GORGY RULA
Na-bash pala nang bonggang-bongga si John Rendez pagkatapos lumabas dito sa PEP Troika ang saloobin niya tungkol sa pagkaka-nominate uli kay Nora Aunor bilang National Artist.
Naka-chat ko ang ilang Noranians na close kay Nora.
Ayon sa kanila, na-misinterpret lang si John sa sinabi nitong huwag na lang tanggapin ng Superstar sakaling sa kanya igawad ang nasabing parangal.
Palibhasa, hirap pa rin daw mag-express si John sa Tagalog kaya minsan ay namamali ang gusto nitong sabihin.
Bagamat naiintindihan daw nila ang rapper-singer kung nakapagsalita man ito ng ganun, sinabi ng Noranians na hindi lang ito ang nasaktan sa dalawang beses nang pagkaudlot ng paggawad ng National Artist.
Isa raw si John sa nadismaya sa dalawang beses nang pagkaligwak kay Ate Guy sa naturang parangal, at baka sa pangatlong pagkakataon ay hindi na naman ito ibigay sa Superstar.
Marami raw sa mga tagahanga ng original Superstar ang nagalit na rin.
Maraming samahan ng mga guro mula sa iba’t ibang unibersidad ang hindi nagustuhan ang desisyon noon ni dating Pangulong Noynoy Aquino kaya tinagurian nila si Nora bilang "People’s National Artist."
Pero sa totoo lang, sabi ng ilang Noranians, isa si John sa maraming tagahanga ni Nora na matutuwa sakaling ibigay na ito ngayon sa kanya.
Naaawa lang daw si Nora kay John dahil sa matinding pangungutya na inabot nito.
JERRY OLEA
Naku, Lola Bashang! Supernormal na ang mga bash-bash na iyan.
Malalim ang pagkakaibigan nina Nora at John. Pinatatag ng mga pagsubok, pinagtibay ng panahon.
Kilalanin man o hindi si Nora bilang National Artist sa rehimen ni Duterte, hindi matatawaran ang ambag niya sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Sa mga walang wawang kuda at hanash na ibinabato kay Nora, andiyan ang huling linya ng karakter niyang si Adora sa pelikulang Beloved (1985), “Bullshit!”
NOEL FERRER
Nararapat lamang hirangin na si Ate Guy bilang Pambansang Alagad ng Sining.
At ibigay man sa kanya ito o ipagkait muli, nakakatatak na sa records ng history na nalampasan niya ang tatlong mahigpit na pagtatasa ng screening at jury panel.
Ang dalawang Presidente ang ating markahan sa ginawa nilang desisyon na pagkaka-bypass kay Ate Guy.
Panauhin ko ang Superstar sa aking Level Up program sa Biyernes, December 11, at malamang ibabalik lang niya ang sagot niya noon pa—kung sa kanya, kanya, darating iyan sa tamang pagkakataon.
Her body of work will speak for her.
Ang pagsasawalang-bahala sa naunang desisyon ng screening/jury board ay mas reflection ng politika sa ating lipunan more than sa sining.
Huwag na sanang maulit iyang unilateral na pagsasawalang bahala ng Pangulo sa rekomendasyon ng arts and culture community.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
