JERRY OLEA
Patuloy ang maaaksyong eksena sa Kapamilya teleseryeng FPJ’s Ang Probinsyano, na napapanood Lunes hanggang Biyernes ng gabi sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Isasantabi muna nina Cardo (Coco Martin) at Lia (Jane de Leon) ang hindi nila pagkakaunawaan para mailigtas ang ate ng dalaga, si Audrey (Aya Fernandez).
Bihag si Audrey ng mga tauhan ni Enrique Vera (Simon Ibarra), isang drug lord at dating kliyente ng ama nina Audrey at Lia na si Fernando (Christian Vazquez).
Ito ang paraan ng paghihiganti ni Enrique kay Fernando matapos nitong talikuran ang mga ilegal na gawain.
Susugurin ni Enrique ang bahay ni Fernando para takutin ito. Wala siyang kamalay-malay na doon nakatago si Cardo at ang Task Force Agila. Mailigtas kaya nina Cardo at Lia si Audrey?
Siyanga pala, totoo bang ikinakasa na ang pagtatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano?
Isang kilalang aktor daw ang kinukuha para sa napakaimportanteng papel sa pagwawakas ng kuwento ni Cardo Dalisay!
If ever, matutuloy na ba ang paglipad ni Jane sa Mars Ravelo’s DARNA: The TV Series?
Hulyo 17, 2019 pa ini-announce na si Jane ang bagong Darna, bilang kapalit ni Liza Soberano. Dalawang taon na ang lumipas, waley pa rin ang launching project ni Jane.
GORGY RULA
Totoo bang mamamatay si Cardo sa ending ng FPJ’s Ang Probinsyano?
Siguro, mas kapani-paniwala yun. Sa dami ng mga hinarap niyang pagsubok, halos iisa ang komento ng karamihan na bakit hindi siya namamatay-matay sa teleseryeng ito.
Inaabangan naman sa Kapuso network ang cultural drama series nilang Legal Wives na napakaganda ng trailer. Isa ito sa pinakamalaking project na ipinagkakatiwala kay Dennis Trillo, at sobra ang pasasalamat niya sa GMA-7.
Feeling daw ni Dennis, napakaimportante niya na sa kanya ibinigay itong Legal Wives.
Ani Dennis, "Feeling importante ako. Masaya sa pakiramdam na lahat ng paghihirap, sakripisyo, at pagtatrabaho nang maayos ay nare-reward-an ng ganitong klaseng programa.
"Kaya talagang wala akong masabi sa GMA kundi pasasalamat at talaga namang paghanga at hanggang ngayon ay nandito pa rin kayo na sinusuportahan at pinagkakatiwalaan ang trabaho ko."
Ngayong Hulyo 26, Lunes ng gabi, ang pilot episode ng Legal Wives pagkatapos ng The World Between Us.
NOEL FERRER
Hulyo 26, Lunes ng 7:09 p.m. nang mag-post si Direk Zig Dulay sa Facebook ng pagbati sa buong team ng Legal Wives na nakatrabaho niya.
Ani Direk Zig, "Hindi ko na kayo isa-isahin pa. Kulang yung salita para sa walang hanggang pasasalamat.
"Congrats sa atin! At congrats din sa sarili ko—nakaya mo, at kinaya mo self! Congrats!"
Emosyonal si Direk Zig dahil may pinagdaraanan siyang personal na isyu nang ginagawa niya ang Legal Wives.
Lahad niya: "Ang totoo, andaming pinagdaanan ng team para maisakatuparan yung buong serye. Hindi ko maikukumpara yung pinagdaanan ng produksyon, pero habang binubuno yung mga yun, nagkaroon din ako ng sariling pinagdadaanan. For sure, lahat naman kami.
"Maliban sa anxiety at stress na dala ng pandemya, yung nakaabang na panganib pag lumalabas ka ng bahay, yung sa dami ng kakilala mong namaalam na parang nabubuhay ka na sa bubble nang walang kasiguraduhan.
"Sabi ko nga, pag natapos ang pandemyang ito, isisigaw ko talaga sa Sagada kung paano ako nakalaban at naka-survive, physically at, lalo na, mentally.
"Last year, nangyari yung isa sa pinakalugmok at pinakamalungkot na araw ng buhay ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin, kung paano ko haharapin o paano ko siya hindi iisipin habang nakakulong lang mag-isa sa kuwarto. Siguro dala na din ng pandemya, dala na din ng pag-iisa."
Ipinagpasalamat ni Direk Zig ang pagga-ground sa kanya ng Legal Wives. Ibinalik siya ng project sa katinuan.
Paliwanag ni Direk Zig, "Sa preprod, nagbasa ng tambak-tambak na scripts, inaral yung bawat characters, kinukumusta ko isa-isa ang bawat departments, nakikipagtalo ako hanggang sa kung anong lente ang gagamitin at dadalhin sa set.
"Tapos sa quarantine days, kung anu-ano na ang ginagawa mo para lang maging busy. Natuto akong magsulat ulit ng journal, yung literal na araw-araw. Sulat-kamay.
"At natuto rin ako mag-meditate, araw-araw din. Hanggang ngayon. Kailangan kong matutunang tanggapin na minsan may mga bagay na ayaw mo mang matapos, wala ka nang magagawa dahil di mo inaasahan at napaaga yung pagdating ng dulo.
"Hindi ko alam kung ilang beses ko ba dapat alalahanin ang nakaraan para makalimot. O ilang beses ba ako dapat makalimot para makaalala na kailangan kong isipin ang sarili ko, muna. Hindi naging madali para sa akin, sa totoo lang.
"Pagdating sa shoot, kailangan mo lang harapin kung ano ang ibabato ng universe sa ’yo—doon ka lang gagalaw."
Maraming problema ang dumating sa Legal Wives.
Pag-amin ni Direk Zig, "Walang tigil na pag-ulan sa Laguna—daya dito, daya doon, dahil wala nang araw, paano magwo-work yung scene, kinulang na sa oras, tapos may nag-positive sa COVID, nag-lockdown, at marami pang iba.
"Sa sobrang dami, hindi mo na alam kung saan pa sumisingit yung sarili mong pinagdadaanan. Yung nakangiti ka pero nauupos ka sa loob, yung tahimik ka lang sa tabi pero nagsusumigaw ang lungkot. At pinipili mong wag na lang sabihin, busy ang mundo at wala siyang paki sa ’yo.
"At ngayong gabi, magsisimula yung natapos na. Andami kong natutunan sa Legal Wives.
"Hindi lang tungkol sa produksyon at kung paano maging tao at magpakatao sa loob nito, hindi lang tungkol sa mga pagpapahalaga, kultura at relihiyon ng mga Maranaw, at kung paanong hindi nagiging sapat ang pag-ibig lang para hindi matuldukan ang relasyon—andami kong natutunan tungkol sa aking sarili.
"At ngayong gabi, magsisimula ang mga alaala."
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
