GORGY RULA
Maingat si Anjo Yllana sa pagbigay ng pahayag tungkol sa nangyari sa kanyang bunsong kapatid na si Ryan Yllana na bigla nilang inilipat ng St. Luke’s Medical Center mula sa Olivarez General Hospital sa Parañaque, pagkatapos itong dumaan sa appendectomy.
Marami kasi ang nabahala sa post ni Anjo sa kanyang Facebook account noong nakaraang Huwebes, April 15 na humihingi siya ng dasal para kay Ryan na kailangang i-airlift daw papuntang St. Luke’s Medical Center sa Quezon City.
Pero kinabukasan ay okey na ang kanyang kapatid at nagpasalamat na sa kanyang FB account sa lahat na nagdasal.
Ayon kay Anjo nang nakapanayam namin sa DZRH noong Biyernes, April 16 ng gabi, dumaan nga raw sa appendix surgery si Ryan sa Olivarez General Hospital, pero natakot daw sila pagkatapos ng operasyon dahil sa itim daw ang lumalabas na ihi kay Ryan.
“Ang pagkakaalam ko, pag pula, galing lang dito sa labasan natin. Pero pag itim daw, galing sa loob. Kaya ako kinabahan,” pakli ni Anjo.
Kaya kaagad daw nilang itinakbo ng St. Luke’s, na ang buong akala raw ni Anjo ay in-airlift dahil sa hindi na raw makagalaw si Ryan sa sobrang sakit.
Kinaya naman daw ng ambulansya, at hindi na na-airlift. Hindi na raw isinakay sa chopper, na iyun na raw dapat ang una nilang gawin.
Hindi kami deretsahang sinagot ni Anjo kung meron bang pagkukulang o pagkakamali sa operasyon na ginawa sa Olivarez General Hospital.
“Personal friend kasi namin yung mga Olivarez, and at present, ang concern namin ay maiayos kung meron mang dapat ayusin.
“Kung dahil ba sa dating operasyon ng unang doktor o hindi. Basta, ang concern namin mapagaling si Ryan,” safe na sagot sa amin ni Anjo.
Hindi na raw nila inalam pa kung saan ang pagkakamali, kasi nagawan naman ng paraan at okey na raw ang kanyang kapatid.
“Meron pa kasi siyang sinasabi nung nasa St. Luke’s na siya. Kung one day [delay] siya dinala sa St. Luke’s, mag-50-50 na siya.
“Hindi ko alam kung bakit, kasi nga, medyo tuliro kami. Ang concern lang namin, kung okey na siya o feeling better na siya o nasa recovery stage na siya.
“Yung detalye ng mga operasyon, saka na lang namin tatanungin, Kasi, wala namang magagawa kung ano ang nangyari.
“Ang importante ngayon, nagpapasalamat ako sa mga kaibigang nagdasal.
"Kasi nakiusap ako na ipagdasal yung kapatid ko, at awa ng Diyos, mukhang papunta na siya… he is not out of danger yet, but he is in a better state ngayon,” dagdag na pahayag ni Anjo.
JERRY OLEA
Facebook post ni Anjo Yllana nung Biyernes, Abril 16: “Minsan lang ako humingi ng prayers kasi I feel there are more people who have bigger problems in life.
“This is the latest from Ryan Garchitorena Yllana. Alam ko sa mga messages niyo na you did offer a prayer or two. Maraming salamat mga kaibigan tunay.
“Pag kailangan niyo rin ng prayers sa akin... anytime po. God Bless Us All.”
Kaakibat ng FB post ang screen shot ng message ni Ryan kaugnay sa kanyang kalagayan.
Ani Ryan, “Hi! I’m ok na. Buti talaga naagapan. I say ok kasi they are over the situation but from recovering per se, I’m 1-2 weeks delayed in recovery.
“Yung tahi ko binuksan ulit to release the fluids. Good thing is I’m non bleeding, the other is my abdominal wall is still intact and no infections from the inside of that wall.
“The infection is skin and fat deep only. 1 day later Dalin ako dito at Baka Hindi ganito ang situation ko... “The Lord is really good! :)) Please pray for my recovery still. Medyo malayo pa ako from the goal.”

NOEL FERRER
Ang daming revelations sa tell-all interview ni Anjo na game na game sa pagsagot sa mga tanong ninyo, Tito Gorgy. Heto ang iba sa mga revelations ni Anjo:
1. Na nagkakamabutihan ulit sina Jomari Yllana at ang first love nitong si Abby Viduya, na nadala na raw ni Jomari si Abby sa family reunion nila. At every year for the past 4 years, iba-iba ang girlfriends na dinala ni Jomari.
2. Sinariwa ni Anjo iyung short-lived relationship nila ni Kris Aquino. Natawa na lang si Anjo nang banggitin niyang nagsabay-sabay sila nina Robin Padilla at Aga Muhlach kay Kris.
3. Binanggit ni Anjo na malapit pa rin sila ni Direk Joey Reyes, at kausap niya lang ito kamakailan at dumamay ito sa mahal na direktor dahil sa mga yumaong kaibigan.
At ang pinaka-revelation ni Anjo ay ang pagkumpirma na ilang taon na rin silang hiwalay ng dati niyang maybahay na si Jackie Manzano na may bago na rin daw na love life ngayon.
Nakakaaliw talagang kausap si Anjo. Walang tanong na pinalalampas at honest lang sa pagsagot!
