NOEL FERRER
Nakakagalit at nakakaawa ang mga nagpapalaganap ng fake news sa social media, at nagsasabing patay na ang isang kilalang personalidad.
Si Michael V, na kilala rin sa palayaw na Bitoy, ang latest na ginawan ng malisyosong meme na ganito.
Nag-react tuloy sa social media ang asawa ni Michael V na si Carol Bunagan.
Sabi ni Carol: "Ano kaya napapala ng mga gumagawa ng ganitong fake news? Kaawaan sana kayo ng Diyos."
Ano nga ba ang mapapala ng mga nagpo-post ng ganito? Pamparami ng likes at followers nila? Nakakadismaya.
Isipin mo na lang ang magiging reaksyon ng mga kamag-anak at mahal sa buhay ng mga ginagawan ng ganitong fake news.
Maawa naman talaga sila sa tao!
GORGY RULA
Ang ibang nabiktima ng ganitong fake news ay ipinagkibit-balikat na lang.
Ang iba, ginagawang positibo ang buwelta na naniniwalang hahaba ang buhay kapag pinapatay na ng ibang nagpapansin sa social media.
Pero hindi magandang gimmick ito sa panahon ng pandemya.
JERRY OLEA
Bahagi ng kasaysayan ang fake news.
Ayon sa Merriam Webster, 1890s pa lang ay ginagamit na ang salitang "fake news."
Kailangang maging discerning tayo kung ang balita ba ay totoo o "kinemfer chenelyn."
Huwag tayong basta maniwala at magpalinlang.
Basta, malinaw na buhay pa si Michael V.
Bahala na ang karma na kumarat sa nagpakalat ng balitang huwad.