JERRY OLEA:
Nagluluksa man ang baguhang aktor na si Carl Adaron, ratsada ang pagpo-promote niya ng seryeng Why Love Why kung saan bida sila ni Johnrey Rivas.
Mag-i-streaming na kasi ang first episode ng nasabing Pinoy BL series sa Nobyembre 14, Sabado ng 8:00 p.m., sa YouTube channel ng Philstagers Films.
Pumanaw ang kanyang Lola Flora, 72 noong Oktubre 19 dahil sa sakit na pneumonia.
“Dream po ng lola ko na maging artista ako, kaya OA po iyung suporta niya sa akin mula noong bata pa ako,” kuwento ng 21 anyos na si Carl noong Nobyembre 11, Miyerkules via Messenger.
“Noong nag-start po akong mag-act sa theater three years ago, lagi niya raw akong inaabangan sa TV kahit ipinapaliwanag ko na sa kanya na live ang performance namin, na wala kami sa TV.
“Kaya ang ginagawa ko na lang, nakikipag-videcall ako sa kanila habang may stageplay kami para at least, napapanood niya akong umarte, sumayaw at kumanta.
“Habang may shooting kami ng Why Love Why, nagvi-videocall din kami. Hiniling niya na mag-perform ako kasama ang mga kapatid ko bago raw siya pumanaw.
“Kaya wala kaming nagawa, napilitan kaming mag-perform habang umiiyak. The day after nu’n, tuluyan na siyang lumisan.”
Ang Why Love Why ay sinulat at idinirek ni Vince Tañada. Kasama sa cast nito sina Vance Larena at Beverly Salviejo.
CARL AS A COLLEGE STUDENT
Fourth year college student si Carl sa kursong Elementay Education.
“Gusto ko pong maging guro or maging coach ng isang badminton team. Varsity po ako since I was in grade school,” lahad ng young actor.
“I want to share my experiences sa mga batang gustong matuto.”
Marami nang pagsubok sa buhay si Carl—sa teatro, sa love life, sa pamilya.
“Sa theater, need mo talagang magkamali ng marami para marami ka ring matutunan. Nandiyan iyung rejections, time management and issues,” pagbabalik-tanaw ng binata.

FINANCIAL TROUBLES
Apektado rin si Carl nitong pandemya dahil sa pinagbawal ang live performances bilang bahagi ng safety protocol sa bansa.
“Sa pamilya, siyempre, di maiiwasang problemahin iyung mga gastusin sa bahay, lalo nitong pandemic.
“Opo, nagkaroon kami ng financial problem. Kasi, sobrang apektado iyung work ko as a theater actor.
"Nagtipid talaga kami nang sobra at isa kami sa mga umaasa ng ayuda kaya sobrang hirap.
“Buti na lang po, may work pa rin ang father ko bilang driver ng isang company.
“Naghikahos man po kami, napakayaman namin sa pagmamahal na di mababayaran ng kahit gaano kalaking pera.
PAST TRIALS
Naranasan na rin ni Carl magkaroon ng health scare nang magkasakit siya ng dengue noong 2015.
Laad niya: “Isa po sa mga matinding pagsubok na naranasan ko ay noong isinugod ako sa hospital dahil sa dengue way back 2015.
“Nag-stage 4 po ako sa dengue. Halos ikamatay ko iyun. Tapos, lahat ng mga kasama noon sa room, namatay. Ako lang po ang natira.
“Naisip ko noon, napakarami ko pang pagkakamali sa buhay na dapat kong itama.”
Sa love life, ayos lang daw ang naging karanasan niya.
Aniya, "I want to share my love sa mga taong patuloy na nagmamahal sa akin."
NOEL FERRER:
Wow, another Pinoy BL series! Sana, isa ito sa mga aangat at hindi iyung dadaan lang at makikiuso.
Ano kaya ang naiibang ipapalabas nito sa mga BL na naipalabas na?
Kailangang patunayan ng mga gumagawa ito na hindi ito lechon manok, pearl milk tea, ube cheese pandesal, at sushi bake na parang mga fad lang.
Ano kayang putahe itong Why Love Why?
GORGY RULA:
Wala akong ideya kung ano ang tipo ng BL series ito.
Sana, makilala na rito si Carl Adaron pagkatapos ng seryeng ito.
Mas nakilala ko pa kasi ang nagsulat at nagdirek nito na si Vince Tañada dahil ang sipag niya sa TikTok na kung saan nagpapakilala siyang hunk na lawyer na nagbibigay ng legal advice.
Bentang-benta sa followers niya ang mga legal advice habang lutang na lutang ang kakisigan niya.
