JERRY OLEA
“Best of Lunch Out Loud episodes ang ibabalita nina Wacky Tulfo, Aunt Julie de Castro & WeatherMantero ngayong Sabado! I-tweet at i-comment na ang favorite past episodes mo gamit ang official hashtag #BalitangLOL”
Tweet iyan ng Lunch Out Loud noong Enero 22, Biyernes ng gabi.
Nitong Enero 23, Sabado ng tanghali, nag-post ang TV5 sa Facebook page nito:
“Balikan ang mga best of Lunch Out Loud episodes ngayong Sabado kasama ang pamilya LOL! I-share na ang inyong favorite episodes gamit ang official hashtag #BalitangLOL”
Ano ang ibig ipahiwatig ng “best of” episode ng LOL?
Masisibak na ba ito gaya ng Sunday Noontime Live at Sunday Kada na prinodyus din ng Brightlight Productions ni dating Congressman Albee Benitez?
Bilang na ba ang masasayang araw ng daily noontime show na pinangungunahan ni Billy Crawford, at papalitan ng ng It’s Showtime kung saan frontliner si Vice Ganda?
Ayon sa ating Kapamilya source, “Hindi yata. Walang ganoong pag-uusap. Baka nagtitipid lang ang LOL.”
GORGY RULA
Kailangan talagang magtipid muna ngayon dahil mahina pa raw ang sales, sabi ng ilang taga-LOL na nakausap ko.
Kapag ganitong panahong nagsisimula ang taon, hindi pa pumapasok ang mga commercial load. Kaya dalawang Sabado silang magbe-“best of” muna.
Kampante pa raw ang mga taga-LOL dahil hindi pa sila sinasabihang maghanda na.
Sa panahon ngayon, dapat talagang magtipid. Dapat siguro, magbawas-bawas muna sila, di ba? Parang nagsisiksikan pa sila minsan. Dagdag pa ang dancers na dumadami pa sila.
Ang Eat Bulaga nga, walang dancers. Silang Dabarkads na lang ang sumasayaw at kuwela naman.
Mas okey siguro na mag-reformat sila at magbawas-bawas ng di naman gaanong kailangan.
NOEL FERRER
Habang nagaganap iyang “BEST OF LOL,” mayroong tweet patungkol sa It’s Showtime...
“Mas maraming reach! Mas malawak na pagsasama! Better days are coming Madlang People! Abangan!”
What is the meaning of this?
And every action ay may kaakibat na reaction.
Abangan natin ang rigodon-de-amor sa telebisyon!!!
