GORGY RULA
Hindi na bago ang kuwento ng mga hindi pa nabibigyan ng ayuda sa isang bayan.
Ang dami na nating naririnig na reklamo mula sa ilang kaibigang umaangal dahil sa kakapusan ng ayudang nakararating sa kanila.
Kuwento ng kaibigang nakatira sa isang bayan di kalayuan sa NCR, naloloka sila sa kanilang mayor na gusto yatang hintayin ang muling pagpatak ng ulan bago magpahatid ng food assistance sa kanyang kinasasakupan.
Itong si mayor ay isang male celebrity na sikat noon sa kanyang propesyon.
Kaya siguro nanalo siyang mayor ay dahil kilala siya.
Pero sabi ng aming kaibigan, hindi nila sure kung mananalo ito sa susunod na eleksyon, dahil talagang gutom sila sa ipinapadalang food assistance.
Ang first wave ng food assistance ay dalawang kilong bigas, sardinas, noodles, at isang brand ng food enhancer.
Nalaman nilang ang sardinas, noodles, at enhancer na lasang karne ay donasyon mula sa mga sponsors at kaibigan. Ibig sabihin, bigas lang daw ang binili mula sa kanilang calamity fund.
Natigalgal sila kung ano ang gagawin nila sa food enhancer.
Ilalagay ba ito sa mainit na tubig para maglasang karne ang kakainin ng constituents ng mayor?
Ngayon ay hinihintay na nila ang second wave, na sana raw ay maayus-ayos ang ibibigay at hindi lang iaasa sa sponsors o donasyon.
JERRY OLEA
Nasa Central Luzon ang bayan ng male celebrity mayor na nakaka-shookt AF ang ipinamahaging relief goods sa constituents.
Ayaw nina Aya Ayuda at Lala de Lata ng ganyang palakad, di ba, Direk J.R.A.?!
Sa panahon ng krisis, nakikilatis kung ang lider ay maaasahan at kapaki-pakinabang.
NOEL FERRER
Medyo magulo naman kasi yung unang pronouncement ng leader natin.
Ang sabi’y huwag makikialam ang LGU sa pagbibigay ng ayuda galing sa SAP. DSWD raw ang bahala roon.
Tapos, nang maranasan nila ang reality sa ground ay biglang nag-iba ang ihip ng hangin.
Kaya ang daming kababayan natin na nganga pa rin sa tulong hanggang ngayon.
Parang basketball din lang, na pinagdi-dribble at pinagpapasahan ang mga tao na kailangang-kailangan ng ayuda.
Baka sa ganoong lingkod-bayan nasanay ang ating personalidad.
Good luck sa constituents niya!
