JERRY OLEA
Pasok sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2020 ang comedy horror na pagbibidahan ng magkapatid na Toni at Alex Gonzaga, at ipoprodyus ng Tincan.
Ang working title ng movie ay The Exorcism of My Siszums, at sa Setyembre ito nakatakdang mag-umpisa ng shooting.
“Sinulat ko ang istorya na nakabase sa mga limitasyon at sa mga patakaran pagdating sa pagshu-shoot ngayong GCQ (General Community Quarantine).
"Para na rin siyempre sa kaligtasan ng lahat,” sabi ng writer-director na si Fifth Solomon nang maka-chat namin nitong Hulyo 17, Sabado ng gabi via Messenger.
Siyempre, masaya si Direk Fifth na nag-qualify ang script niya sa December filmfest.
Dagdag ni Direk Fifth, “At the same time, nagdadasal ako na bumaba na sana ang kaso ng covid para muling maging masigla ang ating Kapaskuhan at siyempre, ang buhay ng bawat isa.”
Sa MMFF 2012 nagsimula si Fifth bilang film maker. Nanalo ang thesis film niya na Manibela ng award bilang most gender-sensitive film.
“So, nakakatuwa na maranasan uli na lumahok sa MMFF,” pakli ni Direk Fifth.
Ang first feature-length film ni Direk Fifth ay ang Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka (2018) na pinagbidahan ni Alex. May cameo rito ang ate niyang si Toni.
Ani Fifth, “Nakapag-shoot na ako ng second full-length film ko under Viva Films called Sa Muli na pinagbibidahan nina Xian Lim at Ryza Cenon. Meron pa kaming ilang araw para tapusin ang pelikula namin.”
Dahil buntis si Ryza, malabong makapag-resume agad ito sa nasabing pelikula.
NOEL FERRER
Of course, aside from the Vice Ganda franchise film na Praybeyt Benjamin 3, nakaka-excite din ang dalawa pang projects na napili sa 46th MMFF.
Ang Magikland ng Brightlight Leisure Productions, Inc at Gallaga-Reyes Films ay idinirek ng batang direktor na si Christian Acuña, pero under the supervision ng Masters (the late Peque Gallaga and Lore Reyes).
Bukod sa mga bidang kilala na sina Jun Urbano, Miggs Cuaderno, at Bibeth Orteza, hindi mo matatawaran ang mga nag-cameo rito na pawang malalaki at magagaling na artista.
Excited din ako sa horror entry ng Regal Films with Joshua Garcia and Angie Ferro under the direction of another Master, Chito S. Roño, na pinamagatang Ang Mga Kaibigan Ni Mama Susan.
Mula ito sa akda ng cult-classic writer ng bagong henerasyon na si Bob Ong.
Nakakatuwa ang mix ng entries sa MMFF 2020. Ang panalangin ko lang, sana ay mag pick-up na ang theaters by the last quarter of the year.
JERRY OLEA
Sa Oktubre 15 ang deadline ng pagsusumite para sa finished films na nais lumahok sa Christmas MMFF 2020.
Ang Summer MMFF 2020 entries ay may official slot para sa Summer MMFF 2021, pero mawawala ang kanilang reserved slot kung susubok silang lumahok sa December filmfest.
Yung Love The Way U Lie ay nag-back out na sa Summer MMFF. Hindi ito puwede sa December filmfest dahil ang babaeng bida rito na si Alex Gonzaga ay bida na sa isang official entry.
Kung sakali, magandang Halloween presentation itong Love The Way U Lie, na tinatampukan din nina Xian Lim at Kylie Versoza.
Hindi rin susubok sa December filmfest ang Regal horror movie na The Missing, kung saan bida sina Ritz Azul, Miles Ocampo, at Joseph Marco.
Pasok kasi ang Regal horror movie na Mga Kaibigan Ni Mama Susan.
Ang bet ko na sumubok sa December MMFF ay ang maaksyong A Hard Day nina Dingdong Dantes at John Arcilla.
Ito ay prinodyus ng Viva, at Pinoy version ng isang South Korean blockbuster film, kagaya ng Miracle in Cell No. 7 na topgrosser sa nakaraang MMFF.
Puwede kayang sumubok sa December filmfest ang romcom na Love or Money nina Coco Martin at Angelica Panganiban, na prinodyus ng ABS-CBN Star Cinema?
Ang Praybeyt Benjamin 3 kasi ni Vice ay joint venture ng ABS-CBN Film Productions at Viva.
GORGY RULA
Ang latest na nabalitaan ko, nagdadalawang-isip si Harlene Bautista ng Heaven’s Best na i-submit sa Christimas MMFF ang entry niyang Isa Pang Bahaghari.
Bida sa pelikula sina Nora Aunor, Phillip Salvador, at Michael de Mesa, sa direksyon ni Joel Lamangan.
Kasama rin dito sina Zanjoe Marudo, Joseph Marco, Sanya Lopez, Albie Casiño, Maris Racal, at Migs Almendras.
Pinag-iisipan nilang hanapan na lang ito ng ibang playdate, kung magbubukas na ang mga sinehan. Pero sa totoo lang, nababagay sa Pasko ang naturang pelikula.
Sana, subukan na lang nila dahil maganda naman ang casting at wala pa namang napiling drama.
Hindi rin makapag-decide si Quezon City 5th District Congressman Alfred Vargas kung isa-submit niya ang Tagpuan dahil nakakatakot pa rin daw itong paglobo ng kaso ng COVID-19.
Totoo namang napaka-unpredictable itong COVID-19 at hindi natin alam kung ano ang mangyayari sa darating na December.
Sana, matapos na talaga ang pandemya para makabalik na ang ating movie industry.
Excited naman ako sa Magikland. Ang pagkakaalam ko, nasa post-production na ito at pinupulido ang animation.
Malaking selebrasyon ito sa Negros Occidental dahil kasabay ng showing nito ay ang grand opening na rin ng theme park sa Silay na Magikland.
Nakasara muna ito sa ngayon dahil sa pandemic, pero ito ang itinuturing na pinakamalaking theme park sa Kabisayaan.
