GORGY RULA
Mahigit dalawang linggo nang nakalabas ng hospital ang mag-asawang Sylvia Sanchez at Art Atayde.
Nagkaroon silang pareho ng COVID-19.
Pero tuloy pa rin ang komunikasyon nila sa mga nars at duktor na nag-asikaso sa kanila noong na-confine sila sa Cardinal Santos Medical Center.
Naikuwento ni Sylvia sa DZRH program namin noong nakaraang Miyerkules, Mayo 20, na iyak siya nang iyak nang nalaman niyang nagka-COVID na rin ang bed nurse niya.
Naging close na raw sila ng nurse na napakabait daw at talagang nag-alaga sa kanya.
Kuwento ng 49-year-old Kapamilya actress, “Nagkaka-text kasi kami.
"Noong nag-positive siya, iyak ako nang iyak.
"Kasi feeling ko… alam mo yung… tanong ko sa kanya, ‘Sa akin ka ba nahawa?’
“Umiiyak talaga ako.”
Iba raw ang pakiramdam ni Sylvia nang nabalitaan niya yun.
Parang na-guilty raw siya at baka nahawaan niya ito.
“Sabi niya, ‘Ma’am, hindi po. Two weeks na po kayong wala dito.’
“Kasi, siya talaga ang nag-aasikaso sa akin, e.
"So, lahat na nagka-COVID na nandoon, ina-assist niya.
“Yung iyak ko nung nalaman ko nagka-COVID siya, grabe,” sabi ni Sylvia.
Talagang apektado si Sylvia kapag may nababalitaan siyang nahawa sa nakamamatay na virus na ito.
Kaya kung puwede lang, ayaw muna niyang magpapa-interview dahil iba ang nararamdaman niya kapag may nababalitaan siyang pumanaw sa COVID, lalo na kung kilala niya ito.
Sabi pa ni Sylvia, ayaw na sana niyang mag-dwell pa sa mga negatibong epekto nito ng COVID-19.
“Gusto ko, maging positibo na sa nangyari sa amin ni Art,” pakli ni Sylvia.
“Ang positibo doon, na buhay kami, buo ang pamilya ko, at saka napatunayan ko na ang dami-daming nagmamahal sa amin.
“Napatunayan ko rin na marami ring mga taong mabubuti ang loob.
“Ang mga Pinoy talaga, kapag may ganitong pangyayari, kahit hindi nila kilala, nagdadasal sila.
“Hindi magagawa ng isang tao na magdasal na hindi naman kilala personally.
“Napatunayan ko rin dito sa ABS-CBN na hindi lang trabaho bilang artista.
“Noong nagka-COVID kaming mag-asawa, lahat ng boss namin, ipinagdasal kami.
“Maraming mga taong may mabuti talagang kalooban,” pahayag pa ng Kapamilya actress.
JERRY OLEA
Tumawag na ang Cardinal Santos Medical Center kina Sylvia at Art kung pwede silang mag-donate ng blood plasma.
Pumayag agad ang mag-asawa.
Bago ang DZRH interview kay Sylvia noong Wednesday night, pinangunahan ng aktres earlier ang "Pamilya Kowentuhan" sa Facebook at YouTube.
Pinag-usapan ng Mabunga Family ng teleseryeng Pamilya Ko kung paano maging ligtas sa COVID-19.
Nag-renew si Sylvia bilang brand ambassador ng Beautederm matapos malagpasan nila ng asawang si Art ang pagsubok sa kanilang kalusugan.
Sabi ni Sylvia, “It was a dark moment in my life. Pero may nakita akong liwanag sa end ng tunnel.
“I know that great things are in store for me at may misyon pa ako sa buhay.”
Ang Beautéderm President at CEO na si Rhea Anicoche-Tan ang isa sa mga boss ni Sylvia na lubos ang pagmamahal at pagmamalasakit sa kanya.
Sabi ni Ma’am Rhea, “Para ko na siyang ate.
"Umiyak ako nung nag-positive sila ni Kuya Art and I, along with the entire Beautéderm family, are overjoyed they survived.
“Ideal brand ambassador si Ate Sylvia as she does her responsibilities with all her heart.”
NOEL FERRER
Tayo na ang isa sa may pinakamahabang lockdown, at marami nang tinamaan ng sakit na either gumagaling o hindi.
Pero bakit after more than two months, hindi pa rin tayo feeling safe and secure?
Maraming nagtatanong... para saan yung lockdown gayong kakaunti pa rin lang ang percentage ng nate-test para ma-isolate sila at mabigyang-lunas?
Kanino ba iaasa ang lahat ng ito?
Kanya-kanya na lang ba talaga, at sa private sector na ulit?
We feel for the frontliners at sa pamilya nila na pangunahing nanganganib ang buhay, habang ang mga kinauukulan ay nagta-trial and error.
Parang yung nangyari sa sistema ng ayuda!
God Bless Our Country!
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
