GORGY RULA
Matatapos na bukas, July 23, ang online auditions ng The Clash na nasa season 4 na. Sa mga gustong sumali, puwede pang humabol at magpadala ng kanilang audition material sa online form ng show.
Puwedeng i-check sa Facebook page ng The Clash. Makikita na rin doon ang listahan ng mga nakalusot sa auditions mula sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ipinagmamalaki ng The Clash na magagaling at talagang promising ang mga nai-produce nilang bagong singers.
Medyo napahinga lang ngayon ang first champion na si Golden Cañedo dahil gusto niyang mag-focus sa kanyang pag-aaral kasama ang kanyang pamilya. Kaya umuwi muna siya sa Cebu.
Hindi raw naputol ang communication niya sa ilang Kapuso artists, lalo na sa kasalukuyang champion na si Jessica Villarubin na isa ring Cebuana.
Ang second champion na si Jeremiah Tiangco ay tuluy-tuloy ang singing career sa GMA-7. Regular siyang napapanood sa All-Out Sundays at gusto rin sana niyang subukan ang pag-arte.
Overwhelmed si Jessica sa bilis ng mga nabago sa kanyang buhay pagkatapos niyang manalo sa huling season ng The Clash. Bukod sa lalo siyang gumanda, nai-release na ng GMA Music ang dalawang kanta niyang "Ako Naman" at "Beautiful."
"Hindi pa nga po ako one year, pero ang dami na pong nangyari sa career ko. Kaya super grateful po ako, kasi hindi ko po ini-expect na ganito yung mangyayari,” pakli ni Jessica nang nakatsikahan namin sa contract signing niya sa GMA Artist Center kamakailan lang.
Ang payo lang ni Jessica sa mga gustong sumali sa The Clash, “Always do your best. Every time na sasabak ka, isipin mo na last performance mo na iyan. Kaya ibigay mo talaga ang pagpi-perform mo, and always pray po.”
JERRY OLEA
Talaga? Kaya umuwi si Golden sa Cebu para mag-focus sa pag-aaral? Kapag nasa Mega Manila ba si Golden, hindi siya makakapag-concentrate sa online classes?
Babalik pa kaya si Golden sa Kamaynilaan, ngayong laganap pa ang pandemya at pinangangambahan ang Delta variant ng COVID-19?
May ginintuang kasagutan ang mga tanong na ito, at sa tamang panahon, maiintindihan natin nang lubos ang mga bagay-bagay.
Nawa’y makamit ni Jessica Villarubin ang inaasam niyang kasikatan! Good luck na rin kay Jeremiah Tiangco, at sa susunod na kampeon ng The Clash!
NOEL FERRER
E, mataas din ang cases ng COVID sa Cebu, di ba? Sana, ingat… Ang hirap ng ganitong pagko-contest lalo pa’t may babala ng Delta variant.
Paano ba mama-maximize ang kasikatan at potential ng mga reality show/talent show winners ngayong pandemya talaga?