GORGY RULA
Halos dalawang linggo nang hindi napapanood ang kilalang male TV personality sa isang daily show na kinabibilangan niya.
Ang buong akala namin, tanggal na siya sa show. Pero ayon sa ilang staff na tinanong namin, tuloy pa rin ang male TV personality at hindi ito tinatanggal.
May inaayos lang daw ang male TV personality kaya pansamantala muna itong hindi mapapanood. Ayaw lang nilang sabihin kung ano ang inaasikaso nito.
Napag-alaman ng PEP Troika mula sa isang reliable source na nagkakaproblema pala sa Bureau of Immigration ang male TV personality. Nanganganib daw itong ma-deport sa bansa sakaling hindi maayos agad ang status niya, lalo na ang kanyang working visa.
Ito raw ang dahilan kaya lie low muna si male TV personality.
Ayaw ma-deport ni male TV personality dahil malaki ang kinikita niya sa ating bansa. Hindi dahil sa regular show niya, kundi may isa pa siyang pinagkakakitaan. Hindi lang pwedeng sabihin kung saan connected ang negosyo niya at mahahalata na.
Ipinakiusap ng aming source na huwag na lang sanang palakihin ang isyu at baka makarating pa sa kinauukulan.
Mabait at masipag naman kasi si male TV personality kaya sana maayos niya ito para tuluy-tuloy ang trabaho niya.
JERRY OLEA
Nawa’y maayos ni male TV personality ang gusot niya sa Immigration sa lalong madaling panahon.
Magsilbi rin sanang aral o paalala ito sa iba pang taga-showbiz na hindi Filipino citizen!
NOEL FERRER
Mahirap talagang maipit lalo pa’t malaki ang katungkulan niya sa isa pa niyang trabaho.
Sana maayos ito sa lalong madaling panahon.
