GORGY RULA
Tinanong kami noong nakaraang linggo ni Ms. Rhea Anicoche-Tan, ang president at CEO ng Beautederm, kung sino raw ang kukontakin nila para kay John Lloyd Cruz.
Balak sana nilang kunin ito bilang brand ambassador ng ilang items ng kanilang beauty and wellness products, pero wala raw siyang ideya kung sino ang kakausapin.
“Kasi, kinuha ko na lahat na idols ko dati, e. Sina Ate Lorna [Tolentino], Kuya Bo [Christopher de Leon], si Kuya Gabby [Concepcion].
“Kapanahunan natin yun, e. Sila, mga idols ko talaga.
“'Tapos, ngayon si Bea [Alonzo]... ang kulang na lang, si John Lloyd. Kasi, may mga produkto kami na para sa kanila,” pakli ni Ms. Rhea.
Nabanggit naming baka ang Crown Artist Management ni Maja Salvador ang magma-manage pero hindi pa ito ikinu-confirm sa ngayon.
Noong nakatsikahan namin si Maja sa virtual mediacon ng Niña Niño, hindi niya sinagot kung totoong hahawakan nila si Lloydie.
Magpapatawag daw siya ng hiwalay na mediacon para ipakilala na raw nila ang mga artist sa ilalim ng kuwadra ng Crown Artist Management.
Pero aminado si Maja na medyo nahirapan din siya sa pagsisimula ng kanyang talent management.
“Ang hirap,” bulalas niya nang tinanong namin kung mahirap ba na ang Crown Artist Management na ang nagma-manage ng kanyang showbiz career.
Mabuti na lang at mapagkakatiwalaan daw ang mga kasama niya na siyang namamahala lalo na pagdating sa mga kontrata.
“Siyempre, meron tayong… kunwari, kapag pag-usapan na ang kontrata ganyan, hindi po ako sanay, kaya very thankful ako to my COO, Ms. Mikki Gonzales.
“Siya ang tumutulong para mag-manage sa akin. Kaya lahat na executives ng Crown Management ay nagsasanib-puwersa din para makagawa ng tamang kontrata, at tamang proyekto para sa akin,” saad ng bida ng Niña Niño.
“Pagdating po sa akin, lahat kami ay nag-uusap. My handler… on the directors and executives, nag-uusap-usap kaming lahat. Kasi mahirap kung ako lang ang magdedesisyon.
"Dahil nung nasa Star Magic pa ako, nung kay Tita Chit [Ramos] pa ako, sila yung nag-uusap about… like yung mga kontrata, di po ba?
“Siyempre po, may idea po ako, pero mas maganda kung may mga taong nakapaligid sa akin na tutulong talaga at mas nakakaalam talaga,” dagdag niyang pahayag.
Ngiti lang ang sagot sa amin ni Maja nang sinabi namin sa kanya na hindi muna namin siya tatanungin kung siya ba ang kakausapin sakaling may mag-inquire kay John Lloyd.
NOEL FERRER
Hindi malayo na maging under Crown Artist Management ni Maja si John Lloyd dahil ang talent management ay based on trust.
Sanggang-dikit sina Maja at Lloydie kaya exciting na magkakatulungan sila sa bagong chapter ng kanilang showbiz career.
JERRY OLEA
Lalabas at lalabas ang totoo sa takdang panahon.
Abangan natin ang paglulunsad ng talent agency ni Maja para masagot kung sila na nga ang magma-manage sa career ni John Lloyd.
Inaabangan natin ang pelikula ni John Lloyd na Servando Magdamag, sa direksyon ni Lav Diaz.
Napabalita noong Disyembre 2020 na balik-tambalan sina Bea at John Lloyd sa pelikulang No Goodbyes na ididirek ni Cathy Garcia-Molina para sa Star Cinema.
May lumutang ding tsika na gagawa sina Bea at John Lloyd ng sitcom sa TV5, di ba?
Use these BeautyMnl promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
