GORGY RULA
Isang kaibigan kong sosyalerang gay ang napagtripang kumain ng goto sa isang maliit na restaurant kamakailan.
Natigil sandali ang paghigop niya ng mainit na goto nang may pumasok na isang lalaking naka-helmet.
Ang ganda raw ng katawan ng lalaki. Ang lakas daw ng tama nito sa kanya dahil sa tindig pa lang, hunk na hunk na ang dating ng lalaki.
Kaya lang, nagkaroon daw ng slight na eksena nang sinigawan ng hunky guy ang security guard na humarang sa kanya.
Pumasok daw kasi itong si hunky guy na naka-helmet pa rin. Pinapatanggal daw ng security guard ang helmet kay hunky guy, pero ayaw nito.
Yun pala, wala itong dalang face mask at face shield. Helmet lang ang ipinantakip nito sa mukha.
Sinabihan daw siya ng guard na hindi siya pwedeng pumasok kung naka-helmet lang.
Doon daw napasigaw ang hunky guy ng “Kakain lang naman ako, ah!” Kahit naka-face mask daw kasi siya ay tatanggalin pa rin niya ito dahil kakain nga siya.
Para hindi na lumaki ang gulo, pinayagan na lang daw ng ilang staff ng resto na pumasok at kumain ang hunky guy Pero malinaw na nilabag nito ang safety protocols kapag pumapasok sa isang establishment.
Maya-maya pa, may pumasok na dalawang babaeng medyo bata pa, at ang isa ay medyo sweet daw kay hunky guy.
Nang hinubad na ni hunky guy ang helmet, doon nakilala ng kaibigan kong bading na si male celebrity pala iyon na dating asawa ng kilalang aktres. Nag-aartista rin itong si male celebrity.
Parang naglaway si sosyalerang gay nang makita ang mukha ng male celebrity. Kinukulit na niya ako ngayon kung pa-booking daw ba ang male celebrity at magkano dahil may naririnig daw siya tungkol dito. Gustung-gusto raw niyang makilala si male celebrity.
Sabi ko na lang sa kaibigan ko, kung may dala sana siyang extra face mask at face shield that time, binigyan niya sana ang male celebrity at nagkakilala na sila.
Kaya ang natutunan ni sosyalerang gay, sa susunod na lalabas siya ay magdadala na raw siya ng maraming face mask at face shield.
At baka nga suwertehin kung sakali, di ba?
NOEL FERRER
Owww, astang tough guy kasi si male celebrity na isa ring athlete. Pero in both areas, kailangan pa niyang magmarka.
Hindi yun makukuha sa ganoong paraan ng pag-assert ng sarili. Ang hirap, ‘no?
Sana makahanap siya ng larangan na mag-e-excel siya talaga. Kasi, malungkot kung maliban sa career—sports man o showbiz—pati buhay-pamilya ay hindi rin niya naayos.
JERRY OLEA
At least three movies na ang nilabasan ni hunky guy kung saan forgettable ang kanyang roles.
Napanood ko iyong huling movie na kasama siya. Official entry iyon sa MMFF. Hindi ko ma-recall kung ano ang ginampanan niya roon.
Iyong ex niyang aktres, nagbibida pa rin sa TV at pelikula kahit panahon ng pandemya.
Pero si hunky guy, hanggang ngayon ay ngangey pa rin ang showbiz career.
