JERRY OLEA
Ipinagdiinan muli ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta na dapat ibalik ng ABS-CBN sa gobyerno ang kinatitirikan ng TV network kung wala itong maipriprisintang orihinal at malinaw na titulo ng lupa.
Bahagi ng Facebook post ni Deputy Speaker Marcoleta nitong Hulyo 23, Huwebes ng gabi: “... why don't we discuss extensively about ABS-CBN's fake land title/s which is the subject of the Zoom conversation and try defending it as hard as you can?
“The property, as discussed in the video conference, should be returned rightfully to the government if ABS-CBN is unable to present an original, clean title as proof of its ownership.
“It is as clear and simple as that.”
Ang tinutukoy ni Deputy Speaker Marcoleta na Zoom meeting ay ginanap noong Hulyo 17, Biyernes.
Dito ay pinag-usapan nila nina Deputy Majority Leader Jesus Crispin Remulla, AnaKalusugan Party-list Representative Mike Defensor, at former ABS-CBN cameraman Journalie Payonan ang mga susunod na hakbang laban sa ABS-CBN matapos patayin ng Kongreso ang prangkisa ng TV network.
Sina Marcoleta, Remulla, at Defensor ang nanguna sa panggigisa sa mga kinatawan ng ABS-CBN sa isinagawang hearing sa Kongreso.
Nilinaw ni Marcoleta na ang Zoom meeting ay public video conference.
Aniya, huwag palabasin na ang Zoom meeting ay pribadong video na nag-leak, at nagbabalak ang mga mambabatas na kamkamin ang ABS-CBN property para sa kanilang pansariling kapakanan.
Ang nasabing FB post ni Deputy Speaker Marcoleta ay tugon sa tweet ng isang netizen kaugnay sa Zoom meeting.
Lumahok din sa meeting si Laguna 1st District Representative at dating aktor na si Dan Fernandez (PDP-Laban), at iba pang kongresistang pumabor na paslangin ang franchise ng ABS-CBN.
GORGY RULA
Nakasagap ako ng ilang kuwento tungkol sa isyu ng lupang kinatitirikan ng ABS-CBN, pero mahirap kumpirmahin dahil hindi natin nakita ang sinasabi nilang orihinal at totoong titulo.
Maaaring nasa Malacañang ito, at siguro ay dapat ngang alamin ito nang mabuti. Ang mahirap pa riyan, ang ilang taong sangkot sa kuwentong iyan ay pumanaw na.
Ewan kung willing magsalita ang nandiyan pa at nakakaalam sa totoong nangyari.
Sino ba ang pumirma ng titulo para mapunta ito sa ABS-CBN? Sino ba ang nagmamay-ari ng malaking bahagi ng lupa riyan sa Quezon City?
NOEL FERRER
Masakit pa rin ang damdamin ko sa pumanaw na kaibigan namin sa trabaho noon sa ABS-CBN na si Mavic Oducayen.
Bibeth Orteza puts it well nang sabihin niya sa Facebook ang nasasaloob ko rin:
“Mavic, ikaw na minahal ni Armida Siguion-Reyna, inaanak sa kasal at isa sa huling dumaan sa kanyang training mula pre-prod, prod, at post-prod, sa Aawitan Kita, telesine (bago pa ang teleserye) at pelikula — magkasama na kayo ng biyenan ko.
“Buong ningning mong isumbong ang mga walang-hiya!
“Isa ka sa unang na-retrench nito lang Biyernes. Kasasabi pa lang sa iyo, natumba ka na, nagcollapse. Pagka-dala sa iyo sa Capitol Medical Center, nag-cardiac arrest ka, immediately non-responsive.
“Rest in peace ang gusto kong sabihin, pero kilalang-kilala kita. Hinding-hindi ka mapapayapa hanggang hindi uli umeere ang ABS-CBN mong mahal.
“Rest in power, mahal naming Mavic. You will continue to inspire us, long after you're gone. Nakikiramay kami sa pamilya mo, kay Jojo, Alex at Sam. Gayundin sa iyong RSB Family, sa ABS-CBN.”
Sana, naisaalang-alang ito ng mga mambabatas na nagpasara at nag-abstain sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN.
Sa maraming labis naapektuhan tulad nina Mavic, naiiintindihan ko na mahirap talagang mag-move on.
Ayaw nating mangyari ito sa atin o kahit kaninuman.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
