JERRY OLEA
Hello Stranger... Goodbye.
Tatlong episodes na lamang ang Hello Stranger, na handog ng ABS-CBN Films at Black Sheep.
Batid natin ang nangyari sa Kapamilya Network, kaya kinabahan ako nang magtagpo na sina Xavier (Tony Labrusca) at Mico (JC Alcantara) sa ending ng Episode 4 (“Hello, Happiness”).
In-upload ang nasabing episode noong Hulyo 15 sa YouTube channel at Facebook page ng Black Sheep.
Kilig overload ang hatid ng panghaharana ni Xavier kay Mico sa Episode 5 (“Hello, Sadness”) na in-upload noong Hulyo 22, pero nandoon pa rin ang aking agam-agam na tatapusin na ang istorya ng XavMi (ang bigkas ay katunog ng “Save Me”).
Hindi mawaglit sa aking diwa na ang mga kaganapan sa XavMi ay nagpapahiwatig sa sinapit ng prangkisa ng ABS-CBN.
Ang Hello Stranger ang ikatlong Pinoy BL series, at ang episodes nito ang may pinakamaraming views—kung paanong ang ABS-CBN ang pinakamalaking TV network sa bansa.
Ngayong Hulyo 25, Sabado, kaarawan ng namayapang Comedy King na si Dolphy... nabalitaan ko sa isang Kapamilya insider na hanggang Episode 8 lamang ang Hello Stranger, na nagtatampok din kina Vivoree Esclito, Patrick Quiroz, Migs Almendras, at Gillian Vicencio, sa direksiyon ni Petersen Vargas.
Virtual hug sa mga tagasubaybay ng Hello Stranger!
GORGY RULA
Sa dami ng naglilitawang Pinoy BL series, puwedeng mag-isip ang ABS-CBN Films at Black Sheep ng bago pang material.
Kaya nilang magpasikat ng bago pang mapapanood dahil magaling silang mag-market.
Alamin muna natin kung ano talaga ang dahilan. Baka naman may gagawin si Tony Labrusca na ibang project o, malay natin, isang show sa TV 5?
Maganda yung bitinin din ang mga manonood para exciting ang susunod na aabangan sa kanila.
NOEL FERRER
Ang dami na talagang Pinoy BL Series—Gameboys, na extended for three more episodes; Sakristan na nagtapos na; Hello Stranger; In Between: Sa Pagitan ng Kamusta at Paalam; at Kumusta, Bro.
Sa Agosto, nakatakdang mag-umpisa ang My Day, My Extraordinary, Better Days, Oh, Mando!, at Amore.
Ano kaya ang sinasabi nito sa ating panahon? Bakit naglipana ang mga ito ngayong lockdown?
Magandang pag-aralan ang trend na ito. Kung ang kapangahasan ng mga temang ganito ay hudyat na rin ng pagiging progresibo natin sa pakikitungo sa LGBTQ community, panalo tayo!
JERRY OLEA
“Ang sakit... ang sakit-sakit pala!”
Taghoy iyan ni Mico (JC Alcantara) sa Episode 1 (“Hello, Enemy!”) ng Hello Stranger na nag-premiere noong Hunyo 24.
Hugot pa ni Mico habang lumuluha, “Paano nga ba ako napunta sa ganito? Saan ba nagsimula ang lahat?
“Paano nawasak ang puso ko? Paksyet!”
Ayun na, nag-flashback two months ago ang istorya, kung paano nagkrus online ang landas nina Mico at Xavier (Tony Labrusca).
Ang Episode 1 (“Hello, Enemy!” ay naka-1.4M views sa YouTube, at 452K views sa Facebook.
Ang Episode 2 (“Hello, Feelings”) ay naka-1.1M views sa YT, at 311K views sa FB.
Ang Episode 3 (“Hello, Heartbeat!”) ay naka-993K views sa YT, at 254K views sa FB.
Ang Episode 4 (“Hello, Happiness!) ay naka-770K views sa YT, at 296K views sa FB.
Ang Episode 5 (“Hello, Sadness!”) ay naka-648K views sa YT, at 248K views sa FB.
Inaasam ko na kagaya ng Gameboys ng The IdeaFirst Company, i-extend ng ABS-CBN Films at Black Sheep ang Hello Stranger.
Ang Gameboys ay apat na episodes lang sana. Ang apat ay naging walo... naging sampu... at naging labintatlo.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika