GORGY RULA
Napanood ko noong Hulyo 18, Sabado ng gabi, ang Magpakailanman kung saan inilahad ang kuwento ng dancer/choreographer na si Rhemuel Lunio, na mas kilala bilang DJ Loonyo.
Ito ang first material na kinunan ng Magpakailanman na sinunod ang safety protocols and guidelines sa set.
Kaya pagkatapos ng buong episode ay may paunawa silang:
“Ang inyong natunghayan ay masusing kinunan alinsunod sa mahigpit na protocols upang protektahan ang kalusugan at masiguro ang kaligtasan ng mga artista, staff at crew ng #MPK.
“Maraming salamat po sa inyong panonood.”
#MPK ang hashtag ng Magpakailanman.
Sa buong episode, limitado ang mga eksena.
Madalas ay may social distancing, at halos nasa iisang location lang.
Iilan lang ang mga artistang involved—si Jak Roberto na gumanap bilang si DJ Loonyo, si Lovely Rivero na nanay rito ni DJ Loonyo, at si Lexi Gonzales na gumanap bilang si Liezel, ang girlfriend ng dancer/choreographer.
Sabi ng ilang staff ng MPK, parang nabunutan sila ng malaking tinik pagkatapos nilang mapanood ang episode na ito.
Nairaos daw kasi nilang walang nagkasakit o nahawa ng COVID-19.
NOEL FERRER
Hindi ko napanood ang episode na iyan ng Magpakailanman, pero ang pumasok na tanong sa mga manonoood: Bakit sa dinami-daming buhay na relevant ngayon sa ating Covid situation ay buhay ni DJ Loonyo ang inuna ng Magpakailanman?
Desisyon iyan ng pamunuan ng MPK. Their choice of feature just shows kung ano ang mga pinapahalagahan ng mga bumubuo ng programa.
We look forward to their succeeding episodes na sana, patuloy na tumugon sa pangangailangan ng televiewers.
Kailangan nila ngayon ng de-kalidad at tunay na kakikitaan ng inspirasyon sa ating walang-katiyakang buhay ngayon.
JERRY OLEA
Sikat si DJ Loonyo. Ang dami niyang masusugid na tagasubaybay sa YouTube.
Bongga ang collab niya with Kim Chiu para sa official dance moves ng "Bawal Lumabas: The Classroom Song."
Pasabog ang hanash ni DJ Loonyo sa mass testing ng coronavirus. May nalalaman siyang ipapainom at trial and error.
Nang supalpalin siya ni Lauren Young, lalo siyang nakilala.
Kaya hindi ako nagtaka na sa paghahandog ng Magpakailanman ng bagong episode, si DJ Loonyo ang itinampok.
Sabi nga, you can’t argue with success.
Kahit sinasabing walang kuwenta ang mga eksena sa nasabing episode, aba! Waging-wagi ang commercial load.
Inilampaso ang mga katapat na programa sa ibang TV stations.
Mabuti at may social media, naipahatid agad ng ex ni DJ Loonyo ang mga himutok at hinaing nito kaugnay sa nasabing episode.
Kaya lalong pinag-usapan si DJ Loonyo at ang Magpakailanman.
Samantalang yung replay ng Maalaala Mo Kaya kung saan bida si AJ Perez na noong 2011 pa pumanaw... pumukaw ba iyon sa pansin ng televiewers?
Nitong Sabado ng gabi, nakatuon ang atensyon ng mga Kapamilya sa maalab na taghoy ni Angel Locsin sa labas ng ABS-CBN compound.
GORGY RULA
Nakarating sa mga taga-Magpakailanman ang reklamo ng ex-girlfriend ni DJ Loonyo.
Pero nilinaw nilang hindi raw investigative ang Magpakailanman.
Bukod pa riyan, sinikap nilang protektahan ang ilang mga taong naging bahagi sa buhay ng dancer/choreographer.
Hindi nila ginamit ang tunay na pangalan ng ex-girlfriend. Ginawa nilang Liezel ang pangalan ng nanay ng namayapa niyang anak.
Sinabi pa ni DJ Loonyo sa naturang drama anthology, “Wala akong kuwentang tatay.
“Hindi ko man lang napasaya ang anak ko. Hindi ko man lang naipakita kung gaano ko siya kamahal.
“Ang dami kong sinayang na panahon. Ngayon, wala na. Wala na akong pagkakataon para gawin ‘yun.”