JERRY OLEA:
Naglipana pa rin ang mga Pinoy BL series. Ubusan ng oras ang pagmo-monitor sa mga ito.
QUARANTHINGS, ALTER ME, AT MY DAY
Nagwakas ang Quaranthings (8 episodes) noong Oktubre 30, Biyernes sa YouTube channel ng Ride or Die.
Mapapanood si Royce Cabrera sa Netflix Original na Alter Me, na bida sina Enchong Dee at Jasmine Curtis-Smith, umpisa Nobyembre 15, Linggo.
Nami-miss ba ninyo ang acting ni Kyo Quijano? Nagtapos ang My Day (12 episodes) noong Oktubre 31, Sabado sa YouTube channel ng Oxin Films.
Umaatikabo ang mga laplapan nina Iñaki Torres at Miko Gallardo hanggang sa finale.
Iyong Episode 8.4 ng My Day kung saan naghalikan sina Iñaki at Miko with fireworks ay naka-1M views sa loob ng limang araw.
BEN X JIM AND OH, MANDO!
Kinabog iyon ng Episode 3 ng Ben x Jim nina Teejay Marquez at Jerome Ponce, sa direksyon ni Easy Ferrer. Naka-1M iyon in four days.
At maging ang Episode 1 at Episode 2 ng Ben x Jim ay pasok na sa 1M-mark.
As of this writing ay 993K views na ang Episode 4 nito.
Streaming ang Ben x Jim tuwing Thursday night sa YouTube channel ng Regal Entertainment.
Highly recommended ko ang Ben x Jim, maging ang Oh, Mando! na pinagbibidahan nina Kokoy de Santos, Barbie Imperial, at Alex Diaz, sa direksyon ni Eduardo Roy Jr.
Nag-premiere ang Oh, Mando! noong Nobyembre 5, Huwebes sa iWant TFC app and website.
Ipinalabas din ito sa YouTube channel at Facebook page ng iWant TFC umpisa kahapon, Nobyembre 11.
Miyerkules din ipinalabas noon ang Hello, Stranger nina Tony Labrusca at JC Alcantara sa YouTube channel at Facebook page ng Black Sheep.
BOYS' LOCKDOWN & BETTER DAYS
Ang isa pang Pinoy BL series na kinaaaliwan ko ay ang Boys’ Lockdown nina Ali King at Alec Kevin. Si Jade Castro ang director nito.
Palabas ito sa GagaOOLala kung Thursday night, at sa YouTube channel ng Ticket2Me kung Sunday night.
Naaalala ko kina Ali at Alec sina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion sa early movies nilang Dear Heart (1981), P.S. I Love You (1981) at My Only Love (1982).
Malinamnam ang pagkatimpla ng Better Days nina Chesther Chua at Benedix Ramos. Ang director ay si Carlo Obispo. Streaming ito tuwing Friday night sa YouTube channel ng Unframed Film.
GAYA SA PELIKULA
Magwawakas na ang Gaya Sa Pelikula bukas, Friday the 13th, sa YouTube channel ng Globe Studios.
Halatang pinagkagastusan ang BL series na ito na bida sina Ian Pangilinan at Paolo Pangilinan. Takaw-pansin dito ang poster ng Italian drama film na Cinema Paradiso (1988), sa panulat at direksiyon ni Guiseppe Tornatore.
Pinanood at pinag-usapan dito ng dalawang pangunahing karakter ang Mexican road film na Y Tu Mama Tambien (2001), sa direksyon ni Alfonso Cuaron.
May Pinoy movies din naman tayo na tumalakay sa movie industry, gaya ng Stardoom (1971), Kontrobersyal (1981) ni Lino Brocka, at Pagdating Sa Dulo (1971) ni Ishmael Bernal.
Kapwa National Artist sina Brocka at Bernal. Karamihan sa pelikula nila ay socially relevant.
Sa halip na Y Tu Mama Tambien (kung saan naghalikan sina Diego Luna at Gael Garcia Bernal) ang panoorin, andiyan naman ang Manila By Night, aka City After Dark (1980, Ishmael Bernal).
O kaya naman ay Maynila sa mga Kuko ng Liwanag (1975, Lino Brocka) at Tubog sa Ginto (1971, Lino Brocka).
HAPPENSTANCE
Kaabang-abang din siyempre ang nine-part Happenstance, starring Kiko Ipapo and Jovani Manansala. Idinirek ito ni Adolf Alix Jr., mula sa panulat ni Jerry Gracio.
Sina Direk Adolf at tukayong Jerry ay nag-collab sa pelikulang Muli (2010) nina Sid Lucero at Cogie Domingo.
Sa GagaOOLala mag-i-streaming ang Happenstance, not later than the first week of December.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
