GORGY RULA
Napaiyak si Cabinet Secretary Karlo Nograles nang mag-guest siya sa programa ni Willie Revillame na Wowowin ngayong Martes, Abril 21.
Muli kasing ipinalabas ng TV host ang video na iniyakan niya nang inere nila ito noong Biyernes, Abril 17.
Ito ay ang video na tribute para sa mga frontliners, kabilang ang pulis na di makalapit sa kanilang anak.
Gumagaralgal ang boses ni Nograles habang sinasabi na sobrang naaawa siya sa mga kapulisan.
Itinataya raw ng mga ito ang kanilang buhay para maproteksyunan ang taumbayan, pero ang dami pa ring di sumusunod.
Naba-bash pa ang mga ito minsan.
“Naaawa ako dun sa mga pulis. Naaawa talaga ako,” maluha-luhang pahayag ni Nograles.
“Lahat pinagdadaanan, tapos ang hirap na nga ng buhay, ang hirap pa ng trabaho, tapos ginagawa pang kalaban.
“Hindi natin kalaban ang mga pulis.
“Ginagawa nila ang proteksyon ng bawat isa.
“Lahat ‘yan, may pamilya. Lahat ‘yan, may anak.
"Yung banta, sa buhay nila.
“Ang kaligtasan nila, nasakripisyo.
"Ang hirap, naawa ako sa kanila."

Dagdag niya, “Hindi naman mga superman ang mga ‘yan, e.
"Nagkakasakit, nagka-COVID, namamatay.
“Hindi porket pulis ka, bawal magkasakit, bawal mamatay.
“Lahat ‘yan, naisasakripisyo para sa atin.”
Iniulat din ni Secretary Nograles na simula bukas, April 22, ay mas mahigpit nang ipatutupad ng mga pulis at military ang Enhanced Community Quarantine.
Hindi na raw magbibigay ng warning, kundi huhulihin na kapag hindi sumusunod sa quarantine rules.
Mahigit 98,000 na raw ang mga violators, at ipinapakiusap niyang hindi na sana ito madagdagan.
JERRY OLEA
Sadyang makabagbag-damdamin ang nasabing video.
Marami ang pasaway dahil nagugutom.
Napakarami rin ng pasaway lang at maang-maangan sa mga alituntunin ng ECQ.
Meron nang mga pasaway na kinalbo, ibinilad sa araw, ipinasok sa kulungan ng aso, pinagtanim ng mga gulay, ipinatong ang litrato sa kabaong, at pinalo sa puwet, pero andami pa ring ayaw paawat.
Idinadalangin natin na malagpasan natin ang COVID-19 pandemic, pero hindi sapat ang dalangin lamang at kailangang may pagkilos upang maipatupad ang atas ng gobyerno.
NOEL FERRER
Napanood ko ang naturang episode.
Kilala ko si CabSec Karlo bilang naging estudyante ko siya sa kolehiyo.
Marahil, sa mga mapanghamong panahon na tulad ngayon, lumalabas ang vulnerability natin.
Salamat, Karlo, sa mahinahon, malinaw at may malasakit na komunikasyon mo sa ating mga kababayan at this time.
Sana, all!
[Mula Sa Patnugot: Hindi namin sinususugan ang paglagay ng isang tao sa kulungan ng aso, pagkakalbo nito, pamamalo sa puwet, pambibilad sa araw, at paglalagay ng litrato nito sa kabaong. Lalong lalo na kung ang gumagawa ay mga awtoridad, na dapat nangunguna sa paggawa ng tama at pinasusuwelduhan ng mamamayan. Ang tama ang pairalin kahit sa panahon ng nakamamatay na virus.]
