JERRY OLEA
May pagka-occult horror ang indie movie nina Coco Martin at Julia Montes, na kinunan ni Direk Brillante Mendoza kamakailan sa Pola, Oriental Mindoro.
"Gusto ni Coco na gumawa ng out-of-the-box. Sobrang iba siya rito," sambit ni Direk Brillante nang mainterbyu namin noong Agosto 14, Sabado ng hapon, sa kanyang tahanan sa Mandaluyong City.
"Sobrang hindi siya Probinsyano. Naglolokohan nga kami sa shooting. ‘Gusto mo bang tumambling ako diyan? Nakabaril ako ng sampu,' sabi niyang ganun.
"Sabi ko, 'Huwag na, sa Probinsyano na lang.'
"Sabi niya, 'Tatakbo ako diyan, tapos, makakabaril ako ng mga sampung tao!'"
Bakit naisipan niyang mag-shooting ng reunion movie with Coco sa panahon ng COVID-19 pandemic?
"Nagkataon lang. Wala sa plano. Matagal na akong sinabihan ni Coco, 'Pag meron kang project, gawa tayo.'
"Wala akong maisip," salaysay ng multi-awarded director.
"Hanggang sa meron akong na-research, yung tungkol sa pulis na nag-amok. Sabi ko, 'Baka pwede dito si Coco.'
"Tapos, biglang… naisip ko lang, sinabihan ko si Coco, 'Uy! Meron akong project. Kailan ka kaya malilibre?'
"'Ay! Libre ako.' ganyan-ganyan. 'Ilang araw?' Sabi niya, 'Kahit mga 15 days, bahala ka.'
"'O, sige, sige, sige!' Sabi ko, 'Kailan ang date? Sabihin mo.' Sinabi niya yung date. 'Sige, shoot tayo.' Ganun kadali.
"Biglaan lang ito. Hindi rin ito inaasahan ni Coco. Talagang pag ganoon, nag-conspire ang universe, talagang mangyayari."
Package deal ba sina Coco at Julia?
"Hindi naman. Hindi naman. Pero parang… yun na nga, para madali na ang lahat," sambit ni Direk Brillante.
"Ikinuwento ko kay Coco, ganito yung babae, yung role ng asawa niya, ganyan-ganyan.'
"Suggestion niya, 'Si Julia.' Sabi ko, 'Ah, oo, si Julia, puwede.
"Para mabilis, wala na tayong masyadong… Kasi, mabilisan, e! Pag ibang artista, alam mo na, di ba? May ibang schedule, may ganyan-ganyan."

Bago ang pandemic film nila, huling naidirek ni Brillante si Coco ay sa pelikulang Captive (2012).
Na-miss ba niya ang pagdidirek kay Coco?
"Na-miss ko pero… sobrang galing na niya ngayon. Ibig sabihin, hindi yung natakot na parang… masyado siyang naging TV na,” tugon ni Direk Brillante.
"Kaya niya na gumawa ng ganitong pelikula. Mas gumaling pa siya.
"At ramdam mo naman, e, sa puso niya, na mas gusto niya yung indie. Kung may choice nga lang na ganun kalaking magbayad ang indie."
Co-producers sina Coco, Direk Brillante, at ilang investors sa movie. Malaki ba ang talent fee ni Coco sa movie na ito?
"Maliit lang. Alam naman niya yung mga budget sa indie."
GORGY RULA
Sa pelikulang ito ay action scenes daw ang naatasan kina Coco at Raymart Santiago.
May drama naman daw si Coco, dahil lalo pa raw gumaling sa pag-arte ang Kapamilya actor.
Pero nasa drama naman sina Julia, Lotlot de Leon, at Allan Paule.
Sabi ni Direk Brillante, nakikita niyang mas gusto pa rin ni Coco ang indie movie kagaya ng mga ginagawa nito noon.
Doon talaga lumulutang ang pagiging aktor na dati natin napapanood sa indie films. Pulis ang role ni Coco sa pelikulang ito, at pulis din siya bilang si Cardo Dalisay sa FPJ’s Ang Probinsyano, pero ibang-iba raw ang atake niya.
Pulis na pang-indie at pang-commercial na pulis.
Hindi pa ito pinu-promote nina Direk Brillante dahil ang dami pa niyang nakabangkong pelikula.
Andiyan ang GenSan Punch na nag-shooting pa sa Japan, at ang launching film ni Vince Rillon na Resbak.
May natitira pang two shooting days bago matapos ni Direk Brillante ang pelikulang Bangsa na tampok sina Piolo Pascual, Laurice Guillen, at Baron Geisler.
Ayaw raw sana nilang ipabalita pa ito, kaya mahigpit na ipinagbilin sa mga artista, buong production staff, at mga taga-Pola na huwag magpu-post sa social media account.
Nakaligtaan lang nilang pakiusapan si Mayor Ina Alegre, ang alkalde ng Pola, Oriental Mindoro na pinagsyutingan nila.
Excited naman siyempre si Mayor Ina na i-post ito dahil proud siya sa ganda ng Pola na puwedeng pagsyutingan.
Puring-puri naman nina Direk Brillante ang mga taga-Pola na napaka-cooperative sa kanila.
Hindi nga lang nakontrol ang pagdagsa ng mga tao mula sa mga kalapit-bayan nang nalaman nilang may Coco Martin na nagsu-shooting sa Pola.
NOEL FERRER
Kailan kaya maipalalabas ito?
Sa Metro Manila Film Festival kaya na umaasa pa rin ang muling pagbubukas ng sinehan, or at best hybrid kaya na may sinehan at may online din? O hihintayin na lang matapos ang pandemya?
Kung ganun, kailan kaya yun? Ano kaya ang mauuna, ang pagpapalabas ng pelikulang ito o ang pagtatapos ng FPJ’s Ang Probinsyano? Ano sa tingin ninyo?
Use these Shopee vouchers when you shop or order online. Marami pang ibang coupons dito.
