GORGY RULA
Sa nalalapit na pagsisimula ng sitcom na John En Ellen sa TV5, tungkol sa programa ang mas napag-usapan sa virtual mediacon nitong Enero 21, Huwebes.
Hindi nadalirot ang isyu ni Ellen Adarna kay Derek Ramsay, pati na ang kaugnayan dito ni John Estrada.
Magkakasama silang tatlo at iba pang common friends sa intimate dinner party na ginanap sa bahay ni Derek noong January 11.
Lumikha iyon ng isyu dahil sa viral photos nina Derek at Ellen, na tila mabilis nagkagaanan ng loob.
Sa presscon nitong Enero 21, inamin lang ni John na partner niya si Derek sa kanyang production, na siyang nag-line produce nitong blocktimer sitcom sa TV5.
Nagpapasalamat din si Ellen na inalok sa kanya ang naturang proyekto at kumportable siyang mag-comedy sa kanyang pagbabalik-showbiz.
Tinanong si Ellen ng taga-The Philippine Star kung sa kanyang comeback ay bukas ba siya sa posibilidad na makatrabaho ang kanyang ex-partner.
Napangiti si Ellen dahil isa lang daw sa showbiz ang nakarelasyon niya, at si John Lloyd Cruz nga ito.
“Isa lang ang ex ko sa showbiz, e. Parang hindi, kasi serious naman yun, e. Gusto ko, comedy,” matipid niyang sagot.
Dating nagkatrabaho sina Ellen at John Lloyd sa defunct ABS-CBN sitcom na Home Sweetie Home.
Doon sila nagkahulugan ng loob noong taong 2017, pero noong August 2019 ay nauwi sa hiwalayan ang kanilang relasyon.
Sinundan siya uli ng tanong kung paano siya nakatayo mula sa isang breakup.
Diretsong sagot ni Ellen, "I just have to do what I’ve got to do, and continue with my life.
"It will pass. Emotions will pass.
Sa Enero 24, Linggo ng 7 p.m., magsisimula ang John En Ellen na dinirek ni Willy Cuevas. Blocktimer show ito na iprinodyus ng Cignal TV.
Bukod sa TV5, mapapanood din ito sa Cignal TV channel, 202 HD at Channel 60 SD.
Dito masusubukan kung magugustuhan ng mga manonood ang bagong tambalang ito.
Ilan sa mga kasama nila ay sina Ronaldo Valdez, Long Mejia, Yogo Singh at ang anak nina Cesar Montano at Sunshine Cruz na si Angelina Cruz.

NOEL FERRER
"Unfortunately, Ellen does not do any showbiz or promotional-related work anymore. ABS also wanted to interview her but had to decline."
Ito ang natanggap nating message mula sa kaibigang Pia Campos na nagha-handle kay Ellen Adarna, hanggang sa muli na naman siyang sumabak sa pagso-showbiz.
Oh well, sana she can now use her celebrity status para kilalanin bilang isang mahusay na aktres (well, ngayon, komedyante) after ng mga pinagdaanan niya sa buhay.
Mahuhusay ang mga kasama ni Ellen sa proyektong ito, kaya sana, maganda ang kalabasan nito, at hindi matabunan ng kung anu-anong publisidad ng iba’t ibang liaisons.
JERRY OLEA
Maganda ang feedback sa pilot ng Wanted: Ang Serye noong Enero 16, Sabado ng 9:00 p.m., sa TV5.
Nag-rate ang episode na pinagbidahan nina Pokwang at Bugoy Cariño.
Kapana-panabik din ang ikalawang handog nito sa Sabado tungkol sa matamis na pag-ibig sa umpisa, sa dulo'y kirot at pasakit ang dala?!
Tampok dito si Epy Quizon at ang isa sa mga orihinal na Prinsesa ng TV5 na si Ritz Azul.
Nawa’y mag-rate din ang John En Ellen gaya ng Wanted: Ang Serye ni Raffy Tulfo. Good luck!
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
