JERRY OLEA
Tatlong araw nang No. 1 trending sa Netflix Philippines ang 13-episode digital movie series na The House Arrest Of Us—mula Pebrero 2 hanggang 4 (Martes hanggang Huwebes).
Kahapon at ngayon ay ito lamang ang lokal na palabas na nasa Top 10.
Ngayong Huwebes, ang iba pang nasa Top 10 ng Netflix Philippines ay Below Zero (#2), Finding Ohana (#3), The Uncanny Counter (#4), Bridgerton (#5), 18 Again (#6), San Andreas (#7), Robin Hood (#8), Takers (#9), at Fate: The Winx Saga (#10).
Iyong Pinoy movies na pumasok recently sa Top 10 ay karaniwang one day lang sa listahan.
Noong Pebrero 1, Lunes, nag-umpisang mag-streaming sa Netflix ang nasabing series ng KathNiel (Kathryn Bernardo at Daniel Padilla).
Kwela ang mga pinagdaanan ng mag-fiancé na Q (Kathryn) at Korics (Daniel) na nag-umpisa sa pamamanhikan, na inabutan ng quarantine.
Agaw-eksena sa romantic-dramedy series ang mga bangayan ng magbalaeng hilaw na sina Zena (Ruffa Gutierrez) at Berna (Arlene Muhlach).
Swabe ang mga karakter nina Sylver (Herbert Bautista), Papawan (Gardo Versoza) at Papatu (Dennis Padilla).
Maayos ang pagkatimpla ng characters ng mga kasambahay na sina Yaya Marie (Alora Sasam) at Mang Roger (Hyubs Azarcon).
OK naman ang pagsuporta ng mga nakababatang kapatid ni Korics na sina Rufus (Anthony Jennings) at Abi (Riva Quenery).
Oktubre 24, 2020 nag-premiere sa KTX ang nasabing digi-movie series ng ABS-CBN Films na idinirek ni Richard Arellano.
Bukod sa KTX, naglabas din ito ng bagong episode linggo-linggo sa ABS-CBN streaming service na iWantTFC.
Ang KathNiel ang kasalukuyang #1 loveteam sa local showbiz.
Ang teleseryeng Destined To Be Yours (Pebrero-Mayo 2017) ng AlDub ay hindi pa nasusundan ng pelikula o TV project.
Matindi ang following ng KathNiel maging sa Southeast Asia.
Kinilala sina Kathryn at Daniel bilang ‘Favorite Foreign TV Actress and Actor’ sa Blue Star Award – Face of the Year Awards sa Vietnam noong 2016 at 2018 dahil na rin sa kasikatan doon ng mga programang Got to Believe at Pangako Sa ‘Yo.
Umere rin ang Pangako Sa ‘Yo series ng KathNiel sa Indonesia, Peru, at Dominican Republic.
Bago ang streaming ng The House Arrest of Us, napapanood na rin sa Netflix ang mga pelikula ng KathNiel na Must Be... Love (2013), Pagpag: Siyam Na Buhay (2013), She’s Dating the Gangster (2014), Crazy Beautiful You (2015), Barcelona: A Love Untold (2016), Can’t Help Falling In Love (2017), at The Hows of Us (2018).
Nasa Netflix din ang KathNiel series na La Luna Sangre (2017-2018), maging ang mga pelikulang Sisterakas (2012, suporta ang KathNiel), Three Words to Forever (2018, love interest ni Kathryn si Tommy Esguerra), at Hello, Love, Goodbye (2019, katambal ni Kathryn si Alden Richards).
NOEL FERRER
Magandang revenue stream ang Netflix lalo na’t wala pang sinehang bukas ngayon sa mga nasa Metro Manila na naka-GCQ pa rin. Kaya online na muna ang distribution platform ng ganitong panoorin.
At dahil dito, ano na kaya ang mangyayari sa Box Office King & Queen awards? Sina KathNiel na ba ang Streaming Couple of the Year?
Happy Streaming!!!
GORGY RULA
Nang nakapanayam namin si Dennis Padilla sa DZRH kagabi para i-promote ang streaming ng Pakboys: Takusa sa Vivamax simula bukas, February 5, sinabi niyang kakaibang experience para sa kanya ang The House Arrest of Us.
Sanay na raw siya sa comedy, pero kakaibang comedy raw ang ginawa nila rito. Ang saya pa raw nila sa taping, at naging close daw sila lahat.