NOEL FERRER
And now, the Anti-Terror Bill—na pinangangambahang saklawan ang malayang pamamahayag—has been signed into law.
Kakatapos lang ng napakasaya, revealing, at insightful na interview ni Frankie Pangilinan sa programa kong LEVEL UP Exclusive nitong Hulyo 3, Biyernes, sa Radyo Katipunan at Inquirer.
Si Frankie ay anak ng mag-asawang Sharon Cuneta at Senator Francis "Kiko" Pangilinan.
Naging napaka-open ni Frankie sa pagsagot sa ibinabatong issue sa kanya sa Q&A, kasama ng Student Council presidents at campus editors.
Tinanong si Frankie tungkol sa kanyang katapangang manindigan sa mga isyu tulad ng Anti-Terror Bill, ABS-CBN franchise renewal, at pati na sa conviction sentence sa Rappler CEO and executive editor na si Maria Ressa.
Prangkang pahayag ni Frankie, "You can’t stop an administration that already has a set agenda."
Nangangamba raw si Frankie sa umano'y panggigipit sa ABS-CBN sa mga pagdinig sa Kongreso tungkol sa panibagong 25-year-franchise na hiling ng network.
"While we are all hoping that the franchise of ABS will be renewed, there’s this space in my mind that they can be turned down. Ganun ngayon, e," ani Frankie.
"So we need to let our voices be heard and keep calling them out.
"What’s good about our dissent, our peaceful, pro-active unrest, our collective voices, they hopefully will all lead towards positive change!"
Nasa Pilipinas ngayon si Frankie habang summer break sa U.S. kunsaan siya nag-aaral ng kolehiyo.
Nakatakda siyang gumawa ng mga bagong kanta hangga’t naririto siya sa bansa.
In the course of our program, nakakatuwa na inimbitahan si Frankie ng The Philippine Collegian, ang campus paper ng University of the Philippines, na magsulat ng kanyang saloobin na ilalathala rito.
GORGY RULA
Sa totoo lang, proud ang karamihan ng mga magulang sa katalinuhan ng mga kabataan ngayon.
Sila ang susunod na posibeng lider ng bansa, at sana ay makaaahon na tayo sa panahon nila.
Mangilan-ngilan pa lang ang mga kabataang namumuno sa iba't ibang bahagi ng bansa, at promising naman sila.
Sana, pagbabago para sa tunay na progreso ang hangad nila at hindi sila kainin ng sistema ng mga tradisyunal na pulitiko.
Sa ilang celebrity parents ngang nakapanayam natin, okay lang sa kanila ang pagiging vocal at opinionated ng ating mga kabataan kagaya ni Frankie.
Ang mahalaga, nakatuon sa isyu at hindi namemersonal o umabot na sa pambabastos ang kanilang mga pahayag.
Sabi nga ni Edu Manzano, na isa ring magulang: "Pag-usapan ang isang bagay. Importante ‘yan, e.
"Hindi puwede yung porke’t hindi ka sang-ayon sa iniisip mo, na ang paniniwala mo sa tao ay bigla ka na lang at kung anong klaseng paninira ang gagawin mo.
"I do believe that, ang boses ay importante. Pero kapag tayo ay mag-disagree ay kailangang binabase doon sa sinasabing pag-uusap o discourse."
JERRY OLEA
We live in interesting times.
Tahimik na ang Kapamilya actor na si Coco Martin at deactivated ang personal niyang Instagram account.
Pero nandiyan ang mga kabataang gaya ni Frankie na nagpapahayag ng kanilang saloobin.
Kasaysayan ang huhusga sa mga nakaluklok sa puwesto, at kung anong pamana ang kanilang iiwan.
Kumapit tayo sa Panginoon, at ipagpatuloy ang dalangin na sa huli’y mamamayani pa rin ang kabutihan, katotohanan, at katarungan.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
