JERRY OLEA
Hindi nakasama nina Piolo Pascual (Philippines), Nicholas Saputra (Indonesia), at Rhydian Vaughan (Taiwan) si Ananda Everingham (Thailand) sa ikatlong session ng Actors’ Cue nitong Mayo 4, Lunes ng gabi, sa Facebook page ng Extendthelove.
“Hindi po kinaya ng signal ni Ananda sa boat na nasa Chiang Mai. Napuputol po talaga.
“Pero we will do another session with him pagbalik niya ng Bangkok,” sabi ng organizer at moderator ng Actors’ Cue na si Direk Adolf Alix Jr. nang maka-chat ko nitong Mayo 5, Martes ng umaga via Messenger.
Kapana-panabik ang fourth session ng Actors' Cue bukas, Mayo 6, Miyerkules ng gabi sa FB page pa rin ng Extendthelove.
Pangungunahan ito ng COVID-19 survivors na sina Sylvia Sanchez at Iza Calzado, kasama sina Jodi Sta. Maria, Meryll Soriano, at Angeli Bayani.
Nag-Zoom meeting sila kahapon, bago pa ang FB live session with Piolo, Nicholas, and Rhydian.
“Back to their normal self na sina Sylvia at Iza. Masaya to be survivors,” lahad ni Direk Adolf.
“Inabot po ng dalawang oras ang aming briefing.
"It was fun. Tawanan. Ang haba po ng kuwentuhan namin.
“Reunion of sorts na rin po, kasi, it’s been awhile.”
Si Sylvia ang leading lady ni dating Senador Jinggoy Estrada sa pelikulang Coming Home, na official entry sa na-postpone na 1st Summer MMFF nito sanang Abril 11-21.
Isa sa mga pelikulang pinagsamahan nina Jodi at Direk Adolf ay ang Chassis (2010) na na-X hanggang sa Malacañang Appeals Committee.
May eksena kasi roon na “pinutulan” ni Jodi ang truck driver na ginampanan ni Paolo Rivero.
“Sana mabigyan na po kami ng chance na maipalabas ang Chassis online,” pag-asam ni Direk Adolf.
NOEL FERRER
Iza is OK naman, at uswerte siya at nakasama siya ni Adolf sa Batanes (2007) na movie with Ken Chu ng F4 and the young Coco Martin pa.
Maganda ang effort na pagsama-samahin ang mga artistang ito, pero sana, marami pa ring mag-donate at matulungan.
Sayang ‘no, hindi automatic ang DONATE button sa lahat ng fund raisers dito.
Mas mapapadali sana ang proseso kapag may ganoon.
GORGY RULA
Nakakatuwang available ang mga kilalang artista sa ganitong balitaktakan sa FB live.
Sa panahon ngayon, kailangan pa rin ng tulong ng mga displaced film and TV workers natin.
Kaya salamat talaga sa mga magagaling artista na lahat ay ginagawa upang makalikom ng pondo para itulong sa mga nangangailangan.
Kaya nagtataka ako sa ilang nagkokomento sa mga artistang dati raw ay laging hindi available, o kaya naniningil ng napakataas para sa isang appearance.
Pero ngayon ay pumapayag na sa libreng appearance sa Facebook kahit matagalan pa.
Lahat ng ito ay para sa magandang pakay kaya dapat i-appreciate na lang at huwag nang punahin.
