JERRY OLEA
Nagpa-virtual mediacon ang The IdeaFirst Company para kay Adrianna So noong Marso 19, Biyernes ng hapon kaugnay sa pag-entra ng aktres sa TV5 drama series na Paano Ang Pangako?
Inihayag din sa mediacon na ang finale ng nasabing drama series ay sa Abril 3, Black Saturday, 2:00-8:00 pm.
Napag-alaman namin kapagkuwan na ang papalit sa timeslot ng Paano Ang Pangako? simula Abril 5, Lunes nang 7:00 pm ay ang Niña Niño nina Maja Salvador, Noel Comia Jr., at Empoy.
Hindi ko na inurirat kung bakit magpi-finale nang anim na oras ang Paano Ang Pangako? sa Sabado de Gloria, sa halip na hayaang ipalabas ang episodes nito sa Monday-Friday 7:15 pm slot.
Hindi ba puwedeng i-delay muna ang Niña Niño?
At any rate, nitong Marso 26, Biyernes ng gabi ay inihayag ng The IdeaFirst Company sa Facebook page nito, “NEVER BEFORE IN PINOY TELESERYE HISTORY na nagwakas ang isang serye sa isang Finale Marathon ng Black Saturday!
“Di dapat palampasin ang nakakapangilabot na pagtatapos ng PAANO ANG PANGAKO? April 3, Black Saturday, 2pm-7pm sa TV5! #PaanoAngPangakoINTENSE”
2pm-7:00 pm? Limang oras na lang? Anyare?
Binawasan ng eksena kaya na-condense?
“Oo, nung una, 6 hours pero may naiba sa programming kaya naging 5 hours na lang haha,” sabi ni Direk Perci Intalan nitong Friday night via Facebook Messenger.
“Wala namang nabawas sa finale. Naka-adjust pa rin kami.”
Sina Direk Perci at Direk Jun Robles Lana ang magkatuwang sa pamamalakad ng The IdeaFirst Company.
Nito ring Biyernes ay in-upload ng The IdeaFirst Company sa Facebook page nila ang trailer ng pelikulang Love vs Stars, kung saan pinag-aagawan nina Khalil Ramos at Kokoy de Santos si Miles Ocampo.
Sa Paano Ang Pangako?, pinag-aagawan naman si Miles nina Elijah Canlas at Kyle Velino.
“Si Miles nga raw ang SANAOL. May Elijah, may Kyle, may Kokoy, may Khalil! Hahahaha!” sambit ni Direk Perci.
Take note na sa multi-awarded Pinoy BL series na Gameboys na nag-streaming sa YouTube channel ng The IdeaFirst Company, nag-agawan sina Elijah at Kyle kay Kokoy, samantalang si Adrianna ang shipper ng EliKoy/CaiReel.
Streaming sa Netflix ang level-up edition ng Gameboys. Na-shoot na ang season 2 nito.
Wala pa kaming balita kung kailan ito ipapalabas, at kung libre pa rin ang streaming nito sa YouTube.
GORGY RULA
Tama ang sinabi ni Direk Perci Intalan na ginawa lang nila itong Christmas special, kaya Paano Ang Pasko? ang title. Heto na nga at umabot na ng Semana Santa.
Ani Direk Perci, “Nagsi-sepanx kami na cast ng show. Sabi ko nga, ‘Imagine, ‘no? Dapat Christmas special lang tayo.
“Naglolokohan pa kami na, 'Sana, ma-extend tayo. Sana maging Paano ba ang Chinese New Year?, Paano ba ang Valentine’s?, Paano ba ang Semana Santa?.
“Tapos nagkatotoo nga na Paano ba ang Semana Santa. Umabot talaga siya ng Semana Santa. Paano ang Kuwaresma?
“Sabi ko sa kanila, galingan natin, kasi, we owe it to the people who like the show.”
Kaya hindi niya talaga masasabing ito na talaga ang ending ng teleseryeng ito, kaya malay natin. Baka hingin ng TV5 na gumawa sila ng karugtong ng kuwento ng Paano ang Pangako?.
“We never know. Iba na ang TV ngayon, e. May mga shows na bigla na lang bumabalik, e.
“Puwedeng katulad ng nangyari sa amin, nai-extend, naiiba yung title, nag-iiba lang yung timeslot. Nag-iba-iba na yung kuwento.
“We never know. Sana,” pahayag ni Direk Perci nang nakatsikahan namin sa virtual mediacon ni Adrianna So noong March 19.
Matino naman kasi ang kuwento, at magagaling ang mga artistang involved.
Sana, puwede pang ibalik, at kasama pa rin si Maricel Laxa na malaki ang nagawa ng participation niya sa teleseryeng ito.
NOEL FERRER
Marathon showing na nga nitong finale ng Paano Ang Pangako? sa Black Saturday.
Hindi ba ito ang puwede nating itanong sa ating mga leaders sa ating bayan ngayong may lumalalang pandemya, "Paano Ang Pangako?"
Kababalita lang ulit sa atin na ang daming nag-positive sa isa na namang lock-in taping.
Diyos na mahabagin!
Protektahan po Ninyo at alagaan kami, kasi, parang walang ibang gagawa nun kundi kami-kami na lang!
