GORGY RULA
Hanggang ngayon ay wala pang nakukuhang bagong manager si Kris Bernal pagkatapos mag-expire ng kontrata niya sa GMA-7.
Wala na rin siya sa GMA Artist Center, ang talent-management arm ng Kapuso network.
Kaya minsan daw ay nalulungkot si Kris dahil naiisip niyang parang walang direksiyon ang kanyang showbiz career.
Nataon kasi sa pandemic ang pag-e-expire ng kontrata niya sa GMA-7, at sinabihan daw siyang wala pang maiko-commit ang Kapuso network sa kanya.
Wala pang naibibigay sa kanyang regular show, pero may mga guestings daw. Kagaya nitong All-Out Sundays, na babalik na sa studio sa darating na Linggo, September 27. Isa raw siya sa makakasamang magpi-perform.
Pero nang nalaman ni Kris na hindi pa siya mare-renew, na-depress daw siya.
“Dumaan din talaga ako sa depression. Nagkaroon ako ng anxiety, lalo na noong malaman ko na wala na akong contract.
“Siyempre, hindi ko na ipinakita sa social media yun, ano,” pakli ng 31-year-old actress nang nakatsikahan namin sa DZRH nung September 22, Martes ng gabi.
Inamin ni Kris na nangangamba siya dahil sa mga bagong artistang mabilis sumikat. Naiisip din daw niyang baka mas mabigyan pa ng chance ang galing sa nagsarang ABS-CBN.
“May kaba ako, kasi ang dami nang bago ngayon. Ang bilis-bilis nilang sumikat.
“Ang iba, ang daming followers. Ang iba, ang taas sa social media na kailangan kong trabahuin.
"Kasi ako, TV actress pero kailangan ko pang i-work out ang social media ko.”
Dagdag niya, “May mga insecurities din ako. Saka, yun nga, nasa point ako na parang, 'Sino ang may gusto sa akin? May sumusuporta pa ba sa akin?'
“May questions din ako na, 'Hindi kaya ayaw na ako ng network ko?' May ganun.
“'Hindi kaya hindi na nila ako bibigyan ng show kaya wala na akong contract?' May mga ganun na akong questions in mind,” pagtatapat ni Kris.
May ilan pa raw nagsasabing wala siyang utang na loob gayong hindi naman siya umalis sa GMA-7, at 13 years na siyang bahagi ng Kapuso network.
“May ibang naba-bash pa ako na wala raw akong utang na loob. Agad, walang utang na loob?
“Kung may choice ako to stay, talagang I will stay with my network. Ang tanong, gusto pa ba nila ako?
“Siguro, tao lang din ako na may feelings lang din ako,” saad ni Kris.
JERRY OLEA
Kahit wala na siyang kontrata sa GMA-7, itinuturing pa ring Kapuso si Kris Bernal.
Ibinabalita pa rin siya ng mga Kapuso sa iba’t ibang platform ng social media.
Maraming artista sa GMA-7 ang hindi pa bumabalik sa trabaho mula nang magkaroon ng community quarantine noong Marso.
Siyempre, pinapahalagahan ng mga taga-GMA ang kanyang loyalty bilang Kapuso.
Na-bash si Kris dahil sa guesting niya sa morning show ng TV5 na Chika, BESH noong Setyembre 14, Lunes. Hindi iyon kataka-taka, lalo na sa mga mema.
NOEL FERRER
Kung may talent ka at maganda ang iniwan mong marka sa mga taong nakatrabaho at sumusubaybay sa iyo, meron kang mapapala.
Napatunayan ng mga nauna kay Kris na there is life after an exclusive network contract.
Sa sitwasyon ni Kris, hindi siya ang nag-terminate ng contract kundi ang network.
Nangyari na rin iyan sa ibang artista, at nakatayo naman sila—like Carmina Villarroel, Derek Ramsay, Ivana Alawi, at iba pa.
Aabangan natin ang susunod na moves ni Kris Bernal.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika