GORGY RULA
Kuwentong nakakakilabot ang paksa sa "Bawal Judgmental" ng Eat Bulaga! ngayong Sabado, October 31, kung saan si Miss Universe 2011 3rd runner-up Shamcey Supsup-Lee ang naglaro.

Isa si Alden Richards sa choices, at isa sa sagot sa tanong kung sino sa kanila ang naka-witness ng exorcism.
Nagsimula ang karanasan ni Alden sa exorcism sa binili niyang lupa’t bahay sa Laguna.
Sobrang luma na raw ang nakatayong bahay kaya kailangan niyang ipa-renovate ang buong bahay para bago lahat.
Kuwento ng Asia’s Multimedia Star, “Ang usapan po namin ng contractor, parang hanggang four months lang dapat siya gagawin.
"Nagtataka po ako, sampung buwan na, parang wala pang natatapos.
"Every time natsi-check ko siya weekly, hindi siya matapus-tapos.
"Nagrereklamo ang mga nagtatrabaho doon, ‘Sir, meron po kaming nakikita dito sa master’s bedroom area, 'tapos parang lagi po kaming nasisiraan ng gamit.'"
Noong una ay hindi raw naniniwala si Alden sa mga ganoong preternatural at pati sa supernatural.
Pero nagtanung-tanong siya. Mabuti naman, bago raw ito nangyari sa kanya ay nagkakilala na sila ni Father Jeff Quintela, miyembro ng Philippine Association of Catholic Exorcisers at Chief Exorcist of the Diocese of Antipolo.
Patuloy na kuwento ni Alden, “Nag-consult po ako sa mga kaibigan ko. Wala pa po akong ideya about exorcism.
"Nakikita ko lang siya sa pelikula, and just consider it as entertainment.
"Nakuwento ko lang po sa kanya [Father Jeff] na, ‘Father, meron po akong bahay ganito-ganyan… eto nga po, meron silang pinapagawa sa akin, e. Mag-alay raw po ako ng manok. Paduguan daw ang ganito, etc.'
“All along, akala ko, normal yun. But noong nagkakuwentuhan kami ni Father Jeff, doon na po nagbukas yung pag-iisip ko about exorcism.
“Noong nagkuwentuhan kami ni Father Jeff, sabi niya, ‘Huwag mong gagawin iyan, hindi tama. Lalo mo lang palakasin ang presensya sa bahay mo.’
“Kung ano mang masamang elementong meron doon, kasi you’re patronizing the omen which is very wrong in the Bible. Kasi, whatever’s not within the Bible is the work of the devil.”
Doon ipinaliwanag ng EB Dabarkad kung ano ang kaibahan ng preternatural at supernatural.
Ayon kay Alden, “Yung supernatural po, sabi ni Father Jeff is Lord, everything in heaven. Pero yung preternatural, yun ang mga bad omens, mga demonyo."
Itinuloy ni Alden ang kuwento tungkol sa pagpapa-exorcise niya sa kanyang bahay.
“Noong day na papunta si Father Jeff sa bahay na yun, naligaw sila. Which is, ang dali lang pong hanapin ang bahay namin," sabi pa niya.
Halos tatlong oras daw na-delay ang pagdating ni Father Jeff.
Noong dumating na ito sa ipinapagawang bahay ni Alden, nakaramdam daw si Father Jeff ng sobrang sakit ng ulo.
Ramdam na raw ni Father Jeff na malakas ang elementong naninirahan sa bahay.
Kuwento ni Alden, “Pumasok po kami sa bahay. Balisang-balisa si Father, pinapawisan, nakikita ko ang discomfort."
Ramdam daw ni Father Jeff na marami talagang kakaibang elemento sa master’s bedroom.
Nilabas na raw ni Father ang kanyang exorcism book, at nang nagsimula na itong magdasal, bigla raw dumilim ang paligid, gayong hindi umuulan at mainit ang panahon.
