JERRY OLEA
Welcome na welcome kay Eugene Domingo si Pokwang sa paglipat nito sa GMA Network.
Ipinost ni Pokwang sa Facebook at Instagram account niya kamakalawa ang pagsorpresa sa kanya ni Uge sa taping. May pa-bouquet si Uge kay Pokwang, at mahigpit silang nagyakapan.
Abalang-abala si Pokwang bilang bagong Kapuso, kaya hindi siya nakadalo sa virtual mediacon ng Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento kahapon, July 14.
Ipinost ni Pokwang ngayong Hulyo 15, Huwebes, sa Facebook ang artwork ni Jose Antonio Santos tampok ang mga karakter sa Ang Unang Kuwento.
Paalala ni Pokwang, "Dalawang tulog na lang, Pepito Manaloto: Ang Unang Kwento na! July 17 na!! 6:15 p.m. after 24 oras Weekend sa GMA!"
Susundan ng Ang Unang Kuwento ang buhay ng binatilyong si Pepito Manaloto (Sef Cadayona), ang mga kaganapan niya sa school at sa bahay kasama ang best friend na si Patrick Generoso (Kokoy de Santos), at ang love-hate relationship nila ng kaklaseng si Elsa dela Cruz (Mikee Quintos).
Panahong 1980s ang setting sa munting barangay sa Caniogan, Bulacan.
Hindi pa uso noon ang cellphone at internet, pero noon pa man ay malapit na ang suwerte kay Pepito, at ang kabaitan niya ay laging nagliligtas sa kanya sa kapahamakan.
Si Elsa ay transferee mula sa Cebu, mahilig magluto, at book-smart.
Si Mang Benny (Archie Alemania) ang biyudong ama ni Pepito, nagtatrabaho bilang truck assistant, at mahilig makipagpustahan.
Sweetheart ni Mang Benny si Aling Tarsing Batumbakal (Pokwang), na may-ari ng cafeteria, at itinuturing na sariling anak si Pepito.
Ang labanderang si Aling Rosa (Gladys Reyes) ay ina ni Patrick, at ubod ng tsismosa. Paboritong anak ni Aling Rosa si Nando (EA Guzman) na mahusay sa sports.
Si Wendell (Kristoffer Martin) ang bully na kaklase nina Pepito at Patrick. Astig-astigan si Wendell upang maitago ang kanyang kabadingan. Best friend ni Wendell ang pilyo at mapang-asar na si Eric (Jay Arcilla).
Crush si Pepito ng kapitbahay niyang si Elma (Denise Barbacena), maging ng kaibigan ni Elsa na si Beth (Angel Guardian).
GORGY RULA
Agree naman siguro ang lahat na dekada ‘80 ang isa sa pinakamakulay sa lahat ng henerasyon. Ang ganda ng fashion noon, pati ang music at ang mga pelikula natin sa panahong iyon ay magaganda rin.
Dito naganap ang assassination kay Ninoy Aquino (Agosto 21, 1983), ang People Power Revolution o EDSA Revolution (Pebrero 22-25, 1986), na nagwakas sa 20-taon ng rehimeng Marcos. Nakamit natin ang demokrasya. Isa ito sa pinag-aaralan ng mga kabataan ngayon.
Ito ang setting ng Unang Kuwento, kaya mata-tackle ba ito at magagamit ba ang mga sikat na mga awitin noon?
"Wala, e," napangiting sagot ni Michael V sa virtual mediacon nung Miyerkules, July 14.
"Sana meron, malaking part sa '80s ang music, e," sabi pa niya.
Singit naman ni Manilyn, "Sabi ko nga, kahit iilan, di ba? Baka naman?"
Mahirap nga naman magamit ang mga kanta noon dahil tiyak na mahal ang rights.
"Kung wala, baka gagawa ng sariling music ang production na relatable na halos katunog," dugtong ni Bitoy.
Sumikat din noon ang Triplets na sina Manilyn, Sheryl Cruz, at Tina Paner sa That’s Entertainment (1986-1996), at pwede sigurong masali sila rito.
Pero nagamit pala ang karakter nila noon bilang classmates nina Pepito at Elsa Manaloto, kaya pag-iisipan kung gagamitin din ang younger character nila.
Pagdating sa fashion, natatawa sina Sef, Kokoy, Kristoffer, Jay, Edgar Allan, at iba pa dahil ang iiksi raw ng shorts nila.
Biniro ko si Kristoffer na bading ang role niya rito, kung sino sa tingin niya ang "best in shorts" at bongga ang pabukol.
"Hindi naman po ako tumitingin dun, Tito,” parang nahihiya pang sagot ni Kristoffer.
Nakakasa muna itong Unang Kuwento sa isang season, at doon tatantiyahin kung pababalikin na ba ang Pepito Manaloto na nasa Book Two na.
Kaya tinanong na rin namin si Bitoy kung kaya na ba niyang mag-taping on location, at hindi lang work from home.
Sagot ni Michael V: "As soon as ma-fully vaccinate siguro ako, I will consider that.
"As far as shooting on location is concerned, nakapag-shoot naman kami ni Manilyn sa location and everything worked out naman, kasi naplano naman nang maayos.
"Ang priority namin, ang safety ng lahat ng tao. So, I think that would be okay."
NOEL FERRER
Nag-volt-in ang matatalino at magagaling at masasaya sa buhay na mga komedyana ng bansa.
Ganyan naman dapat—good people lift each other!
Sana nga, maliban kina Eugene Domingo at Pokwang, isama na rin si Ai-Ai delas Alas sa isang masaya at makabuluhang proyekto.
Kapag nagkataon, ang saya lang! Kasi, pare-pareho silang tatlo na active sa kanilang career at masaya ang kanilang love life.
So, ituloy ang saya mga Kapuso commediennes! All the best in your commitments!!!