JERRY OLEA
Sold out ang first edition ng pambatang aklat na Ako Ay May Titi, kuwento ni Genaro R. Gojo Cruz, guhit ni Beth Parrocha.
“Kasalukuyang inaasikaso ng Lampara ang pangalawang paglilimbag,” pahayag ni Segundo Matias, publisher ng Lampara na naglathala ng Ako Ay May Titi.
Post ni Segundo Matias sa Facebook nitong Agosto 13, Huwebes, “UNANG banggit pa lang sa akin ng manunulat na si Genaro na, 'May gusto akong gawin, Ako Ay May Titi,’ hindi ako nagdalawang-isip. Ang pumasok sa isip ko noon ay ganito — Kailangan ito ng bata.
“Noon pa man (hindi pa ako publisher), ay alam kong marami nang nagtatanong na—Papaano ko ba sasagutin ang anak ko kung ano ito? Bakit ako may ganito? (Ang titi raw ng bata ang itinuturo).
“Kaya nang banggitin ito sa akin ni Genaro, kaagad ko siyang sinang-ayunan.
“Umpisa pa lamang, bilang publisher ng Lampara, isinasisip ko na talagang dapat ay hindi i-underestimate ang bata—na sila ay tao—na ang pagiging bata ay hindi nangangahulugang wala silang karapatang malaman ang mga nangyayari sa kanilang paligid.
“Bukod sa paghahatid at paghahayag sa kanila ng pag-asa, kailangang malaman at mulat sila bilang nilalang kaya hindi dapat na ipagkait sa kanila ang nagaganap gaya ng gera, kahirapan, kalungkutan, at iba pa o maging ang kasalukuyang pandemya.
“At alam kong hindi natin nababantayan ang mga bata sa loob ng 24 oras kaya kailangan nilang ‘tumindig’ bilang nilalang na may kakayahan sa buhay.
“Bukod sa nagsisiwalat ng kamalayan/awareness ang ‘Ako Ay May Titi,’ ito ay naghahatid din ng mensahe para pahalagahan ang sariling pangangatawan para higit na maiwasan ang child sexual abuse.”
GORGY RULA
Ipinost ng dati kong kasamahan sa Startalk ng GMA 7 na si James Manabat ang librong ito na binili niya sa National Bookstore kahapon, August 13.
Ipinost niya ito sa kanyang Facebook account.
Sabi niya, “Di mahalaga anong wala ka. Ang mahalaga ay kung anong meron ka.
“Maganda at kapupulutan ng aral, meron ka ba… kopya?”
Bilang ama, ginabayan niya ang kanyang anim na taong gulang na anak na lalaki (na inaanak ko) sa pagbasa nito.
Ang initial reaction daw ng bagets ay natawa ito. Pero maganda raw ang laman ng naturang libro dahil itinuturo rito kung ano ang proper hygiene at taking care ng "pututoy."
Dapat daw talagang nandiyan ang magulang habang binabasa ng bata ang libro para masagot agad kung may tanong at hindi nila ito namamalisyahan.
Pero hindi raw talaga naiwasang matatawa muna ang bata.
Siguro, kapag nakasanayan na itong basahin ng mga kabataan, wala nang malisya at hindi na nila pagtatawanan.
JERRY OLEA
Nagpasalamat si Segundo Matias sa TV5, ABS-CBN News, sa di-mabilang na mamamahayag, sa mga doktor, psychologists, at netizens (karamihan ay mga magulang) na patuloy na nagbibigay ng papuri sa "Ako Ay May Titi.”
Pangako ng publisher, “Asahan niyong, kasama niyo ang Lampara Books sa pag-unlad ng inyong mga anak para maging isang mabuting nilalang at mamamayan ng ating bayan.
“Para sa mga nanay na naghahanap ng ganitong aklat para naman sa mga anak na babae, abangan ninyo.”
NOEL FERRER
Panahon ngayon ng paggawa ng mga kinakailangang education materials, lalo pa’t ang kalakaran ay online learning na.
Kung ang sa Lampara ay parts of the body, ang Pinoy Playlist team naman namin nina Mr. C, National Artist Ryan Cayabyab, Moy Ortiz ng The Company, at Maribel Legarda ng Bonifacio Arts Foundation ay gumagawa ng Prutas version ng "Bahay Kubo."
Ang mga kasama sa listahan ay yung mga prutas na meron tayo locally at na-adapt na natin bilang kasama sa panlasang Pinoy.
Abangan ang maganda, kapaki-pakinabang at masarap na collab na ito na “Prutas Pilipinas.”
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
