GORGY RULA
Mukhang na-miss ng DongYan fans na magkasama sa isang drama series sina Dingdong Dantes at Marian Rivera kaya kahit replay lang ang Endless Love (2010), maganda pa rin ang rating nito.
Noong Biyernes, June 11, ay naka-13.4% ito—mas mataas pa sa mga naitatalang rating ng Heartful Café sa oras na iyan.
Kahit ang mag-asawang Dingdong at Marian ay ini-enjoy ang panonood ng Endless Love dahil masarap daw na binabalikan nila ang mga araw na tini-tape nila ito.
Sabi ni Dingdong, “Excited nga kami na mapapanood namin siya ulit, kasi pwede kaming mag-asaran habang pinapanood namin yung mga eksena.
“'Naalala mo yung scene na yun?' 'Oo… ano ba yung ginagawa natin diyan bago tayo mag-tape?' 'Parang… alam mo yun… para matulungan natin yung isa’t isa.'
“Siyempre, drama yan, di ba? Marami ring kuwento off screen about our working relationship together.”
Bukod sa Endless Love ay napapanood pa rin sa Kapuso afternoon prime ang replay ng Ang Dalawang Mrs. Real (2014), kung saan co-stars ni Dingdong sina Maricel Soriano at Lovi Poe.
Mukhang hindi pa ready si Marian magtrabaho at sumabak sa lock-in taping dahil sa kalagayan natin ngayon sa gitna ng pandemya.
Si Dingdong naman ay gagawin dapat ang huling installment ng I Can See You. Pero bumalik tayo noon sa Enhanced Community Quarantine kaya hindi natuloy ang taping.
Pero ngayon ay handa na raw ang aktor sa lock-in taping, kung mabigyan siya ng magandang project.
“Na-miss ko nga yun, dahil ang last ko pa diyan ay yung sa Descendants of the Sun pa which was last year.
“Ang daming mga learnings from that experience at ngayon alam kong maa-apply ko siya ngayon doon,” pakli ng GMA Primetime King nang nakatsikahan namin sa virtual mediacon ng Amazing Earth noong nakaraang linggo
Bukod sa replay ng dalawa niyang teleserye, napapanood pa rin si Dingdong sa Amazing Earth, na kasabay ng celebration ng third anniversary ay inilipat ito sa bagong timeslot na 7:40 ng Linggo ng gabi.
Ang taas ng rating nito nung nakaraang Linggo, June 13, na 16.4%.
JERRY OLEA
Super Ma’am (2017-2018) ang huling primetime series ni Marian.
TV comeback sana niya ang First Yaya at nakapag-shoot na siya rito nang lumaganap ang pandemya.
Nag-back out si Marian sa project, at pinalitan siya ni Sanya Lopez. The rest is history, 'ika nga.
Masasabi ring history repeats itself. Nag-ober da bakod si Angel Locsin at inayawan ang Philippine remake ng MariMar (2007-2008), which catapulted Marian into stardom.
Kung magpahinga muna si Marian sa paggawa ng teleserye, mauunawaan natin iyon. Isinasaalang-alang niya ang mga tsikiting nila ni Dingdong na nasa formative years.
In the future, malay mo, mag-conspire ang stars sa universe… at sa pagbabalik-teleserye ni Marian, baka makatambal niya si John Lloyd Cruz, Marco Gumabao o Piolo Pascual.
NOEL FERRER
Maiintindihan natin ang posisyon ni Marian Rivera (with Dingdong Dantes) na siya na muna ang nakatoka sa pamilya at sa pag-aalaga ng mga bata (kasama na ang homeschool nila) at iba pang gawaing-bahay.
Basta pangalagaan lang nila ang kanilang brand ay may endorsements naman si Marian at ang kanyang pamilya.
Sana, sa pagbabalik niya, pagkatapos ng COVID, isang markadong pelikula o teleserye ang kanyang pambulaga.
