GORGY RULA
“Buhay na buhay ako!” paunang bati sa akin ni Kuya Boy Abunda nang tinawagan ko siya sa cellphone ngayong Biyernes ng hapon, June 18.
Alam na niyang gusto ko lang linawin ang tsismis na pumanaw na siya.
Hindi na bago ang ganitong fake news na ikinakalat ng ilang blogs para lang mabuksan ang kanilang site.
Sa umaga pa lang ay may ilang non-showbiz friends na tumawag sa akin para magtanong kung totoo ang nakita nila sa isang Facebook account na nag-iiyakan na raw sina Ai-Ai delas Alas at Sharon Cuneta.
Sinagot ko na agad silang huwag nang pansinin. Hindi na bago ang ganoong balita na matagal nang ginagawa sa ilang kilalang celebrities.
Medyo nabahala ako nang may dalawang tabloid editors ang nag-message sa akin na kinukumusta ang King of Talk. Kaya tinawagan ko na si Kuya Boy, pero medyo kinakabahan na ako at baka hindi ako sagutin.
Natatawa na lang si Kuya Boy habang pinag-uusapan namin ang ganitong raket ng ilang bloggers.
Ang ikinawindang lang niya kaninang umaga ay tinatawagan daw siya ng partner niyang si Bong Quintana.
Alam naman daw ni Sir Bong na tulog pa si Kuya Boy nang ganoong oras, pero tumawag pa rin ito dahil nababahala na rin dahil ang dami na raw tumatawag sa kanyang nag-aalala.
Kaya iniisip na lang daw ni Kuya Boy na hahaba pa ang buhay niya.
Hindi na raw niya inalam kung anong site ang nagkakalat ng ganoong huwad na balita.
Pero may gustong iparating ni Kuya Boy sa nagkakalat ng ganoong balita:
“Hindi ako nagmamadali. Pwede na siyang mauna kung gusto na niya.
“Okay lang ako. Hindi ako nagmamadali!”
NOEL FERRER
Marami pang misyon na kailangang gampanan si Tito Boy Abunda, at tama ang attitude niya sa mga nagpapakalat ng fake news ng kanyang pagpanaw.
Pero habang deadma siya dahil wala namang katotohanan, kailangang i-call out ang mga gumagawa nito at ipaalalang… digital na ang karma!
JERRY OLEA
Oh, Boy!
Natuwa siyempre tayo dahil peke ang bali-balitang iyan.
Hindi si Tito Boy ang unang celeb na ginawan ng ganyang kabulastugan, at siguradong hindi rin siya ang panghuli.
Ang mga nagpapautot ng ganyan, buweltahan nawa ni Carmina Buraot sa lalong madaling panahon!
