Leandro Baldemor, ipinakita ang trabaho bilang sculptor ng religious images

by PEP Troika
Apr 2, 2021
Dating sexy actor na si Leandro Baldemor, ipinagmalaki ang talento sa paggawa ng religious sculptures sa bayan niya sa Laguna.
PHOTO/S: Lee Santiago

JERRY OLEA:

Karaniwang basehan ng mga bumibili ng santo o poon kung maamo ang mukha (partikular ang mga mata) ng imahe.

May teknik ba upang maging maamo ang mukha ng poon?

“Minsan kasi, sa blocking pa lang, opening pa lang ng kahoy, alam mo na, na maganda siya,” sambit ng actor-sculptor na si Leandro Baldemor nang mainterbyu namin noong Pebrero 25, Huwebes sa tahanan niya sa Paete, Laguna.

“Ibig sabihin, mag-o-open ka pa lang ng uukitin mo, doon pa lang sa kahoy, opening, magba-blocking ka pa lang... alam mo na kaagad na ganito ang magiging reaksyon nito.

“Tapos, minsan kasi, may mga reference din. Halimbawa, gusto ng client, ‘Ito, sir, gusto namin ang reference na ito. Ganito, ganyan.’ Sabi ko, ‘Ahh, ganun, sige...’

“Doon, sa simula pa lang, medyo may katalo na kung saan mapupunta iyong ukit mo.

“Ngayon, ang dapat na maging thinking mo doon sa simula pa lang, kailangan wala kang doubt.

Continue reading below ↓

“Kailangan, may pupuntahan itong uukitin ko. Kasi, kung magkakaroon ka na kaagad ng doubt doon sa simula mo pa lang, pucha, walang pupuntahan ‘yon. Papangit nang papangit ‘yon.”

Leandro Baldemor with his jesus christ sculpture

Nagkaproblema na ba siya, o may nagreklamo na, dahil sa ukit niya?

Mabilis na tugon ni Leandro, “Ay, wala naman! Kasi, awa ng Diyos, unang-una, santo ‘yan, e. So, unang-una, pag santo kasi, hindi mo na para mapistaan.

Continue reading below ↓

“So, dapat, kung gagawa ka ng isang image, wala kang doubt sa trabaho. At saka madali lang naman ang kahoy, e.

“Kung pangit, tapalan mo lang uli ng kahoy, ok na uli. Hindi katulad ng mga bato. ‘Anong gagawin natin dito, nabagbag na natin ‘yung mukha?!’

“Hindi naman natin ito matatapalan ng semento. Kasi, pag bato, bato. Pag marmol, marmol.

“Kaya iyong mga nag-uukit ng marmol, ang gagaling nun. Saka yung ivory. Kasi, hindi puwedeng mamali.

“Iyong kahoy, pag namali ka... Halimbawa, ito, ito yung mukha, namali ka, e, di, palitan mo ng bagong kahoy. Uukitin mo uli. So, puwedeng trial and error.”

Leandro Baldemor with his wooden religious sculptures

Continue reading below ↓

Nakita namin ang hulma ng isang poon na hiwa-hiwalay ang ulo, katawan, dalawang kamay at dalawang paa.

Paliwanag ni Leandro, “Ganun talaga. Kasi, wala na tayong malaking kahoy, di ba? So, pagduduksung-duksungin mo lang talaga ‘yan.

“Lego ‘yan. So, may tendency na pag tumagal ang panahon, merong magka-crack. Kasi, iyong dikit mo, iyong kahoy, minsan, kapag hindi ganu’n ka-kiln dry...

“Kahit naman kiln dry, halimbawa, iyong kahoy, itong maliit na kahoy, igagano’n mo,” pagmumuwestra ni Leandro.

“E, di, malapad na siya. Kahit anong gawin mo diyan, pag iyan ay tumagal ang panahon, medyo aangat ‘yan.

