JERRY OLEA
Ire-replay ng Maalaala Mo Kaya? (MMK) ngayong Nobyembre 21, Sabado ng gabi ang life story ni Maymay Entrata.
8:45 p.m. ang pagpapalabas nito sa A2Z Channel 11, samantalang 9:00 p.m. sa Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, at iWant TFC.
Take note na mapapanood na ang A2Z Channel 11 hindi lang sa free TV kundi pati na sa digital TV box tulad ng TVPlus.
I-scan lang ang digital TV boxes para mahanap ang A2Z Channel 11 na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Ang Kapamilya Channel ay available naman sa SKYcable Channel 8 sa SD at Channel 167 sa HD, Cablelink Channel 8, G Sat Direct TV Channel 22, Cignal Channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa buong bansa.
Ang Kapamilya Online Live ay mapapanood sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, TFC, at iWantTFC.
Ipinagpaliban ng MMK ang pagpapalabas ng fresh episode upang mai-focus ng mga Kapamilya ang pagtulong sa mga apektado ng mga nakaraang bagyo.
Kaya sa Nobyembre 28 pa mapapanood sa MMK ang part 1 ng life story ni Dr. Israel Bactol, na gagampanan ni Arjo Atayde.
Sabi sa teaser ng bagong episode na ito, “Isang tahanan na kinalakihan at naging tahanan natin, iyan ang MMK.
"Sa pagbubukas ng ating ika-29 na taon, sama-sama tayong babangon.
“Saksihan ang ekstraordinaryong kuwento ng pangarap, pag-asa at inspirasyon.”
Co-stars dito ni Arjo sina Sylvia Sanchez at Jane de Leon.
Samantala, replay rin ang episode ng Magpakailanman (MPK) mamayang 8:15 p.m. sa GMA-7.
Mapapanood muli si Neil Ryan Sese bilang isang “catfish” sa "Don’t Chat With Strangers" episode ng Magpakailanman.
Ang "catfishing" ay isang uri ng panlilinlang kung saan gumagawa ng pekeng identity ang isang tao para maloko ang kausap niya online.
Sa istorya, magpapanggap si Edgar (Neil Ryan Sese) bilang ibang tao nang makilala at maka-chat niya online ang high school student na si Rica (Jazz Ocampo).
NOEL FERRER
Masaya at abala ang lahat sa paggawa ng mga bagong episodes para sa Maalaala Mo Kaya at Magpakailanman.
Sa dami ng mga pinagdadaanan natin bilang isang bansang nasa pandemya at dinatnan ng napakaraming kalamidad, sana ay mabigyang-daan ng mga programang ito na mailabas ang nga kuwento ng mga taong lubhang naapektuhan ngayong panahong ito.
At sana, dahil sa mga programang ito sa primetime, makapagbigay-tulong pa tayo sa mga kababayan nating nangangailangan.
Heto pa ang balita... meron ding ginagawang programang tulad ng MMK at MPK para sa TV5.
Ito ang dramatized version ng mga kasong idinudulog kay Raffy Tulfo.
Makikita natin next year ang epekto nito sa kalaban kung sakali.
GORGY RULA
Kung hindi nabago ang schedule, ngayong araw ang taping ng bagong episode ng Magpakailanman.
Muli nilang nilinaw na sinusunod nila ang safety protocols lalo na’t may health officer na nakabantay.
Mahigpit daw sila sa working hours dahil ang nasa engineering ng GMA-7 ay mandatory na rest day sa susunod na araw.
Kaya mahirap pumili ng mga kuwentong ilalahad dahil sa limitado ang oras ng taping.
Nanghihinayang lang ako sa Maalaala Mo Kaya na mahirap banggain dati ng Magpakailanman.
Ngayong nasa A2Z na ito, ang laki ng kabawasan sa viewers.
Hindi ko lang alam kung hindi pa ba sanay ang mga manonood sa bagong channel ng Kapamilya shows.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika