JERRY OLEA
Anim na taong nag-host si Regine Velasquez sa Kapuso cooking show na Sarap Diva, mula Oktubre 6, 2012 hanggang Oktubre 13, 2018.
Nang lumipat si Regine sa Kapamilya Network, akala ko’y mapapanis na ang Saturday morning show na iyon.
Nagbago ito ng mga sangkap. Ang title, ginawang Sarap, ‘Di Ba? with Carmina Villarroel as host umpisa Oktubre 20, 2018.
And then, nakasama ni Carmina ang kambal nila ni Zoren Legaspi na sina Mavy at Cassy. Lalong umariba ang Saturday morning talk-variety show ng Kapuso Network.

Sa panahon ng community quarantine, pagkasaya-saya pa rin ng Bahay Edition ng Sarap, ‘Di Ba? with Zoren as director—lalo pa’t may 5K Giveaway Promo na naghihintay para sa loyal viewers!
Simula sa Agosto 8, Sabado, pinaaga ang time slot ng Sarap, Di Ba?. Mapapanood na ito ng 10:00-10:45 A.M., na susundan ng K-drama na My Golden Life at Eat Bulaga.
Naibalita na nating bagong episodes ang mapapanood ngayong Sabado, Agosto 8, sa Wish Ko Lang! at Imbestigador sa GMA-7.
Sa Agosto 9, Linggo ng umaga, back-to-back din ang bagong episodes ng AHA! at Born to be Wild.
Makakasama ni Drew Arellano sa AHA! (8:15 A.M.) ang kanyang bagong techie BFF na si A! Robot. Guests sa episode na ito sina Sanya Lopez at Jelai Andres.
Patuloy sina Doc Ferds Recio at Doc Nielsen Donato sa pag-rescue sa mga hayop na naapektuhan ng community quarantine sa Born to be Wild.

Star-studded ang All-Out Sundays: The Stay Home Party (12:45 P.M.) kung saan ipagdiriwang ang 15th anniversary ng GMA Pinoy TV.
Makikisaya sina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Jennylyn Mercado, Dennis Trillo, Lovi Poe, Ai-Ai de las Alas, Julie Anne San Jose, Paolo Contis, Ken Chan, Rita Daniela, Boobay, Rayver Cruz, Ruru Madrid, Jak Roberto, Miguel Tanfelix, Kyline Alcantara, Mavy Legaspi, at special guest na si Kisses Delavin.
May world-class performances mula kina Arnel Pineda, Aicelle Santos, at Lani Misalucha.
Pangungunahan ni Alden Richards ang pamimigay ng papremyo bilang pasasalamat sa masusugid na tagasubaybay.
Sa pagtatapos ng Secret Garden, ire-replay ng GMA-7 ang teledramang One True Love (2012) umpisa Agosto 10, Lunes, 4:15 P.M., pagkatapos ng Stairway to Heaven.
Love story ito nina Tisoy (Alden Richards) at Elize (Louise de los Reyes), na sa kabila ng napakaraming pagsubok ay nanaig ang wagas na pag-ibig sa isa’t isa.

Kasama sa cast nito sina Jean Garcia, Raymond Bagatsing, Agot Isidro, Ana Capri, Caridad Sanchez, Bembol Roco, at Benjie Paras.
Teka... hindi kaya ma-overexpose na ang Asia’s Multimedia Star na si Alden?!?
Lunes hanggang Sabado, nasa Eat Bulaga! si Alden. Kung Linggo, nasa All-Out Sundays.
Lunes hanggang Biyernes, andiyan din siya sa teledramang One True Love.
Tapos, ikinakasa pa ang singing competition na Centerstage kung saan siya ang host.
Si Alden na ba ang bagong Hari ng Telebisyon sa bansa?
NOEL FERRER
People in advertising are really saying na GMA-7 has every reason to be happy sa kanilang 70 years, and they can give generous ayuda sa mga tao nila.
Sabi ng advertising industry, grabe ang kita ng Kapuso network.
Ang sabi sa akin, “Imagine mo lang, halos zero expense sila sa maraming timeslots pero kahit 50 percent lang ang load—na madalas mas mataas pa talaga—ay puro kita na yun!”
We look forward to GMA-7’s new offerings, especially dahil sila ang market leader ngayon.
GORGY RULA
Yes! Mula Lunes hanggang Linggo, napapanood si Alden Richards, kaya buhay na buhay ang Aldenatics.
Ang isa pa ngang aabangan sa kanya ay ang pagbabalik ng Centerstage, na naudlot ang pag-aayos dahil nasa MECQ pa tayo. Malalaman natin iyan pag bumalik na tayo sa GCQ.
Ito ang ilan sa mga aabangan sa GMA-7 dahil wala pa ring announcement kung kailan magbabalik sa taping ang mga drama series.
Ang isa sa aabangan pa ay kung sinu-sino ang taga-Kapamilya network na lilipat na sa Kapuso network?
Wala na tayong balita kung matutuloy pa si Billy Crawford.
Ang isa sa natsitsismis ay si Sarah Geronimo.
May nagpaingay kasi nitong Huwebes ng hapon, August 6, na nasa GMA Network Center daw si Mrs. Matteo Guidicelli.
Nagulat ang ilang taga-GMA-7 nang tinanong ko dahil abala raw sa Zoom meeting ang bosses, production managers, at iba pang staff na nag-uusap tungkol sa pagre-resume taping ng ilang Kapuso shows.
Natitiyak daw nilang walang bosses na pumasok sa GMA Network. Kaya wala raw katotohanang nandoon si Sarah GG.
Baka pinapaingay lang daw ng kung sino mang nag-tweet nito.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
