GORGY RULA
Siguro naman matututo na ngayon ang mga pasaway sa lock-in tapings dahil ang dami na talagang nagkahawaan ng COVID-19.
May isang taping na mahigit 40 ang nahawa ng nakakamatay na virus na ito, at kailangang itigil ang taping. Pero hindi naman sila makaalis sa location kung saan sila naka-lock in dahil kailangang ma-quarantine silang lahat para matiyak na safe silang uuwi sa kani-kanilang tahanan.
Ganun din ang nangyari sa isang drama series na kasisimula lang mag-lock-in sa isang location. Biglang nalamang may isang staff na nag-positive, kaya packed-up ang taping.
Pero kailangang i-quarantine muna sa isang hotel ang lahat ng mga artista at staff, at i-check kung meron pang ibang nahawa. Baka sa susunod na araw ay umuwi na sila kapag negative ang resulta sa lahat ng na-swab test.
Pero ang isa talagang dapat imbestigahan nang husto ay itong isang drama series na pasaway raw ang ilang bosses sa production nito.
Totoo bang ang lead actress nila ay pinapayagang umuwi sa bahay niya at doon matulog gabi-gabi?
Totoo rin bang ang isang cast member na kailangang mag-taping sa isa pa niyang show ay pinayagang lumabas para lumagare ng taping?
Ang laking risk nito para sa lahat, kaya tuloy hindi na nalalaman kung saan nakuha yung virus na nahawa sa ilang taong involved.
Ngayon ay kailangan na talagang mag-ingat. Maging considerate sana sila sa ilang staff na sobra-sobra rin ang working hours.
Kagaya ng mga cameramen na hindi raw pinapayagang tumuloy sa isang taping mula sa isang show. Pagkatapos ng isang taping, dapat ay magpahinga sila ng isang araw, dumaan uli sa RT-PCR test bago sila i-assign sa bagong show.
Kaya dahil sa kinukulang sa oras pati sa staff, minabuti ng ilang shows na tumigil muna sa taping, at gamitin ang mga nakabangkong episodes.
Hay, ang hirap! Pero sinisikap pa ring makapag-produce ng bagong shows para sa mga bagong papanoorin ng lahat.
NOEL FERRER
Habang ang iba’y mahigpit na ipinatutupad ang protocols, heto naman ang mga pasaway talaga.
Kasama na rin dapat sa may accountability ay ang mga tagapatupad ng rules.
Dapat, patas ang pag-apply ng batas para sa lahat! Walang uwi-uwi. Walang segue. Walang lagare ng taping o shooting.
Tapos na iyang mga ganyang gawi sa “old normal.” Kailangan nang mag-adjust para sa kapakanan at kaligtasan ng nakararami.
Ang isang leksyon ngayong pandemya, hindi pwedeng magsarili, dapat may malasakit ka talaga sa kapwa mo.
Sana naman! Sana talaga!!!
JERRY OLEA
Nag-post ang kaibigang Ogie Diaz sa Facebook nitong Marso 19, Biyernes, kaugnay sa pagpapatuloy ng pagbabakuna ng AstraZeneca sa ilang bansa sa Europa.
Ani Ogie na isang Kapamilya, “Nakakainggit naman sila nang wagas, ano po?!.
“Kumbaga sa pagbabasa ng libro, nasa chapter 5 na sila, tayo, papunta pa lang ng National Bookstore, so pa’no?
“Again, lahat na lamang po tayo ay ‘i-resume’ ang pag-iingat, patibayin ang immune system at ‘i-resume’ din ang pagdarasal para hindi na tayo magpunta pa ng National Bookstore.
“Ingat po tayong lahat. Nasa page 7,103 na po tayo ng libro.
“Punuan na po ang mga ospital ngayon. Kahit di covid related ang ipupunta mo doon, di ka na maa-accomodate, kaya again, mag-ingat na lang po tayo sa lahat ng pagkakataon.”
Pagkatapos ng unang anibersaryo ng community quarantine sa ating bansa, bumalik ba tayo sa square one? Kung ganoon, ititigil ba muli ang mga shooting ng pelikula, maging ang taping at live presentations ng TV programs?
