JERRY OLEA
Pinangunahan ng actor-director na si David Chua ang isang food relief campaign nitong Hunyo 10, Huwebes ng hapon, sa isang basketball court sa Barangay Parola 20 ng Tondo, Manila.
Post ni David sa Instagram, "Ako po ay pinanganak at lumaki sa Tondo, Manila. Alam ko din po ang hirap at pakikisama sa buhay.
"Kaya sa konti kong maibabahagi, ito po ang aking konting kontribusyon…"
Nagpasalamat si David sa kaibigan niyang si Gerry Chua ng Eng Bee Tin, na nagkaloob ng food packs para sa 300 katao.
Katuwang ni David sa proyektong ito ang kanyang Dark Carnival Productions team, at ang Manila councilors na sina Joel Chua at Letlet Zarcal.
May basbas ni Manila Mayor Isko Moreno ang pamamahagi nila ng pagkain. Kumuha sina David ng permits at clearance, at pinagkalooban sila ng security personnel ng city government upang masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng lahat.
Matapos ang food distribution, nag-courtesy call ang grupo ni David kay Yorme sa Manila City Hall.
"Reporting for duty to charity for the Manileños," caption ni David sa IG post niya ng picture nila ni Yorme.
Inaasam ni David na maging buwanan ang charity effort na ito.
Aniya, "For as long as our countrymen are still jobless and hungry, we want to sustain our efforts and make it a more longer-term solution."
Gumanap si David bilang Harry sa Kapamilya teleseryeng Love Thy Woman (2020) na pinagbidahan nina Kim Chiu at Xian Lim.
Katuwang siya sa pagdidirek ng segment sa Rated Korina (TV5).
Na-link before si David kay Kelley Day.
Ayon sa source ng PEP Troika ay isang Binibini ang bagong pinopormahan ng actor-director.
GORGY RULA
May isang TV project na mini-series na ipu-produce dapat ni Korina Sanchez-Roxas para sa TV5.
Kasama roon si David, na bale leading man ni Kelley Day, at kasama rin si Raymond Bagatsing.
Ewan kung kailan matutuloy yun dahil may gagawin na si Kelley sa GMA-7.
Okay na rin kung ibaling muna ni David ang kanyang oras sa pagdidirek at itong charity works, at baka may balak din siya sa Maynila sa 2022 elections.
Ipinagmamalaki ni David na laking-Tondo siya.
Aniya, "I know what it's like to play in the streets, walk in the rain and the floods, and find my way through the maze of small alleys and eskinitas here.
"We weren't exactly a rich family, but I can say that I'm proud of everything that I went through growing up."
NOEL FERRER
Inilalagay tayo ng Diyos sa tama nating paglagyan at kung saan tayo liligaya, at nagpapalago sa buhay natin.
At least, option pa rin kay David Chua ang pag-arte.
Pero since matagal-tagal na rin siya sa industriya, baka maganda ang pagba-branch out ni David sa pagdidirek o public service kung doon siya mas kikilalanin.
According sa mga taong nakarelasyon si David, isa siyang loving and passionate na tao.
Baka magandang i-channel yun sa bagay o tao na bagay talaga sa kanya!