JERRY OLEA
Biglaan ang Facebook Live session na Laban, Kapamilya, na pinasimulan ni Kim Chiu nitong Mayo 8, Biyernes ng gabi.
Moderators o hosts sina Boy Abunda at Bianca Gonzalez-Intal, at kabilang sa Kapamilya stars na naghayag ng kanilang saloobin sina Coco Martin, Judy Ann Santos, Kim Atienza, Cherry Pie Picache, Agot Isidro, Rowell Santiago, Raymart Santiago, Bela Padilla, Michael de Mesa, at John Prats.
Lumampas sa 50,000 ang viewers habang ongoing ang FB live.
As of May 9, Saturday, 8:30 AM, lumampas na ito sa 1.2M views.
Pinaka-passionate sa mga nagsalita ang tinaguriang Prime-Time King at Hari ng Telebisyon na si Coco Martin, bida bilang Cardo Dalisay sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano.
Noong Mayo 7, Huwebes, nag-post na si Coco sa Instagram ng saloobin niya kaugnay ng pagsasara ng home studio niyang ABS-CBN noong Mayo 5, Martes ng gabi.
Mas maalab na siya mismo ang nagsasalita at napapanood, kesa nababasa lang. Habang nagsasalita si Coco, nag-text si Bianca kay Tito Boy.
With Bianca’s permission, ini-reveal ni Tito Boy ang text message nito, “Iba talaga si Coco.”
Samantala, inalala ni Vice Ganda sa recent tweets niya ang magagandang alaala ng Kapamilya noontime show nilang It’s Showtime.
Maraming nagtuturing kay Vice bilang Reyna ng Telebisyon at Queen of Noontime. Araw-araw siyang napapanood noon sa ABS-CBN.
Bago ang FB live ni Kim Chiu na Laban, Kapamilya, heto ang mga recent tweets ni Vice Ganda, “Magulo ang paligid. Maiinit ang panahon lalo’t nasira ang aircon. Pero andami kong natanggap na pagmamahal sa araw na ito. Dinama at ninamnam ko lahat. Di ko na napansin ang gulo at init. At bukas magbibigay din ako ng madaming pagmamahal para maranasan din nila ang ginhawa.
“Ang saya ng mga pinagsamahan natin. Ang sarap balikan. Ang saklap din na maging bahagi na lang siya ng nakaraan. Kaya’t ating ipinagdadasal na maituwid ang mga pagkakamali ng sa ganun ay wag maputol ang saya at serbisyo na kailangan natin upang makaraos sa mga ganitong panahon.
"May kanya-kanya tayong pamamaraan ng paglaban. May iba dinadaan sa galit o away. May iba dinadaan sa payapang paraan. May iba dinadaan sa pagbibigay ng tamang impormasyon, etc.
"But pls don’t underestimate the power of prayers. Underestimating prayers is underestimating God.
“At tama ka naman na dapat ilaban ang dapat ilaban. Pero tulad ng sinabi ko may iba’t iba tayong pamamaraan bilang magkakaiba tayo ng pagkatao. Gayunpaman ang mahalaga lumalaban tayo sa tamang paraan. (P.S. di tayo magkaaway ha.)”
NOEL FERRER
Napanood ko ang nasabing testimonials. Nararamdaman at naiintindihan ko ang pinanggagalingan nila lalo pa’t naging Kapamilya rin nila ako.
I Stand With The Kapamilya at naninindigan ako roon. Laban, Kapamilya!
Pero magandang tanungin, hanggang saan ang gagawin nilang paglaban? Hanggang NTC lang ba na panay ang banggit nila kagabi? Hanggang makuha lang ba ang renewal ng franchise? Sana, lagpas doon. Kasi, maraming mga kapanalig nila na tulad ko, handang lumaban nang todo tungo sa pagbabago.
GORGY RULA
Nakatayo akong pumapalakpak kay Vice Ganda. Agree ako sa sinabi niyang ito, dahil sa aking pananaw, hindi natin kayang labanan sila ng ganitong pagtatalak, at pati pagpatol sa bashers na tuwang-tuwa kapag sinasagot sila.
Ang gandang tingnan ang mga tini-tweet ngayon ni Vice Ganda na binabalikan niya ang mga masasayang eksena nila sa It’s Showtime. Kasi, sa labanang ito, legal na ang usapin.
Nabasa ba natin ang kontrata ng network franchise? Naipaliwanag kaya nang mabuti sa ilang Kapamilya stars itong pinasok na problema ng ABS-CBN? Malinaw kaya kung sinunod o may nilabag sila sa kontratang iyun?
Kasi, kung meron talaga silang nilabag, hindi man lang isinaalang-alang ng naturang network ang 11,000+ employees na maaring maapektuhan sa paglabag na iyun?
Umaayon ako sa sinasabi ng ilan na hindi lahat ng batas ay tama, pero wala tayong magagawa. Ang batas ay batas!
Kaya itong isyu ng franchise renewal ng Kapamilya network ay dapat sanang pag-aralan nang mabuti bago magsalita. Bakit ba hindi ito dininig agad ng Kongreso? Legal na usapin ito na siguro, ang abugado at sa mga nakakaintindi sa franchise law ang dapat na magsalita.
Tumatakbo ang mga araw. Dapat na dinidinig na ito sa Kongreso bago dumating ang recess nila sa June 4, 2020.
Sana, may maitutulong itong mga sinabi ni Coco, ang pagpatol ng ilang stars sa bashers, at ang pag-post sa social media ng nakakuyom ang palad at itinapat sa dibdib at may hashtag na Laban Kapamilya, pati ang pagsindi ng kandila sa labas ng ABS-CBN building.
Legal na ang labanan dito, at iyon ang ginagawa ng legal team ng ABS-CBN.
Kaya tayong hindi natin ganap na naunawaan ang batas at legalidad ng franchise renewal ng ABS-CBN 2, i-enjoy na lang muna natin ang mga masasayang tagpo ng It’s Showtime na binabalikan ni Vice Ganda. Nakakatawa pa at nakaka-good vibes sa panahon ng napakabigat na pinagdaanan natin!
