GORGY RULA
Lubhang nag-aalala ang fans ni Nora Aunor nang nag-post ang Superstar sa kanyang Facebook account ng kuha niyang naka-wheelchair habang tinitingnan ang ipinapaayos na garden sa bagong bahay na nilipatan niya.

Medyo malaki raw ang bahay sa Quezon City na nilipatan ni Ate Guy kamakailan, at natutuwa siyang ayusin ito.
Nakahiligan daw mag-gardening ng aktres, at may isang bahagi ng bahay na paglalagyan niya ng trophies at ilang memorabilia. Parang type daw niyang gawing mini-museum.
Bukod sa pagluluto ay bumalik daw ang hilig niya sa gardening at pag-aayos ng bahay.
Minsan ay nilibot daw niya ang buong bahay, pero isinakay siya ng alalay niya sa wheelchair. Madali raw mapagod si Nora lately at minsan ay hinihingal na siya dala ng asthma niya, kaya nagwi-wheelchair na lang siya para hindi mahirapang maglakad.
Ipinost ito sa fan page ng kanyang Facebook account at ang daming fans na nag-alala. Pero kaagad daw silang sinagot ng aktres na okay siya at wala siyang malubhang sakit.
Pero sinakyan ito ng ilang vloggers at may mga nagkalat ng maling balita na nakaratay ang Superstar dahil sa malubhang karamdaman.

Ito ang dahilan kaya nagpadala si Ate Guy ng mensahe, sa pamamagitan ng publicist niya, para sa kanyang supporters.
Sabi ni Nora: “Sa mga nag-alala sa akin, lalo na ang mga sumusuporta sa akin ay gusto ko lang ipaalala na okay po ako.
“Wala po akong malubhang sakit, gaya po ng napapabalita.
“Gusto ko ring ipaabot ang aking pasasalamat sa pagmamahal at concern na ipinapakita ninyo sa akin.
“Lagi po ninyong tatandaan, mahal na mahal ko po kayo.”
NOEL FERRER
Ako rin, naalarma. I had to call people na close sa nag-iisang Superstar Nora Aunor.
Doon ko nakuha ang balitang okay naman si Ate Guy contrary sa pinost ng isang vlogger na nakita lang na naka-wheelchair si Ate Guy ay ipinangalandakan nang malubha raw. Hayyy, naku!
Tigilan na ang fake news, gawing panalangin na lang na sana ay mas palakasin pa ng Diyos si Ate Guy para maayos pa siya kapag tinanggap na niya finally ang National Artist Award na long overdue na sa kanya—and she truly deserves!!!
JERRY OLEA
Siyempre, super-concerned ang Noranians sa kumalat na picture ni Ate Guy na naka-wheelchair.
Noon pa may asthma si Nora, at hindi talaga siya napapakinabangan kapag hinihika.
Senior citizen na ang Superstar kaya dapat ibayong pag-iingat siya sa kalusugan, lalo na’t andiyan pa rin ang banta ng COVID-19.
Basta, malinaw ang Facebook shout out ng close friend ni Ate Guy na si Rodel Fernando—OK ang kalagayan ng Superstar ngayon!
