GORGY RULA
Hindi gaanong umalagwa ang ratings ng mga programang ipinalabas noong Linggo, January 31. Maaaring sa labas nag-lunch ang karamihan dahil kasusuweldo lang.
Pero mataas pa rin ang All-Out Sundays na nag-celebrate ng kanilang first anniversary. Ayon sa AGB-NUTAM, naka-5% ito.
Sa kabilang banda, halos ganun pa rin ang rating ng ASAP Natin ‘To, na naka-1.1% sa A2Z at 1.5% sa TV5.
Live pa rin ang AOS sa darating na Linggo, at magiging regular na rin pala sa show ang Asia's Nigtingale na si Lani Misalucha.
Samantala, ang FPJ: Da King ay 1.5% sa A2Z, at 1.9% sa TV5.
Ang katapat nitong replay episode ng Wagas ay nakakuha ng 4%, at ang bagong episode ng Dear Uge kung saan guest si Wendell Ramos ay naka-4.2%.
Surprisingly, tumaas ang GMA Blockbuster, kung saan ipinalabas ang pelikulang Ang Tatay Kong Sexy ng dating Senator Jinggoy Estrada kasama si Maja Salvador. Naka-4.9% ito.
Sa gabi naman ay tumaas na ang Kapuso Mo Jessica Soho na naka-21.3%, at ang The Boobay and Tekla Show na naka-7.3%. Special guest nila rito si Richard Yap.
NOEL FERRER
Lagpas sa ratings, tuloy pa rin ang world-class performances sa ASAP Natin ‘To sa iconic na segment nilang “The Greatest Showdown” kahapon.
Perfect na sana na ang portion na ito ng ASAP Natin ‘To with the very good lineup of Hugot Songs of the '90s woven in one production number by the great Homer Flores.
Heto ang mga naging kanta na ginawan ng bagong version: Gary Valenciano — "Nanghihinayang" (Jeremiah); Martin Nievera — "Ayoko Na Sana" (Ariel Rivera, composed by Odette Quesada); ZsaZsa Padilla — "Nang Dahil Sa Pag-Ibig" (Tootsie Guevarra); Erik Santos — "Kapag Ako Ay Nagmahal" (Jolina Magdangal); at Regine Velasquez "Bakit Nga Ba Mahal Kita?" (Roselle Nava).
Ang galing at ginawan nila ng sarili nilang version ang mga kanta. Pero magtataka ka, bakit wala si Ogie Alcasid na usually kasali sa segment na yun.
Napag-alaman ng PEP Troika na nai-tape na ni Ogie ang portion niya at maganda ang pagkakakanta niya ng “Maghihintay Sa ‘Yo” ni Dingdong Avanzado.
Pero ang balita’y naningil diumano ang publisher ng kanta na Dyna Records ng P1M para makanta ito sa TV.
Nagulat ang mga taga-ASAP. Kahit nanghihinayang ay inalis na lang sa medley ang kanta ni Ogie.
First time lang ito nangyari. Tinawagan natin ang composer nito na si Dingdong, at pati siya ay nagulat sa nangyari.
Kay Ogie pa naman ito nangyari na siyang presidente ng OPM, gayong ang ipo-promote ay isang awiting sariling atin. Nakakapagtaka talaga.
JERRY OLEA
We cannot overemphasize na walang kalaban sa ngayon ang GMA-7 sa game of ratings, kaya waging-wagi ang commercial load ng mga programa nito.
Kahit replay ang ipinapalabas nila, umaarangkada pa rin. Umaariba. Rumaratsada.
Pero siyempre, masaya tayo na may mga bagong handog sila. Ang All-Out Sundays, live na noong Linggo.
More and more and more ang mga pasiklab ng Kapuso Network. Inaabangan natin kung sinu-sino pang artista ang mag-oober da bakod sa nangungunang TV station ngayon.
Kailangang maging masigasig ang TV5 at iba pang TV networks kung nais nilang makahabol kahit paano.