GORGY RULA
Si Nora Aunor ang isa sa sobrang nalungkot sa pagpanaw ng producer at director na si Kitchie Benedicto.
Sa statement ng aktres na ipinadala sa PEP Troika ng publicist niyang si Rodel Fernando, binalikan ni Ate Guy ang ilang mahahalagang bahagi ng buhay niya kasama si Kitchie.
Humihingi rin siya ng patawad sa mga pagkukulang niya sa namayapang TV executive at director.
Narito ang kabuuan ng pahayag ng original Superstar Nora Aunor:
“Ako po ay lubos na nagdadalamhati sa pagpanaw ng aking kaibigan na si Ate Kitchie Benedicto.
“Sila po ng pamilya niya ang isa sa may-ari ng KBS network kung saan sila po ang naging producer ng Superstar show ko na nagtagal ng 22 years, at ang Makulay na Daigdig ni Nora na isang drama anthology.
“Si Ate Kitchie ang isa sa mga unang nagdirek ng mga nasabing palabas na umere sa Channel 9.
“Masasabi ko pong isa siya sa mga naging dahilan kung bakit tumagal ng mahabang panahon ang akin pong mga programa na minahal ng sambayanang Pilipino, tinangkilik ng mga advertisers at pinarangalan ng iba’t ibang award-giving bodies.
“Ang masasabi ko ay talaga pong napaka-dedicated ni Ate Kitchie sa kanyang trabaho. Masyado po siyang hands on para sa ikagaganda ng aming palabas.

Nora Aunor in Superstar
“Isa rin si Ate Kitchie sa mga saksi at promotor nang ikasal kami ni Christopher de Leon sa beach nila sa La Union, kung saan ay naging ninang namin si Direk Lupita Kashiwahara dahil siya ang kasalukuyang direktor noon ng Makulay na Daigdig, at saka si Ninang Charito Solis.
“Higit pa sa kaibigan ang turing ko sa kanya. Alam na alam niya kung may problema ako, masaya, malungkot at may sakit.
“Siya rin ang kasama ko tuwing may problema kami noon ni Tirso [Cruz III].
“Marami pang alaala at kulang ang espasyo na ito kung ikukuwento ko lahat. Napakalaki ng naitulong niya sa akin.
“Kahit noong nasa ibang bansa na ako, hindi pa rin siya huminto ng pagtulong sa akin.
“Ang isang taong napakalapit sa kanya na si Beng ang higit na nakakaalam sa lahat ng mga ginagawang tulong sa akin ni Ate Kitchie. Alam ni Beng kung gaano ako kamahal ni Ate Kitchie.
“Marami akong pagkukulang sa kanya.
“Saan man siya naroroon ngayon, gusto kong humingi ng tawad.
“Kasama siya sa aking mga dasal. Ayokong isipin na wala na siya. Gusto kong buhay pa rin siya sa aking alaala.
“May she rest in peace at nawa’y magsilbing inspirasyon ang mga magagandang alaalang naiwan niya sa kanyang pamilya, mga nakatrabaho at mga kaibigan.”
JERRY OLEA
Ipinagluluksa rin ngayon ng showbiz ang pagpanaw ng indie director na si Joseph Israel Laban.
Hulyo 25 pumanaw si Joseph, na nagdirek ng Cinemalaya entries na Cuchera (2011), Nuwebe (2013), at Baconaua (2017).
Hindi agad iyon naisapubliko dahil hindi pa naipalam noon ang nangyari sa isa niyang kapamilya na nakaratay sa ospital.
Nitong Agosto 3, Martes, iyon na-announce finally.
“It is with great sadness for us to announce that our beloved Joseph Israel Laban has joined our Creator last July 25, 2021. We ask for your prayers for the eternal repose of Joseph…” Facebook post ng kaibigan niyang si Direk Derick Cabrido.
Ang FB post ni Direk Joey Reyes, “On this sad day of the announcement of his death, Joseph Israel Laban's entry for CINEMALAYA 2023 was chosen as one of the thirty semi-finalists from a harvest of more than 225 entries.
“His friend and fellow filmmaker Derrick Cabrido will continue on his behalf to fulfill Joseph's last film.
“Your passing is such a loss to Philippine independent cinema. But your passion will never be forgotten and serves as an inspiration for the persistence of talent in an ever-changing climate of filmmaking. You shall be missed, Joseph Laban.”
Ipinanganak si Joseph sa Marinduque. Ang online necrological and memorial service para kay Joseph ay nakatakda sa Agosto 7, Sabado ng 11:00 a.m.-1:00 p.m.

NOEL FERRER
Lesson of the story: kailangang ayusin ang mga bagay habang may chance pa, damhin ang buhay, at makipag-ayos sa mga nakaaway.
Ang daming nagti-tribute kay Tita Kitchie Benedicto, isang mahusay at mabait na tao, at mahal ng industriya; pati na kay Joseph Laban na isang mahusay na batang direktor na ang laki pa ng potensiyal.
We mourn losing them at sana, isa itong panuntunan na ayusin ang lahat habang buhay pa ang mga taong mahal at pinahahalagahan natin.
Condolences to the families of Tita Kitchie and Direk Joseph!!!
