-iingat!
