GORGY RULA
Mukhang nahati ang atensiyon ng mga manonood sa pagpasok ng mga bagong programang produced ng Brightlight Productions para sa TV5.
May ingay talaga ang pagsisimula ng Sunday Noontime Live (SNL) dahil inabangan kung ano ang bagong mapapanood sa kanila, at kung hindi ba ito magmumukhang ASAP.
Kaya ito ang nag-trending, pati ang ASAP Natin ‘To.
Hindi na lang tayo nakakuha ng rating ng ASAP sa A2Z Channel 11 dahil wala pa ito sa survey.
TV5 shows
Pero ang pilot ng SNL nitong Linggo, Oktubre 18, ay nakapagtala ng 1.2 percent, base sa AGB Nielsen Philippines national urban audience measurement data.
Naka-5.4 percent naman ang katapat nitong All-Out Sundays, kumpara sa 5.8% noong October 11.
Bukod sa SNL, may dalawa pang TV5 shows na nag-pilot nitong Linggo.
Ang gag show na Sunday Kada ay nakakuha ng 1.5%, habang ang romance drama na I Got You ay may 1.1%.
GMA-7 SHOWS
Sa GMA-7, ang replay episode ng Wagas ay naka-4.9%, mula sa 5.3% noong Oktubre 11.
Ang bagong episode ng Dear Uge ay nakakuha naman 4.8%, at 1% ang ibinaba kumpara noong nakaraang linggo.
Sumunod ang GMA Blockbusters, kung saan ang ipinalabas na pelikulang D’Survivors ay naka-4.9%.
Ang bagong episode ng Amazing Earth ay naka-8.8% lamang.
Ang replay episodes ng Daig Kayo ng Lola Ko ay may 17.6%.
Sumunod ang The Clash, na nakakuha naman ng 19.3%. Bumaba ito ng halos 1% pero mataas pa rin itong maituturing.
Kahit na nga ang episode ng The Clash nitong Sabado, Oktubre 17, ay naka-16.9%, at hindi pa rin iyon maikokonsiderang mababa.
Sa katunayan, itong The Clash ang maganda ang performance, lalo na’t nakapili na ng ibabalik sa laban mula sa mga Clashers na natalo sa Round 1.
Sa halip na 15 clashers ang maglalaban-laban sa Round 2, magiging 20 na silang lahat.
Itong The Clash ang isa sa mga inaabangan sa weekend programs ng GMA-7.
JERRY OLEA
Kuyang-kuya ang dating ni Piolo Pascual sa Sunday Noontime Live (SNL), na nag-pilot telecast nitong Linggo, 12:00 p.m. - 2:00 p.m. sa TV5.
Okay sa kantahan si "Kuya P," pero hindi siya makasabay sa paghataw ng sayaw nina Maja Salvador, Catriona Gray, Jake Ejercito, at Donny Pangilinan.
Kasunod ng SNL ang pilot episode ng nakakatuwang romance drama na I Got You (2:00 p.m. - 3:00 p.m.).
Nakakaaliw ang mga hugot at linyahan dito.
Wagi rin ang cliffhangers bago mag-commercial.
Gustung-gusto ko iyong eksenang niyakap ni Louie (RK Bagatsing) si Del (Beauty Gonzalez) sa labas ng bahay. Napasigaw ako!
Highly recommended ko ang I Got You, na sakdal-husay ang pagkakadirek ni Dan Villegas.

Kaya hindi ako nagtaka na apektado ang replay ng Wagas sa GMA-7, maging ang fresh episode ng Dear Uge, na 2:45 p.m. ang timeslot.
Sa Sunday Kada (3:00 p.m. - 4:00 p.m.), napahalakhak ako sa sketch na Los Gastados.
Ang magkakapatid na dalaga na sina Kathryn, Julia, at Liza (Maxine Medina, Jhen Maloles, at Ritz Azul) ay may kani-kanyang love interests.
Para kay Kathryn, si Daniel (Daniel Matsunaga). Para kay Julia, si Joshua (Josh Colet). At para kay Liza, si “Enrique” na ewan!
Cast of Sunday Kada
Sa darating na Sabado, Oktubre 24, amazing ang mga bagong pasiklab ng Kapatid Network.
Mag-uumpisa na ang Rated Korina (4:00 p.m. - 5:00 p.m.) ni Korina Sanchez-Roxas.

Kasunod nito ang pilot episode ng family sitcom na Oh My Dad! (5:00 p.m. - 6:00 p.m.).
Bida rito si Ian Veneracion, na gaganap bilang “instant daddy” na si Matthew Balderama.
Tampok din sa Oh My Dad! sina Dimples Romana, Sue Ramirez, Louise Abuel, Adrian Lindayag, Ariel Ureta at Gloria Diaz.
Ang mahusay na si Jeffrey Jeturian ang direktor ng Oh My Dad!.
Cast of Oh My Dad!
At sa Sabado, 7:00 p.m., mapapanood na ang unang hirit ng Masked Singer Pilipinas, hosted by Billy Crawford.
Narito ang kaabang-abang na line-up ng TV5 shows sa Sabado.

NOEL FERRER
Mas marami nang kailangang i-monitor at i-survey for audience share—hindi na lang free TV, kundi pati cable, at lalo na ang online.
Napatunayan na hindi nakabase sa trending sa Twitter ang actual viewership. Kaya imbes na bilang ng viewers, maganda ring bigyang-pansin ang qualitative evaluation ng mga manonood sa shows.
Sa pagbaba ng rating ng ibang GMA-7 shows vis-a-vis replays, sana ay mas pagbuhusan nila ng pansin ang pagsuporta sa shows in terms of production values, kaysa mag-replay na lang ulit.
The audience deserves very good fresh content talaga!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