“The moment na sinabi ni Father yung basic line ng mga exorcist na, ‘In the name of Jesus Christ, I cast you out, Satan,' dumilim,’” patuloy ni Alden.
At nang nagkatipon-tipong sila sa may sala, bigla raw sumara sabay-sabay ang mga pintuan pati ang gate.
Pero hindi raw sila natinag, itinuloy pa rin nila ang pagdarasal ng deliverance prayer at naglagay sila ng exorcise salt at exorcise oil.
Hindi pa natapos doon ang kuwento ni Alden.
Aniya, kumain sila sa isang restaurant, maayos silang nagkakuwentuhan ni Father Jeff.
“Habang kinakausap ko si Father, sabi ko, ‘Father, gusto kong mapalakas ang faith ko kay Lord.’ Sabi ko, ‘I want to be His spokesperson.’
"Yung right arm ko, in front of us, nagkakaroon ng scratch. 'Tapos, parang yung scratch, nagsimula siya, yung parang pula lang.
"Then, eventually, parang nagpu-form na yung maliit na kuko. Hanggang sa dumugo na siya.
“Sabi ko, ‘Father, ano yung ibig sabihin nito?’ ‘Yun nga, parang kailangan natin palakasin yung faith mo.’
"'Tapos nilagyan ni Father ng exorcise oil yung braso ko."
Sa puntong ito ay kinilabutan na ang mga taga-Eat Bulaga, lalo na si Shamcey na takot na takot sa kuwento ni Alden at ang mga ibinahagi ring kuwento ng iba pang choices.
Ngayon ay sa bahay na ipinagawa ni Alden na siya nakatira, at maayos na ito. Wala na raw silang nararamdaman. Ang master’s bedroom pa raw ang ginagamit na kuwarto ng aktor.
“Sobrang aliwalas. Since natapos yung exorcism, maraming blessings na dumating, at magaan. Masarap siyang uwian,” pahayag ni Alden.
Nandoon din sa Eat Bulaga! na naging resource person si Father Jeff.

Ikinuwento nitong sumasama si Alden sa ilang exorcism rites ni Father Jeff at nakasaksi na rin uli ng exorcism ang aktor.
Naging spiritual speaker din si Alden sa ilang event ng simbahan. Nagsalita na raw siya sa Philippine Conference on New Evangelization ni Cardinal Tagle.
Kahit noong bata pa raw siya ay madalas din siyang sumasama sa lola niya sa ilang religious activities.
Pero dahil sa karanasan niyang ito, nagbibigay siya ng panahong magsalita para maibahagi ito sa ating mga kababayan.
“Masarap po magkuwento ng mga kaganapan sa buhay kapag ikaw mismo ang naka-experience,” seryosong pahayag ni Alden.
JERRY OLEA
Sa isang taong malapit sa akin ay may nangyaring mahirap ipaliwanag.
May nagsabing nag-ulyanin ito, o tinatakasan ng katinuan. Matinding pagsubok ito, pero sa awa ng Panginoon ay nalagpasan niya.
Sandigan natin ang panalangin at pananalig sa Maykapal, lalo na sa mga ganitong pagkakataon.
NOEL FERRER
Tanggap kong may mga bagay na hindi maipapaliwanag ng siyensya, at kasama na itong exorcism.
Nananalangin na lang ako na hindi mangyari ito sa akin dahil sadya akong matatakutin sa mga ganitong gawi at usapin tungkol sa mga ispiritu.
Sana na lang, isa sa mga by product ng pandemya ay ang matinding pagbabalik-loob ng mga tao sa Diyos at sa pananampalataya.
Sa personal na karanasan ko, mas naging matindi ang pagkapit sa dasal ng pamilya ko.
Ngayong Halloween, may magandang mensahe/meme akong nakita: “No need for Halloween... 2020 is scary enough.”
Tunay nga naman. Mabuti na lang, patuloy natin itong hinaharap at pinagwawagian. Kapit lang!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
