JERRY OLEA
Tuluy-tuloy ang mga bonggang eksena sa mga teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano at Ang Sa Iyo Ay Akin ng ABS-CBN.
Namatay si Alyana (Yassi Pressman) at nag-agaw-buhay ang asawa nitong si Cardo sa madugong sagupaan noong Enero 25, Lunes, sa FPJ’s Ang Probinsyano.
Mahigit 102,000 ang peak concurrent viewers ng episode sa YouTube channel ng ABS-CBN Entertainment.
Nalagpasan nito ang sariling live viewership record ng programa sa Kapamilya Online Live pagkatapos ang tatlong magkakasunod na episode.
Wala pa mang isang araw, nakapagtala ang episode ng higit sa 4.1 milyong views sa YouTube.
Nag-trending sa Twitter Philippines ang hashtag na #FPJAP5HabangBuhay pati na ang “Alyana,” “Cardo,” and “Ang Probinsyano” dahil sa pagpapahayag ng viewers ng pagdadalamhati sa pamamaalam nina Cardo at Alyana sa isa’t isa sa panaginip.

Lalong mapupuno ng galit si Lito (Richard Gutierrez) dahil sa pagkabigo niyang makuha si Alyana. Gagawin ni Lito ang lahat upang ipapatay si Cardo.
Matuklasan na kaya ni Cardo ang totoong pagkatao ni Lito? Saan na kaya magtatago si Cardo at ang Task Force Agila?
Panoorin ang FPJ’s Ang Probinsyano sa A2Z channel sa free TV at sa digital TV boxes gaya ng ABS-CBN TVplus.
I-scan ang digital TV boxes para hanapin ang A2Z channel na mapapanood sa Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite, Laguna, Quezon, Rizal, Bataan, Batangas, Bulacan, at Pampanga.
Patuloy rin itong napapanood mula Lunes hanggang Biyernes ng 8:00 P.M. sa CineMo at Kapamilya Channel sa cable at satellite TV sa Kapamilya Channel (SKYchannel 8 sa SD at channel 167 sa HD, Cablelink channel 8, G Sat Direct TV channel 22, at karamihan ng cable operators na miyembro ng Philippine Cable and Telecommunications Association sa bansa).
Maaari ring subaybayan ito sa Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, pati na rin sa iWant TFC app o website.
Samantala, kapana-panabik ang pagluhod ni Ellice (Iza Calzado) kay Marissa (Jodi Sta. Maria) upang mailigtas ang anak na si Hope (Kira Balinger).

May leukemia kasi si Hope at kailangan nito ng donor ng bone marrow. Humingi ng tawad si Ellice kay Jake (Grae Fernandez) at hiniling na tulungan nito si Hope.
Payag si Jake. Kaso, kailangan ang consent ni Marissa bago ito maging ganap na donor.
Pumayag kaya si Marissa sa pagmamakaawa ni Ellice? If ever, ready ba si Ellice na humalik sa paa ni Marissa?
Palabas ang Ang Sa Iyo Ay Akin Lunes hanggang Biyernes ng 8:40 PM sa A2Z channel. Mapapanood din ito sa Kapamilya Channel sa cable at satellite TV.
GORGY RULA
Mas madugo nga raw ang mga sinu-shoot na mga eksena ng FPJ’s Ang Probinsyano.
Habang wala na si Alyana, patuloy pa ring nag-aagaw-buhay si Cardo mula sa pagkakabaril nina Pol. Capt. Lia Mante (Jane de Leon) at Maj. Albert de Vela (Geoff Eigenmann).
Ayaw pang kumpirmahin sa akin ni Lorna Tolentino kung huling taping na ba niya ito sa naturang teleserye.
Mas pinag-uusapan naman ng mga misis ang teleserye nina Iza at Jodi kesa sa kay Coco.
Samantala, nasa recap pa rin ang katapat nito sa GMA-7 na Anak ni Waray vs Anak ni Biday. Sabi ni Direk Mark Sicat, pampagaan ito sa bigat na pinagdadaanan natin sa pandemya.
Tumitindi ang love triangle nina Ginalyn (Barbie Forteza), Caitlyn (Kate Valdez), at Cocoy (Migo Adecer).
Mas mai-in love ang televiewers sa kuwento nito pagpasok ng bagong episodes sa Pebrero 8.
Subaybayan ang Anak ni Waray vs. Anak ni Biday sa GMA Telebabad, Lunes hanggang Biyernes, pagkatapos ng 24 Oras.
NOEL FERRER
Nangyayari na ang mga kaabang-abang na iconic scenes ng FPJ’s Ang Probinsyano at Ang Sa Iyo Ay Akin na tatatak sa mga manonood on various platforms.
Ang sabi tuloy ng kaibigang writer na si Ian Reyno, “See what happened when you broke ABS-CBN in little pieces. Well, the pieces are scattered alright—they’re on almost every platform now. Joke’s on you, fellas.”