“Hindi naman sila solid na katulad nito, e. So, pag iyan ay pinagdikit-dikit mo, nagkakaroon ng crack.

“Pag nag-crack na iyan, lagyan mo lang ng epoxy, babalik na siya. Maaayos na uli. Good as new. Nakahinga na yung kahoy.”

Leandro Baldemor with his Mama Mary sculpture

Continue reading below ↓

NOEL FERRER:

Isa si Leandro sa mga taga-Laguna na tinanggap ng showbiz.

Isang taga-ukit at manlililok, nakilala si Leandro sa sexy films, at hindi nawala sa kanya ang pagkasimple niyang probinsyano.


Katulad ni Leandro, naalala ko rin ang taga-Siniloan, Laguna na si Dion Ignacio na na-discover ni Leo Bukas sa Turumba swimming pool ng Pakil—like this time of the year.

Pagbabalik-tanaw ni Leo sa post niya, “Hindi ko na matandaan kung anong year kita na-discover sa isang public pool sa Pakil, Laguna. Holy Week din noon.

“Nakita ko noon ang isang 16 years old na bagets, matangkad at pogi pero payat, maraming pimples at sungki ang ipin. At para mabantayan kita ay sa apartment ko na ikaw tumira.

“Fast forward -- naging winner ka ng Circle of 10 at napasama sa 1st batch ng Starstruck.Tapos nagkahiwalay ng landas.

“Ngayon ay kasal ka na. Congratulations sa pagiging family man mo. Alagaan mong mabuti ang anak at asawa mo. God bless u always and best wishes!!!”

Continue reading below ↓

GORGY RULA:

Malaking challenge din sa mga iskultor ang makapag-ukit ng isang santo. Iyung mukhang santo talaga na dinadasalan ng mga tao sa simbahan.

Iyung meron kang nararamdamang kapanatagan sa kalooban kapag nagdarasal ka sa isang santo.

Iba kasi ang naramdaman ko nang ilang beses din akong nakadaan sa Agoo Church sa La Union. Nasa isang chapel doon ng Sta. Rita ang isang malaking painting ng Coronation of the Virgin, na nang i-Google ko, tinatawag din palang The Apotheosis of Imelda Marcos.

Sa painting na iyun ang Coronation of the Virgin as Queen of Heaven and Earth, na ang kinokoronahang birhen ay kamukha ng dating First Lady Imelda Marcos.

Isa lamang ito sa mga attraction ng simbahang iyun, pero parang hindi ko magawang magdasal sa altarpiece ng naturang simbahan.

Sa Cathedral of Holy Angels naman sa Los Angeles, California ay nasa loob ng simbahan ang litrato ni San Lorenzo Ruiz, pero parang Mexican ang itsura niya sa mural na hindi ko alam kung saan nila ibinase ang mukha roon ng ating kauna-unahang santo.

Continue reading below ↓

Samantala, naging kaibigan ko ang kilalang basketball player na si Ronnie Tubid ng San Miguel.

Siya ang kinuhang model para kay San Pedro Calungsod. Nag-aaral pa raw siya noon sa University of East nang kinuha siyang model para mabuo nila ang mukha ni San Pedro Calungsod.

Kaya tinagurian din siyang ‘The Saint’ nang naglalaro na ito sa PBA. Malaking karangalan para kay Tubid nang napili siyang model ni San Pedro Calungsod.

Naging malapit siya sa mga pari, at nagkaroon pa raw siya ng pagkakataong maka-lunch ang mga Obispo at ang dating Pangulong Cory Aquino na siyang Pangulo noong panahong iyun.

HOT STORIES

We are now on Quento! Download the app on Google Play or App Store and enjoy more articles and videos from PEP.ph and other Summit Media websites.
Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Dating sexy actor na si Leandro Baldemor, ipinagmalaki ang talento sa paggawa ng religious sculptures sa bayan niya sa Laguna.
PHOTO/S: Lee Santiago
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results