GORGY RULA
Medyo nabulabog ang ilang taga-Bulacan nang lumabas ang blind item ng PEP Troika tungkol sa isang mayor na pawang donasyon daw ang ipinamahaging relief goods.
Nakarating na rin sa atin na ang tinutukoy raw sa kuwentong iyon ay ang alkalde ng Bulakan, Bulacan, at dating kilalang PBA player na si Vergel Meneses.
Ilan sa mga taga-showbiz na malapit kay Mayor Vergel ang kumausap sa akin para linawin ang isyung ito.
Unfair daw sa alkalde na siya ang itinuturo sa blind item.
Ginagawa raw ni Mayor Vergel ang lahat para maipamahagi ang food assistance sa kanyang mga kinasasakupan sa Bulakan.
Nakausap namin si Mayor Vergel sa radio program namin sa DZRH noong Mayo 4, Lunes ng gabi, para linawin ang naturang isyu.
Sabi niya, muli silang mag-iikot bukas, May 8, para ipamahagi ang mga relief goods na nasa fourth wave na.
Hindi raw kasi siya yung tipong lahat ay ipapa-press release at magpa-picture.
Sapat daw ang ipamigay ang food assistance sa abot ng kanyang makakaya.
Pahayag ni Mayor Vergel, “Ang ipinamigay naman po namin sa mga tao, hindi naman po basta-basta.
“Dito po sa bayan namin, mas kailangan ang bigas dahil malapit lang sa kanila ang palaisdaan.
“E, talagang hanggang doon lang po ang aming kakayanan.
"Kaya ang mga kaibigan ko, talagang nilalapitan ko para lang makapag-provide para po sa mga mamamayan ng Bulacan."
Marami raw siyang mga kaibigan at mga dating sponsors noong naglalaro pa siya ng basketball na nagbibigay ng tulong para marami siyang maipamigay sa kanyang constituents.
“Marami po tayong kaibigan, yung mga pinagtrabahuan ko po noong ako po nasa professional basketball pa na nagkusa po sila.
“Yung iba po, tinawagan ko, nagkusa po sila na magbigay ng tulong.
“Apat na senador po nating kaibigan, nagpadala sila ng tulong, at yun po ay talagang nakarating sa mga tao,” dagdag niyang pahayag.
Sinagot din ni Mayor Vergel yung kuwentong may food enhancer pa siyang ipinamigay na kinuwestiyon ng ilang kababayan niya.
“Yun pong sa Ajinomoto [food enhancer], yun po ay donation.
"Kasi, dito po yun sa bayan ng Guiguinto po.
“Ang tiyuhin po kasi ay isang konsehal ng bayan namin.
“Bigay po yun, siyempre kailangang ipamigay po namin.
“Kung ano po yung nakarating po, kailangan naming iparating po,” paliwanag niya.
Malinaw na pamumulitika lang, sabi ng mayor, ang mga ikinakalat na intriga laban sa kanya.
“Alam naman po natin, since campaign period, may mga ganyan po talaga, at first time ko sa politics.
“E, ako po, para sa sarili ko, hindi ko na po iniintindi ang mga ganyan, tinutumbasan ko na lang po ng performance buhat nang umupo po ako.
“Iyon na lang po ang puwede kong pantapat sa kanila.
"Kasi, ako naman po ang taong hindi mahilig makipagdiskusyon o mga ganyan po.
“Talaga pong ganun, e. Talagang may kalaban. Talagang gagawin po nang gagawin.
"Siguro po, hindi natin alam kung ano ang plano nila,” saad ni Mayor Vergel.
Dagdag na balita niya, tatlong COVID-19 patients na raw ang naka-recover sa bayan ng Bulakan.
Kapag mag-negative uli sa huling test ang isang pasyente nila, magiging zero na raw sa COVID-19 ang kanyang nasasakupan.
NOEL FERRER
Enough said! Naiintindihan natin ang panig ni Mayor Vergel Meneses.
And the best way to answer iyang ganyang mudslinging ay through good work.
And for public officials, especially during this time of pandemic, we expect nothing less!
JERRY OLEA
Ipinadala sa atin ng isang kaibigan via Viber ang pictures ng sandamukal na relief goods ni Mayor Vergel para sa bayan ng Bulakan.
Ganyan siguro talaga pag celebrity ang politician, mas napapag-usapan.
Naaliw ako sa relief operations ni Mayor Enrico Roque ng Pandi, Bulacan.
As of today ay nasa seventh wave na, at may “de lata break” muna sila.
Si Mayor Enrico ay nagprodyus ng ilang pelikula, gaya ng Mang Kepweng Returns (2017), The Significant Other (2018), Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon (2018) at Man and Wife (2019).
Nakita rin natin sa FB na masipag ang Bulacan governor na si Daniel Fernando sa pagbabahay-bahay sa iba’t ibang munisipalidad.
Siyempre, hangang-hanga tayo kay Ormoc City Mayor Richard “Goma” Gomez na lahat ng bahay sa kanyang lungsod ay hinatiran ng isang sakong bigas—agad-agad, wala nang listahan, at walang nilalagpasan.
Mahigpit na ipinatupad ni Mayor Goma ang community quarantine para mapanatiling zero sa COVID-19 ang kanilang lugar.
Nakaka-inspire ang pinakabatang mayor sa bansa, ang 23-anyos na si Mayor Bryan Celeste ng Alaminos City, Pangasinan.
Siya mismo ay nagbubuhat ng sako ng bigas na ipamumudmod.
Si Mayor Bryan ay nobyo ng Kapuso actress na si Pauline Mendoza.
Si Bacoor City Mayor Lani Mercado, aligaga sa 14-day quarantine niya at sa pag-aasikaso sa relief operations.
Sa pagod at puyat, nalito si Mayora at ang nasabi ay "COVID-14."
Pero maaasahan si Mayora basta panahon ng krisis.
Nang mag-alburoto noong Enero ang bulkang Taal sa Batangas, agad-agad siyang tumulong sa mga bakwit, Caviteño man o Batangueño.
