GORGY RULA
Ngayong Hulyo 2, Biyernes ng gabi, ang final episode ng First Yaya.
Sa mga sumusubaybay nito, inaabangan na ang presidential wedding nina President Glenn Acosta (Gabby Concepcion) at Yaya Melody (Sanya Lopez).
Kahit isang season lang napanood at tinangkilik nang husto itong First Yaya, ang laki ng nagawa nito sa showbiz career ni Sanya at paulit-ulit niya itong ipinagpapasalamat sa GMA-7.
Pero hindi lang kay Sanya kundi pati sa ilang artistang nagbigay ng major support kina Sanya at Gabby. Isa na rito ang dating Kapamilya na si Thou Reyes.
First project ito ni Thou sa GMA-7, at sana raw ay mabigyan siya ng kasunod na project kagaya nitong First Yaya.
Marami ang pumuri sa acting ni Thou na, para sa akin, siya ang pinakamagaling dito.
Pinag-aralan daw niya talaga ang role niya rito bilang si Yessey Reyes, ang chief of staff ni PGA.
Sabi ni Thou, “We were able to talk about the characterization of my character of Yessey. Hindi lang po siya isang araw na ginawa, as we go along po sa taping namin, kung ano po yung nararamdaman ko….
“I’ve been calling Kuya Gab 'Mr. President, Chief' kapag nandoon po ako sa location namin because pagdating ko pa lang sa set, ganoon na po ang tingin ko sa kanya.
“Pumasok na kami mismo sa set namin, may paggalang na agad, kaya medyo natural na po yung pag-arte namin sa isa’t isa,” paliwanag ni Thou kung paano niya na-internalize ang role.
Ang isa pang malaki rin ang pasasalamat sa GMA-7 ay si Glenda Garcia dahil hindi raw siya pinabayaan ng network magmula noong nagka-cancer siya hanggang sa gumaling siya, walong taon na ang nakararaan.
Malaking tulong daw ang First Yaya sa kanya, dahil maganda ang role na ipinagkatiwala sa kanya bilang reporter na si Marni Tupaz na isa sa nagkukontrabida kay President Acosta.
“I’m grateful dahil nandiyan ang GMA-7 na magmula nang gumaling ako, talagang nandiyan sila na binigyan agad nila ako ng trabaho.
“Noong na-diagnose ako, meron akong ongoing na teleserye. Kahit noong nagki-chemotherapy ako, diretso pa rin ang aking trabaho.
“Tapos, noong gumaling na talaga ako, nandiyan sila na lagi akong binibigyan ng trabaho. Kaya salamat talaga. Very grateful ako sa GMA-7,” saad n Glenda sa nakaraang farewell mediacon ng First Yaya.
Nag-enjoy rin ang veteran singer at actor na si Buboy Garovillo sa role niya bilang namayapang ama ni Melody.
Hindi raw siya naasiwa sa mga costume na ipinapasuot sa kanya tuwing nagpapakita siya kay Melody, kahit nagmukha siyang katawa-tawa.
“Pinag-usapan naman namin kung ano ang pwede sa script. Sabi ko nga kay Direk LA, baka pwede akong pakantahin dito sa First Yaya.
"Sabi niya, ‘Ano ang costume mo dito, APO?’” natatawang pahayag ni Buboy.
Bitin ang buong cast ng First Yaya dahil talaga raw nabuo ang magandang friendship nilang lahat. Kaya lahat sila ay umaasang magka-book two ito.
NOEL FERRER
With all the successes and high points about First Yaya, sana’y mai-announce na nilang may Book 2!
Hindi ba ito napaghandaan o hindi na-anticipate ang tagumpay nito katulad ng mga nakasulat? Game na!!!
JERRY OLEA
Ngayong Hulyo 2, Biyernes, ang ika-183 araw ng 2021—ang kalahatian ng taon, o middle day of the year.
Maia-associate ko rito ang finale ng First Yaya sa GMA Telebabad.
Nagtatak sa akin ang mga kontrabida rito—ang malditang si Lorraine (Maxine Medina) na nangarap maging First Lady, ang ambisyosong ama ni Lorraine na si VP Luis Prado (Gardo Versoza), at ang inggiterang kapatid ni Melody na si Gemrose (Analyn Barro).
Agaw-eksena ang mahaderang si Pepita (Kakai Bautista), at may shining moments din ang donyang-donya na si Blesilda (Pilar Pilapil).
Toprater ang First Yaya kung weekdays, kaya malaking hamon sa papalit dito na The World Between Us kung keri nitong pumantay sa ratings.
Title role si Sanya Lopez sa First Yaya, pero ang tambalan nila ni Gabby Concepcion ang minahal ng televiewers.
Iyong title na The World Between Us ay tumutukoy kina Alden Richards at Jasmine Curtis-Smith, pero mukhang mas ibinebenta rito si Alden at ewan kung masasabing love team sila ni Jasmine.
