JERRY OLEA
Walong magkakasunod na episodes nang sinira ng FPJ’s Ang Probinsyano ang sarili nitong record ng pinakamaraming viewers na sabay-sabay na nanonoood sa Kapamilya Online Live sa YouTube.
Nitong Hunyo 3, Huwebes ng gabi, nagtala ng 154,039 live concurrent viewers ang pakikipagbakbakan nina Cardo Dalisay (Coco), Lia Mante (Jane de Leon), at Task Force Agila sa batalyon ni Renato “Buwitre” Hipolito (John Arcilla).
Casualties ng salpukan sina Teddy (Joel Torre) at Virgie (Shamaine Buencamino), ang mga magulang ng yumaong asawa ni Cardo na si Alyana (Yassi Pressman).
Marami sa mga kasama ni Cardo ang sugatan ngunit nakatakas sila kay Renato. Saan na sila pupunta ngayong wala na silang mababalikan at wanted pa rin sila ng batas?
Siyempre, lubos ang pasasalamat ni Coco sa pagsubaybay ng mga Kapamilya sa teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano.
"Dahil po sa inyo, lalo po kaming ginaganahan magtrabaho kahit napakahirap ng sitwasyon ngayon because of COVID-19," pahayag ni Coco sa TV Patrol.
"Kapag naririnig namin na nandiyan pa rin kayo para samahan kami gabi-gabi ay patuloy na nagpapalakas ng loob namin, kahit ano ang lungkot, hirap na pinagdadaanan namin ngayon. Kayo po ang nagbibigay ng lakas sa amin."
Natutunghayan ang mga maaaksyong eksena sa FPJ’s Ang Probinsyano Lunes hanggang Biyernes ng gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, CineMo, Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment, iWantTFC, WeTV, at iflix.
Samantala, patuloy na umaarangkada sa AGB-Nielsen ratings ang First Yaya. Matinding pagsubok ang kakaharapin nina President Glenn Acosta (Gabby Concepcion) at Yaya Melody (Sanya Lopez) sa pasabog ng mag-amang Luis (Gardo Versoza) at Lorraine (Maxine Medina).
Maapektuhan kaya ang gumagandang samahan ng magbalaeng hilaw na sina Edna (Sandy Andolong) at Blessie (Pilar Pilapil)? Pakisagot, Pepita (Kakai Bautista)!!!
GORGY RULA
Ngayong maraming mga tsika tungkol sa pagtatapos ng dalawang drama series na ito, lumutang ang kuwentong tatakbo si Coco Martin sa darating na eleksyon.
Gagamitin kaya ang party-list na Ang Probinsyano?
Pero itinatanggi ito ng kampo ng Kapamilya actor. Wala raw balak pasukin ni Coco ang pulitika. Abangan na lang natin.
Si Sanya Lopez naman ay may ilang nagtatanong kung puwedeng mag-endorse siya sa kampanya. Maaaring siya ang mangangampanya para sa mga yaya at kasambahay.
Narinig kong interesado sa kanya ang isang party-list. Feeling nga, bentang-benta si Sanya sa darating na eleksyon.
Samantala, simula Hunyo 7, Lunes, ay magsisimula na ang rerun ng Endless Love nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Dalawang linggo na lang ang hihintayin at matatapos na ang Heartful Café. Natapos na ang special participation nina Barbie Forteza at Jak Roberto sa Heartful Café.
Itinweet pa ni Barbie na nag-let go na raw si Cors. kaya happy na ba sina Heart at Ace?
Ngayong Biyernes ng gabi, Hunyo 4, ay papasok naman sa Heartful Café sina Klea Pineda at Jeric Gonzales bilang sina Ivy Mendoza at Warren Candelario, na na-matchmake ni Heart sa kanyang Heartful Café.
Ang First Yaya naman ay matatapos na rin pagkatapos ng apat na linggo. Naku! Parang hindi pa ito matanggap ng mga sumusubaybay sa nakakaaliw na kuwento ng pag-ibig nina Pres. Glen Acosta (Gabby Concepcion) at Yaya Melody (Sanya Lopez)!
Sana, isang season pa raw!
NOEL FERRER
Isa-isa nang natatapos ang istorya ng major characters ng FPJ’s Ang Probinsyano. Heartbreaking ang pagkamatay nina Shamaine Buencamino at Joel Torre—dalawang premyadong artista na tumagal na sa seryeng ito!
Kailan naman si Lorna Tolentino, Gorgy? Ang biruan namin ng kaibigang Rowell Santiago, sino kaya ang mamamatay at mabubuhay kina President Oscar at ang poser nitong si Mariano?
Sa takbo ng kuwento, mukhang sina John Arcilla at Richard Gutierrez ang mananatiling makakatunggali ni Cardo hanggang dulo. Nakaabang tayo rito.
Sa First Yaya naman, si Sanya talaga ang mukhang magbe-benefit dito to the max. In fairness, maganda, mahusay at mabait ang artistang ito kaya siya blessed!
So post-Probinsyano at post-First Yaya scenario, paano ang pagharap natin sa magulong politika ng bansa? Parang art imitates life ang nangyari sa dalawang seryeng ito!
