GORGY RULA
Hindi na kami nangahas hingan ng reaksiyon o sagot si Vic Sotto sa mga ikinakalat na kuwento tungkol sa kanila ni Julia Clarete.
Obvious naman kasing fake news yun.
Kaya lang, hindi lang minsan ito kundi parang series na ng mga balita tungkol sa nabuntis daw ng veteran comedian-TV host si Julia, hanggang sa kinasuhan pa raw ng aktres si Bossing Vic.
Kung anu-ano pa ang kuwento, na pati ang misis ni Vic na si Pauleen Luna ay idinamay na.
Hindi na rin namin tinanong si Pauleen tungkol dito, at hindi nga ito pinatulan ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Pero hindi na ito pinalagpas ni Bossing Vic.
Hindi man niya direktang sinabi kung ano ang isyu, obvious na ito ang tinutukoy niya nang magsalita siya sa Eat Bulaga! tungkol sa "fake news" noong Sabado, July 10.
Hindi ko napanood ang Eat Bulaga! noong Sabado, pero may ilang netizens ang nag-pick up at nag-repost sa hanash ni Bossing Vic.
Sabi niya, “Eto, makinig kayo, hehehe!
"Sa mga… eto ang hugot ko for the day, sa mga nagsa-cyberbully o gumagawa ng fake news, o naninira ng tao sa social media lalo na... o sa ibang paraan...
“Lagi ninyong tandaan na may nasasaktan kayo, at iyan ay pagbabayaran ninyo. Huwag ninyong isipin na dahil pinalalagpas lang ng iba ay mahina o naduduwag.”
Natigil siya sandali na nakaturo, at saka nagpatuloy: “Nakikita kayo. Tandaan ninyo iyan, nakikita kayo, at hindi natin ‘yan palalampasin.
“Darating ang araw na may paglalagyan kayo. Ito ang huli... N'yo!
"Abangan. Abangan n'yo yan. Yung mga nambu-bully o nami-meyk news, abangan niyo. N'yo!”
Nakangiti si Bossing Vic habang nagsasalita na parang pabiro, pero obvious na galit at gigil sa kung sino man ang nagkakalat ng ganitong pekeng balita.
Sumisingit si Jose Manalo ng “tama iyan, Bossing” at ipinagdiinan din ang ang salitang “n'yo.”
Naiintriga lang kami sa sinasabi ni Bossing Vic na “may paglalagyan kayo” at yung idinidiin nila ang "n'yo" at "kayo."
Kilala na kaya niya kung sino ang may kagagawan nito? Hindi lang isa kundi marami sila?
Ano kaya ang balak niyang gawin sa mga taong nagkakalat nitong fake news, kaya sinasabi niyang “may paglalagyan kayo”?
JERRY OLEA
Fake news lang ba iyon? Smear campaign? O propaganda na may kaugnayan sa pulitika?
May mga bobita bambolbi na napaniwala ng huwad na chika, at kung mag-pontificate online ay akala mo kung sinong sakdal linis at walang bahid dungis.
Gaya ng pinaniniwalaan natin, “God sees the truth, but waits…”
Sa kabila ng mga paninira at imbentong balita, lulutang at lulutang ang katotohanan.
NOEL FERRER
Unti unting nae-expose ang mga kalakaran ng trolls at ang organisadong paninira ng mga ito.
Alam nating may pangkabuhayan showcase na kaakibat nito, pero sino ang kumumpas ng mga ganito? Bakit nila nagagawa ito?
Bilog ang bola, digital ang karma! Good luck na lang sa kanila!
Use these GrabFood promo codes when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
