GORGY RULA
Hindi akalain ni Mark Herras na magba-viral ang kanyang dance video na ipinu-post niya sa TikTok.
Natuwa lang siyang balikan ang pinasikat niyang dance steps na "Average Joe" noong kapanahunan ng StarStruck Season 1.
Nadiskubreng artista si Mark nang siya ay manalong Ultimate Survivor ng GMA-7 reality show na StarStruck.
"Nagpapasalamat ako sa nag-repost ng video, iyung si Sammy Diaz.
"Sabi ko, there’s a possibility pa pala na mag-trend ako.
"It’s been a while noong huling nangyaring na nag-trending ang pangalan ko.
"I’m very thankful na… alam mo yung nagba-viral pa rin pala.
"Yung pagdating sa pagsasayaw, na-appreciate pa rin ng mga tao," tila nahihiya pang pahayag ni Mark.
Nakapanayam namin ang Kapuso actor sa DZRH nitong May 7, Huwebes ng gabi.
Sobrang na-miss na kasi niya ang pagsasayaw kaya wala siyang ginawa kundi ang sumayaw na lang nang sumayaw, at yun lang ang ipinu-post sa kanyang TikTok account.
Kaya ang isa sana sa gustong mangyari ni Mark, kapag bumalik na tayo sa normal na trabaho, sana ay magkaroon siya ng isang dance show.
Para lalo pa niyang magamit ang galing sa pagsasayaw.
"Kung bumalik na lahat sa normal, siyempre, tuluy-tuloy pa rin ang trabaho. Iyon naman ang inaasahan natin lahat—na bumalik sa normal ang trabaho.
"Baka puwedeng dance concert o dance album?"
Bukas din ang aktor sa pagkakaroon ng sariling vlog.
"Siguro bilang nasimulan ko naman sa video, bakit hindi ako gumawa ng isang dance video na mas mahaba para mai-post ko.
“Ang buhay naman ng mga artista ngayon, naka-base na rin sa mga online activities.
"Puwede naman siguro gumawa ng mga vlog, mga ganun po."
Tinanong na rin namin sa kanya kung payag ba siyang maka-showdown ang sumisikat na rin sa social media na si DJ Loonyo.
Si DJ Loonyo ay isang dancer/choreographer/DJ na nakabase sa China. Nakilala ito dahil sa mga pinapasikat nitong dance steps sa TikTok.
"Bakit naman po hindi?" pakli ni Mark tungkol sa posibleng tapatan nila ni DJ Loonyo.
May ilang netizens na ikinukumpara sila ni DJ Loonyo dahil sa talento nila sa pagsasayaw.
Pero ayon kay Mark, huwag na raw silang intrigahin pa.
"Sabi ko nga sa mga tao, huwag na po sila magkumpara.
"Kasi, pare-parehas kaming performers. Parehas kaming mga dancers.
"Lahat naman kami, mahilig sumayaw. So, huwag na silang mag-compare.
"Kasi, sa panahon ngayon, sa nangyayari sa buong mundo, hindi na dapat tayo magkaroon ng mga negative o kung anu-anong isyu."
NOEL FERRER
That brought me back to how we know Mark Herras—ang mahusay na performer sa dance floor.
Nakaka-miss talaga si Mark. Siya yung tipong papasulong na... pero laging may nagaganap!!!
Sana, he looks into himself and see how he can finally soar, lalo pa’t siya ang first and original StarStruck Grand Winner!!!
JERRY OLEA
Napag-iwanan si Mark ng unang female survivor ng StarStruck na si Jennylyn Mercado.
Bidang-bida pa rin si Jennylyn sa TV at pelikula.
Si Mark, pan-TikTok na lang ba?
Malabo pang bumalik sa dating normal ang buhay natin—kung babalik man.
Puwede pang ma-reinvent ni Mark ang kanyang pagiging artista.
Kumusta na ang iba pang produkto ng orig na StarStruck?
May career pa rin sina Yasmien Kurdi, Katrina Halili, at Cristine Reyes.
Kahit paano, andiyan pa sina Dion Ignacio at Sheena Halili.
Si Tyron Perez, noong Disyembre 2011 pa pumanaw.
Nasaan na sina Rainier Castillo, Nadine Samonte, Christian Esteban, Jade Lopez, Anton de la Paz, at Alvin Aragon?
