GORGY RULA
Bukod sa taga-diyaryong Bulgar na sina Janice Navida at Melba Llanera, may ilan pang balak kasuhan si Miss Universe 2018 Catriona Gray.
Ang nasagap ng PEP Troika, may iniimbestigahan ang National Bureau of Investigation (NBI) na nagmamay-ari ng ilang social media accounts na patuloy ang paninira kay Catriona.
Mga apat na account daw ito na iniimbestigahan ng NBI, pero mahirap tukuyin dahil sa isang account lang, meron itong mahigit tatlumpung VPN o Virtual Private Network.
May ilan ngang nadadagdagan nang nadadagdagan ang kanilang VPN kaya natatakpan ang talagang identity at mahirap makita ang tunay na nagmamay-ari ng account na iyon.
Ibig sabihin, magaling talaga at professional na sa ganitong gawain ang mga taong ito.
Kaya inaasa na ni Catriona at ng kampo niya ang lahat sa NBI dahil ang naturang ahensya ang may kakayanang malaman ito.
Nakakaduda lang na mukhang may mga tao talagang gustong siraan ang reputasyon ni Catriona, at pilit na ginagawan ng mga fake news, pati ang pagkakalat ng fake na litrato.
Mukhang may grupo na pinamumunuan ng isang masigasig sa pagkalat ng mga paninira sa beauty queen.
Sino nga ba ito at bakit?
Hindi naman nila puwedeng patulan ang lahat na namba-bash at naninira kay Catriona.
So far, itong apat na accounts lang daw ang talagang tinututukan at iniimbestigahan dahil mukhang iisang tao ang nasa likod ng mga ito.
May mga nagtatanong din kung kasama si Clint Bondad sa balak pang kasuhan ni Catriona.
Wala pa kaming nakuhang sagot diyan mula sa kampo ng Miss Universe 2018.
NOEL FERRER
Tama ang sinabi sa atin ng mga boss natin sa PEP na grabe ang batas ng cyberlibel kaya ibayong ingat at responsibilidad ang laging paalala nila sa atin.
Sana, makita rin ng panig ni Catriona na may accountability rin ang kanyang ex-boyfriend.
Dahil hindi siguro naging newsworthy ito sa mga kasamahan natin sa panulat kung hindi sa mainit na palitan nila ni Catriona ng makahulugang mga salita sa media.
Oh, well, let the law take its course!
JERRY OLEA
Ang kawikaan, “Kapag nasa katwiran... ipaglaban mo.”
Mabuti at idinulog ni Catriona sa batas ang paninirang-puri sa kanya.
Dalangin natin na manaig ang katotohanan at katarungan.
Kung sino man ang nagkasala, nararapat niya iyon pagbayaran.
Meow!
Gusto mo bang lagi kang una sa showbiz news at scoops? Subscribe to our Viber Chatbot here para lagi kang updated, and join our community for more pakulo!
