JERRY OLEA
Nalunod na ba sa pitong basong tubig ang gwapo at matangkad na aktor na produkto ng isang reality show?
Naaaliw ako pag iniinterbyu ang gwapo at matangkad na aktor dahil magiliw siya, at hindi showbiz ang kanyang dating.
Kaya nabagabag ako sa nabalitaan kong mga ginawi niya sa lock-in shooting ng drama series kung saan isa siya sa mga bidang lalaki.
Sininghalan ni Gwapo at Matangkad na Aktor ang waiter dahil hindi niya nagustuhan ang pagkaing inihain sa kanya.
Hirit ng aktor, hindi ba siya kilala ng waiter kaya ganoong klaseng pagkain ang inihain sa kanya?
Katwiran ng waiter, taga-serve lang siya ng pagkain, at hindi caterer.
Lalong nainis si Gwapo at Matangkad na Aktor.
Sumakay siya sa kanyang kotse para bumili ng gusto niyang pagkain sa labas.
Lock-in shooting iyon—bawal lumabas.
Naturalmente, hinarang ng sekyu sa location ang kotse ng aktor at hindi ito pinayagang tumakas.
Level-up ang pagkairita ng aktor at pinagmumura ang sekyu.
Hulaan ninyo kung kanino kumampi ang mga kinauukulan sa banggaang Aktor vs Waiter, maging sa engkuwentrong Aktor vs Sekyu!
GORGY RULA
Promising itong si Aktor. May talent sa pagkanta at pag-arte. Mukha namang mabait siya. Parang may sarili lang siyang mundo.
Minsan, ang dating sa karamihan, nag-attitude siya.
Na-experience ko sa kanya minsan sa isang virtual mediacon na sinasagot niya ang mga tanong, naka-off ang video.
Medyo nabastusan ang iba, pero deadma na lang kami at hinayaan na lang siya sa trip niya.
Nasangkot na siya noon sa isang gulo kaya angas-angasan na ang dating niya.
Okey na rin iyun kung may pagka-bad boy ang gusto niyang image. Pero sana, marunong siyang makisama at igalang ang mga taong mas mababa sa kanya.
Iyan ang isa sa magandang ugaling Pinoy. Hindi sa kinalakihan niyang bansa.
NOEL FERRER
Kung sisikat si Gwapo at Matangkad na Aktor, dapat noon pa.
'Tapos, ngayong binigyan na siya ng bagong malaking oportunidad, ganyan pa ang kanyang pakita?
Sino ang enabler nito sa network kaya nabibiyayaan pa ito ng ganitong programa?
Sana matanto ng mga boss na mas marami pang mas mahusay, mas guwapo, at mas may ‘K’ kaysa sa may attitude na starlet na ito.
