NOEL FERRER
Marami ang natuwa sa online forum ng AKTOR x DAKILA nitong Setyembre 20, Linggo, in line with the 48th anniversary of Martial Law na pinamagatang "GANITO KAMI NOON, GANITO PA RIN BA NGAYON? Pelikula. Paniniil. Pagpalag."
Marubdob ang mga salaysay nina Direk Joel Lamangan, Ricky Lee, Lualhati Bautista, pati na nina Vilma Santos, Glaiza de Castro, at Piolo Pascual ukol sa karanasan nila sa paggawa ng matatapang na pelikula na nakakapagbukas ng isipan at diwa ng mga tao.
Mapapanood ang forum sa Facebook page ng AKTOR - League of Filipino Actors.
Habang sinasang-ayunan ang mga punto ng panelists, ito ang nagdulot ng confusion at tanong sa mga nakapanood...
Tanong ni Lourd de Veyra (isa sa dalawang host) kay Piolo: “Paano binago ng mga pelikula mo ang political stance mo?
"Sa social media recently maraming kumukuwestyon sa iyong political affiliation: 'Paano mo magagawa yun? E, ikaw ang gumanap na Jules Bartolome na aktibista sa Dekada 70!'
"Ang hirap ng balancing act sa paninindigan dun."
Sagot ni Piolo: “I guess it’s important yung pagiging tao mo, yung sincerity mo, yung pagiging totoo mo.
“Lahat tayo, may boses tayo kahit anuman ang estado natin sa lipunan. May boses tayo na kailangang gamitin at obligasyon natin na gamitin yun.
“So, ang sa akin, ang stance ko sa politics... Politics has got nothing to do with my showbiz life.
"Given this platform in this showbiz field, I’m using it to be positive.
“Kung anuman ang stand ko sa politics... hindi kasi ako politikong tao, e. Hindi ako yung tipong magsasalita about my stand as celebrity.
“Siguro, iibahin ko yun, hindi ko gagamitin ang platform ko sa showbiz para gamitin sa pulitika. Kasi, iba naman yung pagiging artista mo, e.
“Gagamitin ko ang boses ko sa tamang panahon at tamang pagkakataon.”
JERRY OLEA
Si Lualhati Bautista ang may-akda ng nobelang Dekada ‘70 (1983), na tumalakay sa mga kaganapan noong Martial Law.
Tampok sina Vilma Santos at Piolo Pascual sa pelikulang Dekada ‘70 (2002), na idinirek ni Chito S. Roño.
Bida si Glaiza de Castro sa Cinemalaya 2018 film na Liway, na tungkol sa mga karanasan ng batang si Dakip habang nakakulong noong panahong umiiral ang batas militar sa bansa.
Makailang-ulit na hinimay at dinalirot nina Ricky Lee at Direk Joel Lamangan ang rehimeng Marcos sa pelikula.
Ipinagpapasalamat natin na naglaan ng panahon sina Lualhati, Vilma, Piolo, Glaiza, Ricky, at Direk Joel upang pag-usapan ang isang importanteng bahagi ng ating kasaysayan.
Halos dalawa’t kalahating oras ang mismong forum tungkol sa Martial Law at pelikula.
Nakatutuwa na nakibahagi rito si Piolo, habang ipinagwalang-bahala niya ang mga pasabog ni BB Gandanghari sa diumano'y nakalipas nila ni Rustom Padilla.
Naka-grand slam si Piolo bilang best supporting actor sa pagganap niya sa Dekada ‘70.
Bilang lider ng AKTOR, nagbahagi naman si Dingdong Dantes ng closing remarks.
Nawa’y magkaroon pa ng mga makabuluhang talakayan ang AKTOR x DAKILA kaugnay sa mga kaganapan sa ating lipunan.
GORGY RULA
May ilang kilalang celebrities na hindi na lang nakikialam sa mga pinag-uusapang isyu, pero pinili nilang manahimik na lang kahit may sarili silang stand.
Noong nakapanayam namin si Marian Rivera, hinahayaan na lang niyang ang asawa niyang si Dingdong Dantes ang mas vocal at talagang ipinapahayag ang sariling pananaw sa ilang mainit na isyung pinag-usapan.
Sabi nga ni Marian, “Hindi ako masyadong nakiki-involve din. Kasi, una sa lahat, ayoko talagang maki-involve kung wala naman akong alam.
“Ayokong maki-involve na magugulo lang yung buhay ko.
“Hindi lang ako nagsasalita, pero alam ko naman ang nalalaman ko at kung ano ang posisyon ko sa buhay.
“Mas maganda siguro, umiwas na lang sa bagay na hindi naman makakatulong sa buhay ko.
"Marami pa akong iniintindi, ang dalawang anak ko, nagpapasuso pa ako.
“Baka ma-stress pa ako, wala pang lumabas na gatas.”
Doon na lang daw siya sa nakakapagbigay ng good vibes ang mga ipino-post niya sa Instagram.
Pero hindi nagpapabaya ang Kapuso actress sa pagpapahatid ng tulong sa mga nangangailangan kasama ang Yes Pinoy Foundation at Andrew’s Funds.
Gusto mo bang lagi kang una sa showbiz news at scoops? Subscribe to our Viber Chatbot here para lagi kang updated, and join our community for more pakulo!
